the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Monday, January 21, 2008

ang katutubo at ang pagkamulat sa ang sandali ng mga mata


Para may tiyak at maayos na patutunguhan ang nobelang Ang Sandali ng mga Mata ni Alvin Yapan, ginawang banghay ang epikong Ibalon. Hitik din sa mga alamat, kuwentong-bayan at iba pang katutubong panitikan ang nobela hindi lamang para payamanin ang kuwento ng kontemporaryong panahon kundi para iparating din sa mambabasa ang isang postkolonyal na layunin ng may-akda. Sa kontemporaryong panahon kasi, mahirap magkaroon ng tunay na pagpapahalaga sa angking katutubo dahil una, may karanasang kolonyal ang mga Filipino at pangalawa, kahit na sa temporal na kahulugan ay malaya na ang ating bansa, may mga pananakop pa ring nakapangyayari gaya ng neokolonyalismo at imperyalismo kung saan nananalasa ang kolonyal na sensibilidad kaya nga nananatiling hindi buo ang pansariling pambayang pagkakakilanlan. Sa paggamit ng katutubong panitikan bilang framework ng kuwento ng isang maliit na bayan na alegorikal naman sa kasaysayan ng liping Bikolano sa partikular at sa Pilipinas sa pangkalahatan, sinusubok ng may-akda na makita ng mga mambabasa ang kanilang sarili hindi sa banyagang perspektibo bagkus ay sa isang postkolonyal na pagtingin: hindi man muling maisusulat ang ating kasaysayan sa isang dalisay na paraan i.e. wala ni kaunti mang bahid ng impluwensiya ng mga mananakop, maaari pa ring buuin ang identidad sa pamamagitan ng paggamit ng mga prekolonyal at katutubong angkin sa kaso ng nobela at iba pang mga postkolonyal na diskurso. Mapasusubalian kung gayon ang ideyolohiyang walang alamat na mapanghahawakan ang kasalukuyang henerasyon ng mga kolonyal na lipi—natutuligsa ang patuloy na pananakop sa pamamagitan ng muling pagtingin at pagmamalaki sa sarili noong panahong busilak o puro pa ang kalinangan sa kapuluang ito.
Halimbawa rito ang prekolonyal na kuwento ng kabayanihan nina Baltog, Handyong at Bantong ng epikong Bikol na Ibalon. Kapag lumilitaw ang mga halimaw o ang mga sakuna para magbanta sa buhay ng mga tao sa bayan ng Ibalon, dumarating ang mga bayaning tagapagligtas gaya nina Baltog, Handyong at Bantong. Tuwing may susulpot na panganib, susulpot din ang mga bayani upang iligtas ang taumbayan. Handang isakripisyo ng mga bayani ang kanilang buhay para sa kapakanan ng bayan at sa bawat tagumpay nila, nagiging inspirasyon ang mga bayani upang magsumikap ang bayan na tularan ang mga pambihirang katangian ng mga ito para paunlarin ang pagkatao ng taumbayan.
Samantala, mistulang bayani naman si Esteban dahil siya ang tagapagsalaysay ng mga kuwento ng mga taga-Sagrada, na lagi na ay naisasapeligro sa kamatayan dahil sa mga salot na dumating sa kanilang buhay. Wala sanang maikukuwento hinggil sa mga taga-Sagrada kung hindi dahil kay Esteban. Ang mga taga-Sagrada kasi, tinugunan ang kanilang mga sakuna sa buhay sa pamamagitan ng pagmamanhid o pagtatatwa sa mga hirap at kirot na dulot ng katotohanan. Hnidi pa man, namamatay na sila. Iba si Esteban sapagkat dilat ang kanyang mga mata at nabuksan pa nga ang ikatlong mata upang makita ang iwinawaksi ng paningin ng iba pang mga tauhan. Naging saksi siya sa mga kaayaw-ayaw na mga karanasan ng taumbayan gaya ng pagguho ng mga Nueva, pagkagahasa kay Selya, pagkamatay ni Estela at marami pang iba. Samantalang patay ang mga tauhan sa nobela, buhay naman si Esteban upang ikuwento kay Boboy ang lahat niyang nasaksihang karanasan ng mga taong malalapit sa kanila.
