the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Tuesday, January 22, 2008

mga himagsik sa maikling kuwentong “binyag-takas” ni lucila hosillos


Sinulat ng iskolar ng panitikang Hiligaynon na si Lucila Hosillos ang “Bunyag-Takas” noong 1969. Lumitaw ang sariling salin niya ritong pinamagatang “Binyag-Takas” sa Sugilanon: Mga Piling Maikling Kuwentong Hiligaynon na antolohiyang pinamatnugutan ng kapwa iskolar na si Rosario Cruz-Lucero at nilimbag naman ng De La Salle University Press noong 1991.
Gaya ng natitirang labindalawang kuwento sa antolohiya, tema ng “Binyag-Takas” ang pagbalikwas sa mga panlipunang salot na pumipigil sa hangarin ng mga Ilonggong makahulagpos mula sa kahirapan at pasakit. Katunayan, sa tema ng katarungang panlipunan umiikot ang paligsahang pinanalunan ng kuwento noong 1969 sa malawakang magasing Hiligaynon.
Sinasalamin ng “Binyag-Takas” ang sosyo-historikal na konteksto kung saan ito ipinanganak. Sa panahon bago ipatupad ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Batas-Militar sa Pilipinas, nananalasa na sa buong bansa sa kabuuan at sa lalawigan ng Iloilo partikular ang kahirapan at kawalang-pagkakapantay-panlipunan. Bilang akdang nakisabay sa kilos-protesta ng panahong iyon, ibinunyag ng kuwento ang magkakatuligsang sistema sa pagitan ng panginoong maylupa at magsasaka, at sa pagitan ng pagtakas tungo sa kalayaan at sa kawalang-kakayanan ng kasalukuyang pulitikal at panlipunang sistemang putulin ang naghaharing kawalang katarungan. Kinulayan nga lamang ng may-akda ang kuwento ng dukhang sunud-sunuran lamang sa gusto ng panginoong kanyang pinagsasakahan ng pemenismo kung saan naasahan ng isang nagdadalagang anak ng magsasaka ang kanyang kutob at talino upang matakasan hindi lamang ang tangkang pangagagahasa sa kanya kundi pati na rin ang kadena ng paninilbihan ng buo niyang angkan. Sa bisa ng mga elementong nagsama-sama upang mabuo ang kuwento, makikita ang iba’t ibang mukha ng himagsik laban sa mga naisainstitusyon nang mga kumbensyon sa lipunan.

Marxistang Himagsik
Tinutuligsa ng kuwento ang piyudal na ugnayan ng panginoong maylupa at ng kanyang magsasaka. Sa kuwento, anak at asawa ng magsasaka ang may malay maghimagsik sa mga dagdag na gawaing “wala namang kabayaran, [pandaraya] sa pagkuwenta ng palay at [paghihigit sa] kanilang utang at mga babayaran.” Ang amang may mabuting ugali at “malambot ang puso” ay hindi “marunong tumutol sa may-ari…kahit nilalamangan na ang parte ng kanilang ani,” madalang mangatwiran at “[m]anapa’y piping hindi na marunong magsalita.” Maliban sa minsang pagtaga sa punong saging bilang pagtuligsa sa pahiwatig ng panginoong ipambayad-utang ang anak niyang dalagita, wala nang masasabing pagtuligsa ang ama. Ngunit ang desperasyong ito sa bahagi ng magsasaka ang siya mismong punto ng paghihimagsik ng akda, dahil sa pagpapadama rin sa mambabasa ng ganitong kawalang-pag-asa, naghihikayat itong baguhin ang sistemang panlipunan na namamayani sa kabila ng kasamaan. Hindi makatarungang pati buhay ng tao ay madamay pa sa kasalimuotan ng piyudal na hirarkiya kaya nga kahit nananahimik ang mga magulang bilang pag-ayon sa pagbabayad-utang sa pamamagitan ng komodipikasyon sa dalagita, siya mismo ang nakagawa ng paraan upang labanan ang manipulasyon ng panginoong maylupa.

