the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Sunday, January 20, 2008

ang indibidwal at lipunan sa tradisyunal, moderno, postmoderno at postkolonyal na panitikan


Sa panahong tradisyunal (panahong hindi pa nakakarating ang siyensiya sa dalampasigan ng ating bansa), ang lipunan noon ay may mga babaeng pari o “babaylan” at may mga aliping lalaki silang binansagang “asog,” isang panlipunang kondisyon na noong bago dumating ang mga Kastila, babae ang nasa posisyon ng kapangyarihan. Sa pagdating ng mga dayuhan, nagbago ito dahil hindi ito tumutugma sa macho at patriyarkal na sosyedad ng mga Kanluranin. Ang mga Kastila ang nagpasimuno ng mga kuwento sa mga aswang upang matakot ang mga indibidwal sa mga babaeng may kapangyarihan at para binyagan sa Kristiyanismo ang mga paganong katutubong Pilipino.
Sa panitikang tradisyunal, didaktiko o may natututunan ang indibidwal sa kuwento, ayon sa humanismo na natatangi sa kultura ng mga indibidwal ng lipunan. Pinapalaganap ito sa lipunan sa pamamagitan ng pagsasalita o tradisyong oral. Ang panitikang katutubo noon ay kinakanta sa mga ritwal at kapag may namatay, kung saan ang burol ay nakagawiang kakitaan ng presentasyon ng panitikan. Dahil dito, inakusahan ng mga dayuhan katulad ni Loarca na walang panitikan ang lipunang kinabibilangan ng mga indibidwal. Dahil din hindi ito naisatitik bagkus ay sinalita lamang, madaling nabura ng mga Kastila ang panitikang ito, pinararatangan ang panitikan ng mga Pilipino na may impluwensiya ng diyablo. Ang bugtong na isang pangkaisipang ehersisyo, may mistipikasyon sa una at kasunod ay kaliwanagan, at ang salawikain naman na tungkol sa praktikal na gabay sa buhay, ay mga uri ng tradisyunal na panitikang sariling atin ngunit naisantabi sa gilid-gilid ng pangmundong lipunan. Gayunpaman, ang mga awiting pampatulog ng bata, o ang mga bugtong at salawikain mula sa teksbuk na “Hulagpos,” pahina 3, gaya ng
“Puwit ng Ita
Sinusundot ng Kastila.” (Sagot: Palayok)

“Sa langit lumura
Sa mukha tumama.”

