Pamoso ang Pambansang Alagad ng Sining na si Nick Joaquin sa kanyang mga akdang sumasalamin sa kalagayan ng kapuluan ng Pilipinas noong Panahon ng mga Kastila. Isa sa mga obrang ito ang “May Day Eve,” isang kuwento ng mag-asawang nawala ang init ng pag-ibig sa isa’t isa paglaon ng oras. Bukod sa modernong istilong kapuri-puring nagamit ni Joaquin sa pagtakbo ng banghay, kapuri-puri rin ang mga kasalimuutang tinalakay sa akda. Para sa papel na ito, bibigyang-pansin ang masasalimuot na isyung nakaugnay sa sosyo-historikal na kontekstong pinagmulan ng kuwento.
Himagsik Laban sa Patriyarka
Larawan ng patriyarka ang lipunan simula pa noong bigyan ng mga Klasikong Griyego ng angat na kalagayan ang mga lalaki kumpara sa mga babae. Sa pagbalik-tanaw ni Nick Joaquin sa kasaysayan, ganito rin ang namamayaning ideyolohiya ngunit may mga pagkakataong mabubukas sa interpretasyong anti-patriyarka ang “May Day Eve.”
Isa na rito ang eksena kung saan habang inaalo ni Badoy si Agueda, kinagat ng huli ang kamay ng una. Ginawa niya ito dahil sa paghalik-halik ng binata sa kanya na mahihinuhang nagnanakaw ng pagkakataong mapagsamantalahan ang lumuluhang dalaga. Kahit mas malakas ang binata, hindi ito nakaalma nang bumaon na ang mga ngipin ng dalaga sa kanyang kamao. Dito makikita ang indikasyon na kahit lalaki pa si Badoy ay hindi magpapailalim ang babaeng si Agueda sa pananamantala ng mga lalaki sa pinakasensitibong mga kaganapan sa buhay ng mga babae.
Isa pa, kahit sa pagtagal ng buhay-may-asawa ay nawalan sina Badoy at Agueda ng pag-ibig sa isa’t isa, hindi siya tumulad sa istiryutipong mga maybahay na nanahimik na lang at ipinaubaya sa kapalaran ang pag-aasawa ng maling lalaki. Sa halip, ginamit niya ang paraan ng pagkukuwento bilang pananggalang upang makaraos sa mapait na karanasan niya sa piling ni Badoy. Ikinuwento niya sa kanyang anak kung paanong nagsimula ang pagkaakit ng mag-asawa sa isa’t isa upang sariwain ang mabuting aspeto ng kanilang pagkakasama. Ikinuwento rin niya rito ang pagkakakita umano ng demonyo sa salamin, isang uri ng therapy para huwag siyang bulagin ng magandang nakaraan at mamulat sa katotohanang nawalan na siya ng pag-ibig sa esposo. Samakatuwid, namumuhay si Agueda sa katotohanan at hindi sa palsong kamalayan ng patriyarka kung saan walang laya ang babae (malibang kamatayan) kahit hindi na siya nasisiyahan sa buhay-may-asawa. Himagsik ito laban sa patriyarka sa bisa ng pagkawala ng babae sa mga bilangguan ng lalaki.
Himagsik Laban sa Mga Pamahiin
Likas sa mga Filipino ang maniwala sa sangkatutak na mga pamahiin kahit pa sabihing isang pangunahing dahilan ito kung bakit hindi umuunlad ang bansa. Sa paniniwala sa mga bagay na walang siyentipikong basehan, nananatiling premoderno ang Pilipinas, walang pag-asang umusad sa kinasasadlakan niyang kalagayan. Ganito ang kinalabasan ng mapamahiing si Agueda: pinilit niyang alamin ang lihim ng salamin sa hatinggabi ng Mayo Uno. Kahit walang direktang ugnayan ang pagmaliw ng pag-ibig niya sa asawa at sa pamahiin, hindi maitatanggi na dahil sa pamahiin kaya sila nagkakilala at kaya hindi nagkakaroon ng pagtatapos ang istorya para sana makausad sa bukas. Himagsik ito laban sa pamahiin sa bisa ng karapatang kalimutan na ang maling paniniwala upang makasulong na nang minsanan.
