Sa kasalukuyan, matindi ang tinatawag na network war sa pagitan ng dalawang higanteng kumpanyang pantelebisyon sa Pilipinas, ang ABS-CBN Channel 2 at ang GMA Channel 7. Nag-uugat ito sa pagpapataasan sa viewers’ ratings ng nasabing mga korporasyong pangmidya. Katunayan, nagkakademandahan na ang dalawang network dahil sa alegasyong mga dayaan sa pagsukat ng rating ng nagawaran ng karapatan dito, ang AGB Nielsen. Diumano, kinukutsaba ng GMA 7, ang Kapuso network, ang ilang nasuhulang empleyado ng AGB Nielsen para tuntunin at subuking hikayating magpalit ng pinapanood na channel ang mga loyalista ng ABS-CBN 2, ang Kapamilya network, sa mga lungsod sa Kabisayaang Bacolod at Iloilo. Kung mangyayari nga naman ito, makapapamayani na sa rating sa mas malaking bahagdan ng bansa ang Kapuso network at hindi lamang sa Kalakhang Manila. Sa mas mataas na ratings kasi, mas makakahatak ng mga advertiser na siyang pinagkakakitaan ng mga libreng channel na nabanggit. Ngunit hindi ang puno at dulo ng bangayan ng mga network ang magiging paksa ng papel na ito bagkus ay ang puno lamang at kung paano ito nauugnay sa mga ineere sa mga programang pantelebisyon na eskandalong kinasasangkutan ng mga sikat na personalidad. Ipapakita sa papel na ginagamit ng mga programang pantelebisyon ang mga eskandalong kinasasangkutan ng mga artista upang magpataas ng kanilang ratings. Sa pagsusuri ay matatalakay pa rin ang dulo o ang paghamig ng mga advertiser bilang dahilan kaya hamon ang pagpapataas ng ratings. Lamang, kailangang malaman kung bakit interesante sa mga manonood ang mga eskandalong nagtatampok sa mga personalidad at kung anu-ano ang mga epekto ng interes na ito bukod sa pagtaas ng ratings at paghamig ng advertiser. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang pag-aaral ni Douglas Kellner na “Media Culture and the Triumph of the Spectacle” sapagkat ito ang nagpaliwanag kung bakit kapanu-panood para sa mga tao ang mga ipinapalabas ng midya. Bilang pagsunod sa sinimulang yapak ni Kellner, layunin ng papel na ito na ipaliwanag ang salik ng interes ng mga tao sa mga eskandalo ng mga artista kaya pinapanood ng mga programang pantelebisyong nag-eere ng mga ito pati na ang mga epekto ng paggamit sa mga eskandalo bilang instrumentong magpapataas ng ratings ng mga programang nagpapalabas ng mga eskandalo. Ipapakita ang mga ugnayang ito sa pamamagitan ng pagtukoy sa ilang naging kasong pangkasaysayan sa lokal na telebisyon, ang salik ng anggulong pantao at ang midya bilang carnivalesque. Matapos ang nabanggit na bahagi, ipapakita naman ang epekto ng ganitong ugnayan upang mabigyan ng implikasyon ang pagtaas ng ratings dahil sa mga ineereng eskandalo.
Interesante para sa mga manonood ang mga eskandalong nagsasangkot sa mga artista kaya ipinapalabas ito ng mga programang pantelebisyon. Bilang mga pigurang pampubliko, interesante ang mga artista para sa masa. Anumang balita sa kanila, tsismis man ito o may bahid ng katotohanan, gustong malaman ng taumbayan. Kung nasasangkot pa sa eskandalo ang mga sikat na personalidad, lalo nang nagkakainteres ang mga tao. Ilan sa mga nagdaan sa mga ganitong eskandalo sina Piolo Pascual at Ethel Booba noong 2005. Sa mas malapit na nakaraan, nagkaeskandalo na rin sina Kristine Hermosa, Angel Locsin, at Marian Rivera. Lahat ng kaso nila, nagpapakita ng mga nakakakompromisong kalagayan dahil pulos sex scandals ang kinasangkutan nila. Ngunit hindi naman limitado sa isyung sekswal ang mga eskandalo; eskandaloso rin para sa mga tao ang pagkakaroon umano ng technical glitch sa isang palaro ng programang Wowowee kung saan maaaring piliin ng host ang hihilaing numero sa kahon upang papanalunin o hindi ang manlalaro. Eskandaloso rin ang mga bugbugan at murahan; sa una ay nasangkot na ang pangalan nina Richard Gutierrez samantalang sa ikalawa naman, nasangkot na ang pangalan ni Mariel Rodriguez. Sa bawat kaso ng eskandalong ito, lagi nang nakatutok ang mga programang pantelebisyon dahil maituturing itong scoop na makatatawag ng pansin ng publiko kaya makapag-aakyat ng ratings ng programa. Kada ere ng mga ganitong eskandalo, mapapansin na tumataas ang ratings ng mga programa kumpara sa mga pagkakataong hindi naeere ng mga ito, halimbawa ay kung hindi pa pumuputok ang eskandalo o ginagawan ng news blackout upang protektahan ang imahen ng artista.
Kaya sa pagdaan ng panahon, malaki ang ipinagbago ng programang balitaan sapagkat mas naging bukas ito sa mga eskandalosong balita. Makikita rin ito sa pamamayagpag sa ratings ng mga programang Imbestigador o XXX dahil eskandaloso ang mga sangkap ng paglalantad ng mga krimen dito. Ngunit espesyal ang sa mga talk show dahil mga artista ang kasangkot sa mga eskandalo. Hindi gaya ng sa naunang dalawang tipo ng programang pantelebisyon, hindi basta mga ordinaryong tao ang naibibilad ang pagkatao sa madla kundi mga artista. Kaya nga mas matataas ang ratings ng mga talk show kumpara sa mga programang pambalitaan kahit pa parehong nagpapalabas sila ng mga eskandalo at dahil ito sa mas interesanteng buhay ng mga taong pag-aari ng publiko. Kung nakakaakit ang mga eskandalo, dahil ito sa nabubulgar na ilang kubling katangian ng mga iniidolong artista. Kung naibubunyag ang isang artista bilang katulad ng ordinaryong tao na nadadamay sa kahiya-hiyang sitwasyon, tila nakakabawi na ang madla dahil hindi man artista ang mga huli, magkakapareho lamang sila ng kalagayan at karanasan: may mga kahihiyan, samakatuwid ay anggulong pantao. Kung ito ang magbebenta ng programa sa mga nagpapaanunsyo, ito ang kailangang pumalo sa ratings. Ayon nga sa panayam kay Ed Sunico, country communications manager ng Unilever, “Depende sa panonood ang desisyong maglagay ng patalastas sa isang programa. Likas na sa mga talk show ang pagiging kontrobersyal, na siyang hinahabul-habol ng mga manonood.” Sa paglalagay ng mga patalastas sa mga programa kumikita ang mga network kaya habang mas mataas ang ratings, mas may potensyal na makabenta ng commercial spots at kumita mula rito. Mahalaga para sa mga network na pinapanood ang kanilang mga programang pantelebisyon upang kumita. Kumikita ang libreng TV sa pagbebenta ng mga commercial spot sa mga nagpapaanunsyo o isponsor. Inihihimatong ng ratings kung magkano ibebenta ng mga TV network ang mga commercial spot sa mga nagpapaanunsyo. Ang mga nagpapaanunsyo naman, tinitignan ang mga impormasyon hinggil sa demograpiya, mga kinahihiligang panoorin, kung paano makakaakit ng pansin at kung tama bang gastusan ang mga programang gustong pagpaanunsyuhan.