ayon sa pagkakasunod, ay matigas at napanindigang magtagal upang maranasan ng lipunan ngayon ang panitikan tradisyunal.
Perspektibong Moderno
Sa pagbuwag ng Modernismo sa pader na nakapagitan sa “mataas” at “mababang” (popular) uri ng panitikan, ipinamukha nito sa indibidwal na sa lipunang kanyang kinabibilangan, nakasulong ang aksiyomatikong pinanghawakan din ng mga tagasunod ng Enlightenment: ang istabilisado, nauugnay, at nakikilalang sarili. Dahil ang agham ay totoo at panghabangbuhay, ito ay patnubay ng indibidwal para makamit ang pag-unlad at kabuuan; ginamit naman ang wika para ikalat ang kaalaman sa bawat indibidwal ng lipunan dahil ito ay rasyonal, malinaw at ‘di-nababagong instrumento ng agham. Ang Euro-Ingles na siyang namamayaning puwersa ng Modernidad ang nagsilang ng konsepto na lahat ay dapat maayos, siyentipiko, at nakakabuo ng pagkakakilanlan, kaya marapat na ang lipunan at ang mga indibidwal na kabahagi nito ay may manipestasyon ng Modernindad.
Lamang, dahil sa ang Pilipinas ay itinuturing na isang lipunang Oryental (dahil hindi Kanluranin), etsa-puwera ito (other) dahil hindi kakikitaan ng Modernindad: nahuhuli, piyudal, pre-moderno, pre-industriyal. Hindi makaangkop dito ang indibidwal sapagkat kakaiba (exotic) siya kumpara sa Oksidental—isang kawawang nilalang na nangangailangan ng sibilisasyon, otonomiya sa sarili, at kaayusan. Dulot nito, ang paggamit ng wikang siyentipiko sa panitikan ay isang paghubog sa indibidwal upang maiangkop niya ang kanyang sarili sa tipo ng modernong tao sa Kanluraning pananaw. Idagdag pa, hindi katanggap-tanggap na gumawa ng panitikang popular ang etsa-puwera dahil ito ay mapamahiin, barbariko, rebelde at kung gayon ay hindi nababagay sa konseptong Modernidad na gumamit man ng mga istilong pastiche, parodiya, bricolage, ironiya at ambiguity ay kakikitaan ng katuparan ng Utopia sa pamamagitan ng agham. Ang akdang “Gusali ng U.N.” ni Federico Licsi Espino, Jr (Hulagpos, p.112), isang pagkilala sa kakayanang makabuo ng pangmundong kaayusan sa pamamagitan ng isang mapag-isang institusyon gaya ng United Nations, ay isang malinaw na imahen ng modernismong gabay sa katiwasayan. Ang “Uuwi Na ang Nanay Kong si Darna!” (Hulagpos, p.452) ay may tema naman ng Overseas Filipino Workers phenomenon na sa sitwasyon ng mga premodernong bansa gaya ng Pilipinas, sa mga industrial, moderno at istabilisadong bansa makatatagpo ng siyentipikong kaunlaran at kaayusan.
Kapag nasa isang party, dapat umayon sa takbo ng batas ng lipunan. Kung hindi, tatawagin kang isang rebelde. Ang gumagawa ng mga batas na ito ay mga taong may kapangyarihan o may awtoridad para mapilitan ang mga indibidwal na sundin ito.
Perspektibong Postmoderno
Gayong gumamit pa rin ng mga istilong pastiche, parodiya, bricolage, kabalintunaan at ambiguity ang isang kilusang may bansag na “postmodernismo,” ito ay hindi sentralisado. May layunin ang postmodernismong maglapat ng dekonstruksiyon sa may-akda at sa kanyang paksa (subject), hamunin ang rason at agham at ituring ang huli bilang meta-narrative, gumamit ng master narrative at hatagan ng interogasyon ang kalikasan ng katotohanan at kapangyarihan. Sa pagdiriwang ng pragmentasyon at paggamit ng pagkakawatak upang magbuklod, ang postmodernismo ay esensyal na tumutuligsa sa moderno, sa pinatatag na “other,” sa Eurosentrismo, sa heteroseksismo, at sa diskriminasyon ng lahi—makikita sa panitikan higit kaysa ibang uri ng kilusan.
Ang lipunan sa postmodernong panitikan ay nagsisikap na hanguin ang indibidwal mula sa delusyon ng modernismong makapagbigay ng kaginhawaan sa sangkatauhan. Ginagawa ito ng lipunan para hamunin ang modernismo na nagsasaad na sa pamamagitan ng agham ang makakasagot ng lahat ng pangangailangan ng mga indibidwal. Dinakila ng mga modernista ang kanilang kilusan sa kanilang panitikan; dinadakila naman ng postmodernista ang kanilang plural na kilusan, mula pemenismo, queer theory, semiotics, at iba pa, bilang pagsubok sa liberasyon ng mga indibidwal na naisantabi dahil sa karakter na rebelde, bakla/tomboy, Magdalena, premoderno. Sa Pilipinas na hindi naman maituturing na moderno, namulaklak ang kilusan sa mga labag-sa-kaayusang panitikan. Halimbawa nito ang mga akdang “Ang Lohika ng mga Bula ng Sabon” ni Luna Sicat-Cleto (paghawak ng babae sa isang ‘di-mahawakang elemento, ang oras/sandali), “Kumain Ka Nang Kumain” ni Michael Coroza (ironiya ng pagkain na “subong-Jollibee kahit ulam ay asin”), at “Litel Mis Pilipings” (Hulagpos, p.248) ni Jim Pascual Agustin (isang paglalarawan ng babae bilang biktima ng komodipikasyon).