Pemenistang Himagsik
Nabanggit na sa itaas na mas naisatinig ng mga babae sa kuwento ang panunuligsa sa mga lalaking pinaglilingkuran ng kanilang angkan. Halimbawa, “sumasang-ayon [ang dalagita] sa mga paglalait ng kanyang nanay” sa kabaitan ng tatay “na sanhi ng kahirapan ng kanilang buhay.” Ang pagpapakitang may malalakas at matatapang na babae sa “Binyag-Takas” ay pemenistang himagsik laban sa patriyarka na walang iba kundi ang naglatag ng mga institusyong panlipunan na siyang nagsasantabi sa mga babae at kanilang marapat na kontribusyon sa komunidad.
Inaayawan din ng akda ang napipintong komodipikasyon sa dalagita sa pamamagitan ng pagkakalansi sa paparating na senyorito habang naglalaba siya sa ilog. Sa pagkatuklas sa dahilan ng pananahimik ng mga magulang at kaugnayan nito sa pagsugod ng anak ng panginoon sa pinaglalabahan, nakapag-isip siya ng paraan upang matakasan ang masamang balak sa kanya ng lalaki na magbayad-puri siya. Mismong kalikasan ang sumaklolo sa kanya sa pamamagitan ng napagtaguang “nakalublob na sanga ng punong inyam” at paglusong sa tubig na nagsilbing pagbibinyag hindi lamang sa kanyang pagkadalaga kundi sa kanyang kalayaan.
Panghuli, ang pagyakap ng dalagita sa kanyang sekswalidad ay isang himagsik dahil siya, hindi mga lalaki, ang may malaking kontrol sa kanyang sarili. Nararamdaman niya ito sa mga pagbabago sa kanyang katawan, at kahit napapansin iyon ng mga binata pati na nga ang anak ng kanilang panginoon, hindi siya tahimik lang na tinatanggap ang mga pagtitig sa kanyang kagandahan. Siya ay “nagsusuot ng magandang-magandang damit at pustura siya.” Aktibo niyang pinangangalagaan ang kadalisayaan ng kanyang pagkababae bilang pagsalag sa maaaring masamang gawin sa kanya ng mga lalaki sa lipunan.

Himagsik ng Panitikan sa Wikang Bernakular Laban sa Mga Dominanteng Panitikan
Sa pagkakasulat ng “Binyag-Takas” sa bernakular na wikang Hiligaynon, pinapakita nitong buhay ang panitikan sa bernakular kahit pa isinasantabi ito ng mas dominante (dahil kanonikal) na mga panitikan sa Tagalog at, lalo na, sa Ingles. Sa bisa ng ganitong paggamit ng wikang bernakular, hindi ikinokompromiso ng manunulat at iba pang manunulat sa bernakular ang kanilang hangarin at kakayanang isiwalat ang kanilang damdamin, kaisipan, pagkakakilanlan at natatanging pagtingin sa mundo sa kanilang sariling wika. Dahil dito, nakakapaghimagsik sila sa mga wikang hiram dahil kailangan pang isalin ang kanilang gawa gaya ng nangyari sa “Binyag-Takas” upang maintindihan ng mas maraming mambabasa ang kuwento. Gayunpaman, tagumpay ang himagsik kung tutuusing lagi nang may nawawala sa pagsasalin dahil nasa orihinal na wika may buung-buong sustansyang makukuha mula sa “Binyag-Takas.”
Ang mga himagsik na nabanggit ang nagbibigay ng alternatibong katangian sa kwento ni Hosillos mula sa naitatag nang mga kumbensyon upang sa pagkamalas dito, mabukas sa mambabasa ang isang sariwang pagtingin sa mundo.

9 comments:

  1. Anonymous12:27 AM

    hi, thank you for posting this one. has been researching for the publication date ng Bunyag-Takas, pero wala kong makita. im grateful na meron dito. may i know your source? thank you again.

    ReplyDelete
  2. Anonymous9:08 AM

    thanks for the review..it helped so much..btw..ur a kababayan..im also from tarlac..:)

    ReplyDelete
  3. Anonymous8:34 AM

    Thank you po, napakahelpful nito =)
    -Tina

    ReplyDelete
  4. Anonymous8:49 PM

    Now I understand the story because of whta you have posted here.. thanks a lot....

    ReplyDelete
  5. jeriel12:36 AM

    pwude po ba akong makahingi ng buong kuwento ng binyag-takas? gagamitin ko lang po sa aking pag-aaral.. salamat po..

    ReplyDelete
  6. Magandang araw po, Ako po ay isang mag-aaral na nagmemedyor sa Filipino. Sa kasalukuyan po ay nagsasagawa po kami ng pananaliksik tungkol sa Reflexive Refraction sa Panitikang Multilingual ni Lucila Hosillos, Sa aming paghahanap nakita po namin itong blog ninyo. Ang nais lamang po namin sana ay magtanong po sa inyo kung saan pa po kami maaring makahahanap ng mga reperensya tungkol sa Reflexive refraction. Nagpunta na po kami ng National library ngunit wala po kaming mahanap doon.
    Muli magandang araw po! Kasama ng aking mga kagrupo ay umaasa po kami sa inyong tugon. Salamat po at Pagpalain!

    ReplyDelete
  7. Anonymous5:03 AM

    hop over to here dolabuy.su i loved this replica bags online visite site Hermes Dolabuy

    ReplyDelete
  8. Anonymous12:14 PM

    replica bags in delhi gucci replica t2t56t1z69 replica bags high quality replica bags us hermes replica handbags x4b32m2d02 replica bags los angeles this contact form z5c56r5k23 Ysl replica replica bags delhi

    ReplyDelete