Himagsik Laban sa Kalagayang Pulitikal
Dahil sa hindi nailarawan sa tagpuang pamanahon ng teksto ang noo’y namumuong pagkamulat makabansa sa totohanang buhay, tila apolitikal ang mga tauhan na hindi nakaugnay sa mas malaking aspeto ng lipunan. Oo nga at naipakitang sinuway ni Agueda ang kasanayang matulog na dahil malalim na ang gabi, hindi niya ito ginawa liban sa katotohanang oobserbahan niya ang bisa ng pamahiing makikita ang mapapangasawa sa salamin pagtuntong ng hatinggabi. Hindi ito nauugnay sa pulitika sa labas ng akda kung saan panahon na ng pagkagising ng paghahangad na lumaya sa pamamagitan ng himagsikan o na magkaroon ng reporma sa kolonyal na pamamalakad. Ang kabuuang pagkawala ng sensibilidad pampulitika sa akda ang magsasabing ironiko ang ikinikilos ng mga tauhan na mas mamatamisin pa yatang magligawan o bigyang-katuturan ang pananalamin sa gitna ng namumuong unos sa lipunan. Himagsik ito laban sa kalagayang pulitikal sa bisa ng pagtuligsa sa mga taong gaya nina Agueda at Badoy na walang pakialam sa interesanteng panahong kinalulugaran nila noong kalagitnaan ng 19 dantaon.
Himagsik Laban sa Kalagayang Panlipunan
Masasagot ang suliranin sa nagdaang parirala ng katotohanang elitista ang oryentasyon ni Badoy kaya hindi siya kakikitaan ng pagkabahala kung anuman ang nangyayari sa kapaligiran niya. Iilan lamang kasing miyembro ng nakaririwasa ang tunay na may pakikialam at iba pa rito ay nag-aalaala lamang kung paano maprepreserba ang kanilang kayamanan sakaling magkaroon ng mas malawakang panlipunang pagbabago. Sa kaso ni Agueda na dahil sa kahirapan ay hindi gaya ni Badoy na nag-aral sa Europa, isang himagsik ang nagawa niya nang mapakasal siya sa lalaking ito na angat ang estado sa buhay. Sa pagkakataong ito, hindi naging hadlang ang pagkakaiba sa estado ng babae at lalaki upang hindi sila mapag-isang-dibdib. Katunayan, himagsik ng nasa mababang-uri ang pagkakapantay sa mataas na uri sa bisa ng pagpapakasal niya rito.
Himagsik Laban sa Kolonyalismo
Isa sa mga hamon sa kolonyalismo ang buong pagkasakop sa indibidwal hanggang sa puntong hindi na nito makikilala anumang bahid ng kanyang pagkakakilanlan bago masakop. Hindi ito ang nangyari kay Badoy kahit isang paraan ng pananakop sa kanya ang paglisan sa bayang sinilangan upang matagpuan ang sarili sa bayang mananakop kung saan makakasanayan niya ang wikang mananakop, gawing mananakop, tradisyong mananakop at iba pa. Sa halip kasi na yakapin niya ang kultura ng mananakop sa ultimong desisyong mamalagi na sa Europa kung saan niya maaaring isagawa ang kanyang karera at kung saan siya maninirahan na panghabambuhay, bumalik pa rin siya sa Pilipinas dahil walang hihigit pang lokasyon maliban sa bayang pinagmulan. Sa bisa nito, himagsik ito sa kolonyalismo dahil may bahagi pa rin sa sinakop na indibidwal ang naghahangad balikan ang kanyang pagkakakilanlan.
No comments:
Post a Comment