Sa Postmodernong panahon, sumiklab ang mga taong lumalaban sa mga kapitalista dahil sa hindi makatarungang mga kondisyong pampagawaang kabilang sila, kaya nagkaroon ng mga unyong paggawa na nag-organisa ng mga welga laban sa kanilang panginoon.
Perspektibong Postkolonyal
Ang postkolonyal na diskurso ng panitikan ay mga kasulatang na nagsasalita ng oposisyonal na kanmalayan ng mga taong ang mga pagkakakilanlan ay nagkabasag-basag, na ang mga kultura ay initsa-puwera ng mga pisikal at epistemolohikal na karahasan ng mga imperyalistang pananakop at kolonyal na mga sistema ng kaisipan. Ang mga lipunang Europeo ay kinakitaan ng malinaw na estado ng pag-unlad, mula mababa hanggang mataas na mga moda ng produksiyon o linear na mga kasaysayan, sapat sa kanila para masdan sa mas mapanlait na perspektibo ang “ibang” lipunan na kalaunan ay naging kolonya ng mga imperyalistang Europeo-Amerikano. Ang mga kolonyal na lipunan at mga indibidwal nito ay kabilang sa Oryental—eksotiko, ‘di-sibilisado, rebelde—at nangangailangan ng kulturalisasyon ng Oksidental, mula sa mga bokabularyo, institusyon, termino at iba pa, upang maging karapat-dapat na tawaging sibilisado at kompormista, kahit pa sa prosesong ito ay sisirain ang naitatag nang katutubong sibilisasyon at kahit pa hindi naman naitatanong mga Oryental kung kailangan nga nila ang tulong ng mga Kanluranin. Kalakip nito, ang mga Oryental ay nagiging Sub-Altern—isang mapanirang panawag sa mga ‘di-Kanluranin, na dahil sa heograpiya ng kanilang kapanganakan, wala silang karapatang magsalita dahil sa hindi akademiko, institusyonal, o siyentipiiko ang kanilang mga kaisipan. Ang mga ito ay hinamon ng postkolonyalismo, dahil sa pagsisikap ng mga kolonyal na kapangyarihan na lapatan ng globalisasyon ang mundo, naging matindi naman ang pangangailangan na kilalanin ang kultura ng mga naitapon sa mga gilid ng pinipilit gawing isang lipunan ang buong mundo. Ang mga dating kolonyal na lipunang gaya ng Pilipinas ay “disarticulated societies,” mga “Sub-Altern,” at sagot ng postkolonyalismo ang “cultural simultaneity” bilang pamamaraan ng artikulasyon ng mga Oryental. Naging proposisyon din ni Prof. Priscelina Patajo-Legasto ng Pamantasan ng Pilipinas, sa kanyang sanaysay na “Literature from the Margins” na magkaroon ng reteritoryalisasyon ng mga kultura, mula panitikan hanggang tradisyong katutubong Pilipino, sa napipintong globalisasyon na hindi iba kundi pagdakila sa Eurosentrikong lipunan na isinasakripisyo ang ‘di-Kanluraning lipunan.
Ang nobelang “Etsa-Puwera” ni Jun Cruz Reyes, bukod sa kanyang kagandahan bilang isang akdang pampanitikan, ay matagumpay na humabi ng kasaysayang sariling atin sa perspektibong katutubo, na naglaman ng mga karakter na etsa-puwera sa lipunan dahil sa kanilang etnikong ugat, pisikal na kapansanan, pagiging rebelde, pagkababae at iba pa, na sa tagapagkuwento ay mga bayaning hindi matatagpuan o sadyang binubura sa mga teksbuk pangkasaysayang nakasalig sa kolonyal na perspektibo.
Samantala, ang mga akdang “Laksa-laksa Bata Doon sa Bayan Namin” (Hulagpos, p.373) ni Rebecca T. Añonuevo (tumalakay sa mga batang Pilipino) at “Yumayapos ang Takipsilim” (Hulagpos, p.432) ni Genoveva Edroza-Matute (may ilang salitaang gumamit ng bernakular na wika) ay postkolonyal sa paggamit nila ng tema o wika na iba sa dominanteng perspektibong Kanluranin.
Ang analohiya ng buhay ng isang tao ay makikita sa Tradisyunal, Moderno, Postmoderno, at Postkolonyal. Sa Tradisyunal ay ipinapakita ang “baby stage.” Kinakausap tayo sa pagkanta para makatulog tayo. Sa Moderno naman, ipinapakita ang “chilhood stage,” kung saan ginagawa natin ang gusto ng ating mga magulang. Sa Postmoderno naman, ipinapakita ang “teenage stage;” dito, lumalaban tayo sa kagustuhan ng ating mga magulang, ipinaglalaban natin ang ating mga karapatan upang makuha ang ating mga gusto katulad ng mas matagal na “curfew,” kaya nagiging rebelde tayo. Sa Postkolonyal, tayo ay nagiging buung-buong tao dahil nagiging malaya tayong kilalanin ang ating mga sarili.

2 comments: