the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Thursday, January 31, 2008

alamat at pagsaksi: isang pagsusuri sa ang sandali ng mga mata


Tulad ng sa lumang panahon, isinasalaysay ang mga pangyayari sa nobelang Ang Sandali ng mga Mata ni Alvin Yapan. Hindi man pasalita kundi isinusulat sa papel, ikinukuwento ng pangunahing tauhang si Esteban ang kanyang nasaksihan nang paris ng prekolonyal na panitikan: mala-alamat. Ordinaryong buhay man meron ang mga tauhan, ito ay may saysay kaya dapat isalaysay at hindi basta kakalimutan. Kuwento man ito ng isang naging katulong gaya ni Selya, ng isang anak sa labas gaya ni Nene o ng mga gerilya o rebelde ng lipunang gaya nina Esteban at Bino, may mga kabayanihan o alamat itong gustong ipaalam sa mga maaaring makinig, magbasa o umunawa. Sa paraang ito, mas nabibigyan ng tamang kabuluhan ang mga buhay sa kontemporaryong panahon. Sa ngayon, mahirap hanapin ang maalamat sa buhay ng mga tao sapagkat nagdaan na sa marami, paulit-ulit at malalaking pagkabigo sa halip na mga kabayanihan. Hindi nalalayo sa ganitong pagdaranas ang mga tauhan sa nobela. Sa kaso ng mga Filipino, makikita ang mga pagkabigong ito sa karanasan ng ating pagkasakop at, matapos ang pagkasakop, ang desperadong pagtatangkang lumaya sa mga epekto ng kolonyalismo at sa kahirapan. Dahil patuloy na hinahanap ang mga kalayaan mula sa mga ito, hinahabi pa rin ang mga alamat at sa dulo pa ng buhay malalaman kung magiging bayani o magiging katulad ng mga tauhan sa kuwento na nasadlak sa kanya-kanyang kabiguan. Sa nobelang ito, si Esteban lamang ang nanatiling buhay para ikuwento ang mga buhay ng mga nangamatay nang literal gaya nina Estela at Boboy at nang piguratibo gaya nina Bino at Selya. Sa pamamagitan ni Esteban, nabigyan ng maalamat na kalidad ang buhay ng mga ordinaryong taong ito upang ipakitang kahit sa kasalukuyang panahon, may mga pagtatangkang maging bayani gaya ng sa mga epiko kaya hindi dapat mawala o mapatianod ang tao sa mga kontemporaryong panganib gaya ng materyalismo, pananakop, dehumanisasyon at iba pa.
Hindi man lubusang naging bayani sa kanilang mga sari-sarili, sinubok ng mga tauhan sa nobela na maging ganito may malay man sila o walang nagpapakabayani sila gaya ng sa katutubong epikong Ibalon. Halimbawa, nang hindi gampanan ni Selya ang kanyang tungkulin bilang ina ni Nene, inako ito ni Bino at siya ang nag-asikaso sa bata sa pagpapalit ng lampin, paghahanap ng gatas at iba pang gawaing pang-nanay. Habang mistulang dalaga ang kanyang asawa, binabalanse ni Bino ang kanyang mga tungkulin bilang ama at ina ni Nene at bilang makataong tagapamahala ng hacienda ng mga Nueva. Sa dulo man ay napabayaan niya si Nene sa pag-aaruga ng katulong na agtang si Agatha at mistulang patay na rin siyang hindi umalis sa kanyang tumba-tumba, nasubok naman niyang magpakabayani sa batang hindi niya tunay na anak kundi resulta ng panggagahasa sa kanyang asawa. Pinangatawanan man niya ang kanyang pagkakapon dahil hindi na nagamit ang kanyang kakayanan at kapangyarihan sa pagkakatigil niya sa tumba-tumba, nasubok naman niyang gumawa ng alamat sa pamamagitan ng pagiging dalawang magulang habang mahusay na nakikitungo sa mga sakada ng kanyang lupain.
Gayundin naman si Nene na inihalintulad sa bayaning si Handyong na nakipaglaban sa mga halimaw na gumambala sa Ibalon. Gaya ng nabanggit na bayani, kinalaban din niya ang mga Marcos na hinihinala niyang pasimuno sa pagnanakaw sa nagbibigay-kaligtasang Ina ng Bikolandia, isang krimeng gumambala sa bayan ni Nene. Tuluyan man siyang nawala sa loob ng Malakanyang kung paanong nawala si Handyong nang umibig sa mapagbalat-kayong (dahil nag-anyong diwata) kalabang si Oryol, sinubok pa rin ni Nene na ipakipaglaban ang karapatan ng kanyang bayan na mabawi ang ninakaw ng mapagbalat-kayong (dahil magnanakaw pala) pinuno ng Pilipinas. Bayani pa rin si Nene dahil marami siyang simulaing nagpabago sa makaluma niyang bayan ng Sagrada gaya ng pagbebenta ng yelo, ng baka at manok at sari-sari pang produkto.