Bayani rin si Nene dahil malaki ang ambag niya sa pagpapalago ng kanyang bayan. Siya ang napasimula ng pagpapaunlad sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga makabagong negosyo gaya ng yelo, poultry at mga produktong Divisoria. Kahit na pinalaki siya sa mga pamahiing naging bilangguang mundo ng mga magulang, naglapit ang mga ito kay Nene sa kaalaman at kalikasan. Sa pagdami ng kaalaman ni Nene, kahusayan sa buhay ang bisa ng mga pamahiin kaya nga nakapagpasimula siya ng mga pagbabago sa Sagrada na nakabilanggo sa pamahiin at tradisyon. Sa hinalang ninakaw ang pinagkukunan ng lakas at ginhawa ng mga taga-Sagrada, tinuligsa ni Nene ang mga makapangyarihang Marcos na siyang umano’y dumukot sa tunay na Ina ng Bicolandia. Gaya ni Handyong na lumaban sa mga halimaw na nagsapeligro sa buhay ng mga taga-Ibalon, nilabanan din ni Nene ang hinihinalang dahilan ng pagkawala ng Ina ng Bicolandia. Hinabol ni Nene ang mga taong nagnanakaw imbes na pinamumunuan ang bansa kung paanong hinarap ni Handyong ang ahas na si Oryol na nagbago ng hitsurang diwata upang linlangin ang bayani. Sa paglamon ng dilim kay Nene sa harap ng El Pacto de Sangre, tila naisagawang muli ang pagsasandugo ng mga katutubo sa mga Kastila dahil nakikiayon sa mga mananakop ang mga taong ipinaglalaban niya datapwat hindi lumalaban para sa kanilang sarili. Mula noon, natulad na si Nene sa kapalaran ni Handyong na umibig sa kaaway na si Oryol: hindi na nalaman ang nagyari sa kanya sa piling ng hindi mawari kung kaaway o kaibigan o pareho.
Si Boboy naman ay mistulang si Bantong na huling bayani sa Ibalon. Habang namumuhay sa pamahiin ang mga taga-Sagrada, wala siyang paniniwala sa mga ito dahil namumuhay siya sa totoong daigdig at nagging saksi rin sa pagrupok ng iba pang tauhan. Kung paanong ipinagpatuloy ni Bantong ang sinundang laban na kay Handyong, si Boboy ang nagpatuloy sa laban ng inang si Nene na palaguin ang Sagrada. Nabalam lamang ito nang magpakamatay si Estelang kanyang kasintahan na ikinalungkot nito dahil tila napabayaan niyang umibig at magpabuntis sa iba si Estela habang pinakikibakahan si Rabot na walang iba kundi ang pakikipagsapalaran niya sa Maynila. Siya rin ang bayani ni Selya na nag-aaral ng abogasya upang magbigay-kaunlaran sa buhay ng lola.
Sa pagsasapapel ni Esteban ng kuwento ng mga Nueva at Sagrada, pagsusulat din ito ng epiko ng Ibalon para subuking manatili sa kamalayan ng taumbayan ang kuwento bago pa man makatuklaw ang ahas na si Oryol. Sa pamamagitan ng pagsulat ng natatanging saksi sa mga negatibong pagtugon ng mga tauhan, maaalis ang kamandag ng pagkalimot, pagtatatwa at pagkamanhid. Kahit masakit ang naging karanasan ng mga Nueva at taga-Sagrada, mahalaga na may pagtanggap sa mga pangyayaring masaklap man ay makapabibigay naman ng pantaong pag-unlad at ng kaunawaan sa tunay na kalikasan ng mundo. Kahit nagpapatuklaw kay Oryol ang mga tauhan gaya nina Bino, Selya, Estela at iba pa para lamang maiwasan ang hapdi ng karanasan, hinahamon ng may-akda sa pamamagitan ng pagkukuwento ng kanyang nasaksihan—ng pagtanggap sa katotohanan—na lumaya ang mga mambabasa sa mga pamahiin, pananatili sa kamangmangan at pagkatali sa iba’t ibang uri ng kamatayan. Hinihikayat na dumilat ang mga mata sa katotohanan upang mapaghandaan ang mga banta ng sakuna sa kaligtasan ng bayan.