Kung magpalabas man ng mga kahihiyan ng mga artista sa ngalan ng ratings, ganito kasi ang kalikasan ng mga programang pantelebisyon. Kasama ang telebisyon, maliban pa sa ibang katugmang anyo ng kasiyahan, sa kultura ng panoorin. Isa itong lunan ng karanasan. Bilang carnivalesque na panoorin sa telebisyon, pinapanood ang mga talk show dahil nakabaon sa pantaong sensibilidad ang kultura ng panoorin. Ang kultura ng pamboboso na nagmumula sa telebisyon bilang midya ang dahilan ng kasiyahan, ng kaguluhan at ng karnabal sa mga talk show. Upang makuha ang pansin ng mga manonod, kailangang gumawa ng mga eksena at imaheng mala-karnabal (i.e. eskandaloso o kontrobersyal). May pagpapabosong palabas sa mga karnabal. Malaking salik sa pagsasapublikong palabas ng pagkakakilanlan ang mga personal na rebelasyon, kasiyahan at hangarin (na siyang inuukilkil sa mga talk show). Repleksyon ng kontemporanyong kultura ang pangungumpisal at ekspresyong personal sa mga programang pantelebisyon. Kaya nga walang tigil ang interes ng mga manonood sa mga personal na kuwento ng mga artista. Sa pagtuturing sa buhay ng mga artista bilang karnabal na dapat panoorin ng madla upang mahusgahan silang tao rin gaya ng pangkalahatan, nagtatagumpay ang telebisyong midya dahil tumataas ang ratings ng programang nag-eere ng mga karnabal na ito. Patunay ang mataas na ratings ang kagustuhan ng mga taong makaalam ng kung ano mang eskandalo ng mga artista para mapatunayan nila sa sarili na wala naman pala silang pinagkaiba sa mga artistang nagkakaroon din ng kahiya-hiyang kalagayan.
May mga implikasyon ang paggamit ng mga eskandalo sa pagpapataas ng TV program ratings. Sa positibong resulta, pinapatunayan nito ang kapangyarihan ng midya bilang instrumentong pangmasa. Sinasakop ng komunikasyon ang pang-araw-araw na reyalidad ng tao. Dahil namumuhay ang tao sa kontemporanyong mundo, hindi nila matatakasan ang pananakop ng teknolohiyang media gaya ng telebisyon. Sa puntong ito, masasabing makapangyarihan ang mga programang pantelebisyon dahil naakit nila ang mga makapagbibigay sa kanila ng kita. Bukod dito, nailalagay din ang mga manonood sa gitna ng mga pangkasalukuyang isyu ng panahon. Sa panonood ng mga programang ito sabihin pang eskandaloso man, hindi nahuhuli sa mga balita ang mga tao. Hindi sila napag-iiwanan ng mga kaganapang napapanahon. Nakakasabay sila sa kontemporanyong isyu. Magkaganunpaman, may mga negatibong resulta ang mga pagpapataas ng ratings na ito sa pamamagitan ng mga eskandalo. Una, nagiging kuwestiyonable na ang moral-etikal na dimensyon ng mga manonood. Kung pinapanood ng masa ang mga kahihiyan ng artista upang mapatunayang tao lamang sila, hindi ito nakatutulong para paunlarin ang pantaong karanasan. Imbes na iangat ang moralidad ng tao, bumababa pa ito dahil naiiba ang mga pagpapahalaga ng mga manonood at naipapahamak ang dignidad ng mga nasasangkot na mga artista. Kumikita lamang ang mga programa nang dahil sa eksploytasyon ng mga artista at kahit na isabalag ng alanganin ang kahihiyan ng mga kapwa-tao, mas mahalaga pa rin ang materyal na matatamo sa halip na protektahan at igalang ang pantaong kapurihan.
Bilang pangwakas, isang masalimuot na isyu ang pag-eere ng mga programang pantelebisyon sa mga eskandalong kinasasangkutan ng mga artista sa ngalan ng ratings. Dito matitimbang hindi lamang ang kapangyarihan ng telebisyon ng isang midya kundi pati na ang karapatang husgahan ang kapwa tao, ang mga pagpapahalaga sa buhay na naiimpluwensiyahan ng midya at ang tagisan ng materyal na kasaganaan laban sa dignidad ng tao.
No comments:
Post a Comment