the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Thursday, January 03, 2008

rampa: paggalugad sa antolohiyang galing cine café


Unang libro pa lamang ni Nestor De Guzman ang Galing Cine Café (Quezon City: Lambana Press, 2005) ngunit kinakitaan na ng talim ng pagsipat sa karanasang pambakla ang makata. Sa pamamagitan ng mga tulang parang ipinintang mga larawan dahil sa angking yamang biswal, ginalugad ni De Guzman ang mga lugar na tulad ng sinehan, kapihan, parke, madidilim na iskinita at iba pang pali-paligid sa loob at labas ng bakla na nilihitimong lugar ng mapanghusgang lipunan sa mga pilit binuburang mga nilalang na ito. Iisa ang hinabing wika ng makata: hindi na puwedeng ietsa-puwera ang sangkabaklaan dahil dumating na ang panahon nila. Sa tulang “Kapisan” (p.9), ipinakita ng makata kung paano minaltrato ng lipunan sa pamamagitan ng midya ang mga bakla ng pagsalakay sa “mga tagpuan, tahanan, tanghalan” (linya 2). Dahil sa binaluktot na imahen ng mga bakla sa telebisyon at midya, i.e. nagpaparaos sa kung saan-saan—samakatuwid, bulgar o hindi disente, tinitignan nang may pagkutya ang mga bakla na mistulang salot sila sa mundo. Kaugnay nito, sinisikil ng lipunan ang pag-usbong ng identidad ng mga bakla sa pamamagitan ng paglilinis sa mga pook-tagpuan ng mga bakla (linya 3-8). Gayunman, hindi lubusang mapapahinto ng mga institusyon sa lipunan ang pagtatagpu-tagpo at kaugnay na pagyabong ng identidad ng mga bakla, dahil makahahanap at makahahanap sila ng mga pook-tipanan (linya 9-12). Dumating na ang panahon ng mga bakla kung kailan hindi na mapipigilan ang pag-angkin nila ng kanilang espasyo sa lipunan kahit pa “nakikilan na…sa presinto,/natutukan ng kutsilyo,/hinabol ng maligno,/nangudngod sa lubak” (linya 13-16). Sa pagsasantabi sa kanilang kapisan nakahanap ang mga bakla ng lulugaran dahil dito, totoo sila sa kanilang sarili—“nagpapagitgit” (linya 19) ngunit “nagpapaka-tayo” (linya 21)—hindi gaya ng mga nasa gitna ng lipunang punumpuno ng pagkukunwari at karahasan. Sa tulang “Sa Pangamba ng Pag-iisa” (pp. 10-11), hinalukay naman ang malungkot umanong kalagayan ng bakla sa kanyang pag-iisa sa buhay. Para sa mga nakapaligid, ang hindi pag-aasawa ng bakla ang nagbibigay-pangamba sa kanila dahil wala itong makakatuwang sa kanyang pagtanda. Samantala, iba naman ang pagtanaw ng bakla hinggil sa kalagayang ito: sa dami ng kanyang karanasan—“[n]akalima nang asawa” (linya 6), may “nakasintahan/nang kung ilang oras, araw, lingo (linya 7-8), naging “basahan,/laruan, kasangkapan/…maybahay, kalaguyo’t puta” (linya 10-12)—pinadunong na siya sa mga bagay na “uubra’t di-uubra” (linya 19). Sa pagtanggap sa kapalaran niyang ito, alam na ng bakla na hindi niya kailangan ng ibang tao para kumpirmahin “ang kagandahan ng sarili,/ang kabuuan ng pagkatao,/ang kabuluhan ng buhay” (linya 22-24). Kahit nag-iisa siya, wala siyang sukat ipangamba dahil ang karanasan niya sa pagmamahal ang magbibigay-kahulugan sa kanyang buhay. Isa itong pagsira sa kumbensyunal na kaisipang ang hantungan ng buhay-bakla ay tanging kalungkutan lamang. Sa tulang “Muling Pagkikita” (p. 57-58), ipinakita naman ang bersyon ng pag-aasawa sa pagitan ng mga bakla: walang “babae, walang lalaki” (linya 1) dahil pantay sila sa hatian sa gawaing bahay at pagyurak din ito sa istiryutipo ng pangkasariang gawain, i.e. babae lang sa gawaing bahay ta lalaki sa hanapbuhay. Hatian din sila sa mga gamit (linya 6-7, 11-16) bilang pagbuo sa kumpletong kaisipan ng conjugation o pag-aasawa. Lamang, nauwi rin sa hiwalayan ang lahat, kahit one-way naman ang dahilan: “may bago [ang asawa ng persona]” (linya 10). Pinag-iinitan man ng lipunan ang mga di-kumbensyunal na pag-aasawahang ito dahil hindi naman umano nagtatagal, labag umano sa kautusan ng Diyos, mahina ang pundasyon dahil hindi procreative, atbp., may ilan namang nagtatagal kung paanong may naghihiwalay din naman sa mga kumbensyunal na kasalan, sarado-Katoliko ang pagbanggit sa Diyos, at maari rin namang mag-ampon o mambuntis ng babae ang mga bakla upang magkaanak din sila. Samantala, dahil isang desisyon lang ang isinaalang-alang sa nasabing hiwalayan, mahihinuhang mahal pa rin ng persona ang asawa, patunay ng pagkaramdam niya ng kahungkagan nang hanap-hanapin niya ang pumupunong koleksyon ng banga ng asawa sa kuwarto (linya 23-25) at ang pagsusuot ng paboritong t-shirt nito (linya 31). Patotoo ang tula na kahit may kinakasama nang iba ang minamahal, ang kahirapang lumimot sa pag-ibig ay hindi kumikilala ng kasarian.

No comments:

Post a Comment