Ipinahihiwatig ng pamagat na ang sandali ng mga mata ay maaaring nakapikit gaya ng ginawa ng mga sawimpalad sa nobela o dilat gaya ng kay Esteban. Kung nakapikit ang mga mata, nawawalan ito ng kapangyarihang makasaksi at magbantay upang mapaghandaan ang mga peligrong paparating. Kung nakapikit din, nagpapahiwatig ito ng kawalan ng pagkatanggap sa mga bagay na hindi maiiwasan gaya ng mga sakuna at ng pananatili sa kadiliman. Samantala, kung nakadilat naman ang mga mata, may kapangyarihan itong makasaksi at makita ang katotohanan. Nagbibigay ito ng kamulatan na may mga bagay na hindi matatakasan kaya nga dapat may pagtanggap upang maliwanagan.
Sa sandali ng mga mata ni Esteban sa pagsaksi sa buhay ng mga taga-Sagrada, may kapangyarihan siya na tagpi-tagpiin ang mga pangyayari sa kasalukuyan, nakalipas at kinabukasan, ang lumang panahon ng Bikol sa panahon ng epikong Ibalon pati na ang dimensyon ng mga namatay nang kaluluwa. Sa pagtatagpi-tagping ito, nagawa ng mga mata na pagkabit-kabitin at pag-ugnay-ugnayin ang mga pangyayari upang bigyang kahulugan ang mga ito. Nabuo ng mga mata ang kuwentong magkakaiba gaya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, mga sliraning agraryo pagkatapos ng Digmaan, panahon ng Batas Militar, ang Rebolusyong EDSA pati na ang Charter Change noong 1997. Kahit sala-salabid ang mga pangyayari, napag-ugnay-ugnay ng mga mata ang nasaksihan.
Ang mga mata sa nobela ang nagsabi at nagpaliwanag sa mga pangyayari sa daigdig. Kung tinatanggihan ng mga mata na makita ang mga ito, hindi tunay na namumuhay dahil ayaw masaktan sa katotohanan ng mga masasaksihang sakit at kirot na dulot ng buhay. Maginhawa ang pagpikit ngunit nagtatali ito sa tao sa huwad na daigdig. Kung pilit na lumalayo sa sandali ng mga mata, hindi masisilayan ang totoong mundo gaya ng mga nabigo sa nobela.
Ngunit dumilat si Esteban para masaksihan ang mga pangyayari sa mga taga-Sagrada. Dahil sa pagkamulat niya, nagkaroon siya ng kapangyarihang makita at matanggap ang mga kasawian kahit pa masakit. Napagtagni-tagni niya pa ang iba’t ibang kuwento upang maipahiwatig na unibersal ang karanasang pantao sa lahat ng panahon at lugar. Kung makikitang may kaisahan sa karanasan ang mga tao sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap, sa epiko man o sa tunay na buhay, makikitang sangkap talaga ng buhay ang dalamhati at hindi ito dapat ipagbulag-bulagan. Bagkus, dapat itong matanggap upang makausad at hindi matali sa palsong pamumuhay na pinamamayanian ng pamahiin. Dapat matanggap na ang nasasaksihan ng tunay na mulat na mga mata ay hindi huwad at siyang totohanang makapagpapalaya sa tao.

No comments:

Post a Comment