Mala-bayani rin anak ni Nene na si Boboy, dahil inihalintulad siya sa sumunod kay Handyong na si Bantong, ang huling bayani sa epikong Ibalon. Ipinapahiwatig nito na itinuloy ni Boboy ang simulain ng ina na huwag maniwala sa mga pamahiing nagtatali sa kalumaan sa maraming tao sa Sagrada. Kung hindi lamang siya natagpuang lulutang-lutang sa ilog sa piling ng mga lilang takay, baka nakatapos siya ng abogasya at nabigyan ng kaginhawaan ang lolang punumpuno ng kasawian sa buhay mula nang maging alila ng mga Nueva hanggang magahasa ng mga Hapon. Kung hindi niya labis na ipinagluksa ang pagbibigti ng kasintahang si Estela, maaaring naging abogado na siya at itinuloy ang simulain ng ina na paunlarin ang makalumang bayan niya.
Ang pagtatangka ng nobela na ipakitang nagpapakabayani ang mga tauhan ay pagkumpirmang hindi humihinto ang siglo ng mga alamat. Hindi lamang matatagpuan ang mga bayani sa lumang panahon kundi sa lahat ng panahon at pagkakataon. Pag-aangat ito sa buhay ng mga kontemporaryong mga tauhan pati na ng mga mambabasa upang pahalagahan ang kanilang magagawa bilang sagot sa mga kasalukuyang balakid sa pag-asensong personal o panlipunan. May mga alamat na mahuhugot sa buhay ng tao upang magsilbing inspirsyon ng kanyang kapwa. Hindi man tuluyang magtagumpay, sumubok pa ring humabi ng alamat ng pagkabayani ang mga tauhan ng nobela para patunayang napapanahon pa rin ang mga bayani.
Sa nobela, isa lamang ang maituturing na bayani, si Esteban. Malaki ang nagawa ng kanyang mga mata upang palitawin ang kalidad ng maalamat sa buhay niya bilang tagapagsalaysay ng kuwento. Sa sandali ng kanyang mga mata, naging saksi siya sa mga bigong pagpapakabayani ng kanyang mga nakasalamuhang tauhan. Ngunit hindi gaya nila, naging bukas ang mga mata ni Esteban kahit pa masakit masdan ang mga pagkabigo. Hindi siya pumikit para lamang matakasan sa pamamagitan ng dilim ang mga dusa at kasawian ng minamahal na si Selya at ang mga kapamilya nitong sina Nene at Boboy. Sa pamamagitan pa ng nagising niyang ikatlong mata, namulat din siya sa malapit at malayong nakaraan pati na sa daigdig ng mga dating buhay. Sa kapangyarihan ng kanyang mga mata, nagawa ni Esteban na saksihan at patotohanan ang mga pangyayari sa iba’t ibang panahon, mula sa panahon ng mga bayani ng epiko hanggang sa malagim na paglubog ng Cagsawa dahil sa pumutok na Bulkang Mayon hanggang sa pagdating ng mga Amerikano at Hapones hanggang sa diktadurya ni Marcos at EDSA 1. Sa pagkakasaksi ni Esteban sa iba’t ibang punto ng kasaysayan ng bansa, pinatototohanan niya ang isinasabuhay na epiko ng ating bansa: ng mga indibidwal na bayaning nagkakawing-kawing ang mga buhay para likhain ang bayan at ang kasaysayan nito, ang mga madalang na tagumpay at madalas na pagkabigo sa pagsubok na magpakabayani at lumikha ng pansariling alamat. Sandali ng mga matang nakasaksi sa magkakahiwalay na mga pangyayari ang magpapakita ng ebidensiya na mapagtatagpi-tagpi ang mga sala-salabid ngunit totohanang nangyari upang ang nabuong naratibo ang magbibigay ng kahulugan sa magkakaugnay palang nakalipas, kasalukuyan at kinabukasan.
Kung paanong naging motif ang ahas bilang dahilan ng kasawian ng tao o ang bulaklak bilang pang-alay, motif din sa nobela ang mata mula sa kinikilatis na mata ng isda, sa mata ng lungsod na hindi pumipikit upang hindi mabangungot ngunit hindi rin makapapanaginip, hanggang sa singkit na mga mata ng mga Hapones. Palibhasa, mga mata kasi ang nakakakita ng dilim at liwanag. Ito ang makakapagpatotoo kung tunay o huwad ang nakikita at maisasaysay. Kung nakakapikit ito dahil ayaw masaksihan ang masakit na katotohanan, hindi makapangyarihan ang maisasaysay nito. Samantala, kung dilat naman ito bilang pagtanggap sa mapait ngunit mapagpalayang katotohanan, makapagsasaysay ito nang may kapangyarihan dahil makapagmumulat din ng ibang mga mata. Gaya ng mga pagkabigo sa mga tauhan ng nobela, masakit ngunit nakapagpapalaya ang pagtanggap sa katotohanan ng mga pagkabigo sa tunay na buhay. Ito ang dahilan ni Esteban sa pagsasalaysay ng kanyang nasaksihan: upang hindi na dumami pa ang maging biktima ng kamandag ng kawalang-malay. Habang buhay ang kuwento, epiko at alamat ng buhay, ‘di mababaon ang tao sa pamahiin, dilim at kalumaan.

1 comment:

  1. Anonymous10:36 PM

    ano po ba ang exposition ng kwento

    ReplyDelete