the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Tuesday, September 11, 2007

iba’t ibang mukha ng suliranin


Isa sa mga bagay na nangyayari sa isang komunidad na kumokontra sa pagkatao ng isang miyembro ng komunidad ay pagkagumon sa bisyo. Maraming uri ng bisyo ang suliranin ngayon ng maraming komunidad sa buong daigdig gaya ng bawal na gamot, sigarilyo, alak, sugal, at labis na paglalaro ng online games. Nakasasama ang mga ito sa pagkatao ng miyembro ng komunidad sapagkat nakaaapekto ito sa pisikal, sikolohikal, pangkaisipan, ispirituwal at pang-ugnayang aspeto ng tao. Halimbawa, kumokontra sa pagkatao ng miyembro ng komunidad ang labis na pagbababad sa harap ang kompyuter para maglaro ng online games. Naaapektuhan nito ang pisikal na pangangatawan ng tao sa pamamagitan ng pagpupuyat at pag-iwas sa nakasanayang oras ng pagkain. Naaapektuhan naman nito ang sikolohikal na aspeto ng tao sa pamamagitan ng pagkainit ng ulo kung matatalo o maiistorbo sa paglalaro. Naaapektuhan nito ang pangkaisipang aspeto ng tao sa pamamagitan ng baluktot na pagtingin sa reyalidad bunsod ng pagkababad sa palsong daigdig ng kompyuter. Naaapektuhan naman nito ang ispirituwal na aspeto ng tao sa pamamagitan ng kawalang-oras para sa kaugaliang manalangin o magsimba. Panghuli, naapektuhan naman nito ang pang-ugnayang aspeto ng tao sa pamamagitan ng kawalang-oras para sa pamilya, mga kaibigan at pakikipagkapwa.
Sa atin, masasabing suliraning pangkomunidad ang materyalismo. Ito ay sapagkat nailalayo ang maraming miyembro ng komunidad sa tunay na dapat pahalagahan sa buhay. Maraming miyembro ang mas malaki ang pagpapahalaga sa pera, ari-arian, kagamitan, at iba pa kaysa mga di-materyal na bagay gaya ng pakikipagkapwa, paggalang sa kapurian ng kapwa-tao, ispirituwalidad at marami pang iba. Sa pagkakalayo ng mga miyembro sa mga mas mahahalagang bagay sa buhay, nalilihis sila sa daan ng tunay na kaligayahan at misyon sa mundo. Para sa kanila, sapat nang kaligayahan ang naibibigay ng mga materyal na bagay hanggang nasa pag-aari pa nila ang mga ito. Hindi nila alintana na maaari itong mawala bigla samantalang ang tunay na mga kaibigan, halimbawa, ay hindi basta nawawala dahil pinapahalagahan nila ang pakikipag-ugnayan. Inaakala rin ng maraming miyembro na sapat nang misyon sa mundo ang magkamal ng maraming material na bagay. Hindi nila alintana ang kalikasan ng mga bagay na ito na madaling maglaho, kahit sa isang iglap, dulot ng mga insidenteng gaya ng pagnanakaw, pagkalugi, pagkawaldas at iba pa.
Sa atin pa rin, masasabing suliraning pangkomunidad ang kawalan ng pagkakakitaan. Ito ay sapagkat nagdudulot ito ng kahirapan na siya namang nagtutulak sa marami tungo sa desperasyon at mga bagay na hindi katanggap-tanggap sa matinong lipunan. Dahil sa kawalan ng pagkakakitaan, marami sa mga miyembro ang nakatambay lamang. Marami rin sa kanila ang hindi makatawid s mga pangangailangan sa araw-araw. Maraming bata ang biktima ng malnutrisyon. Marami sa kanila na naging libangan na ang pag-aanak kahit hindi matustusan, imbes na magkaroon ng pagkaaabalaang trabaho. Marami sa kanila ang hindi na nakapag-aaral dahil walang perang pantustos. Marami sa kanila ang nawawalan ng pag-asang guminhawa pa ang buhay dahil wala namang maipangakong trabaho sa kanila ang pamahalaan. Hindi rin malayo na ilang sa kanila ang nakagagawa na ng ilang hindi legal na gawain gaya ng pagnanakaw, pananalisi, prostitusyon at iba pa para lamang makaraos sa mga pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa atin pa rin, lumilitaw na suliranin ang kawalan ng tiwala sa gobyerno. Ito ay sapagkat bilang kabahaging sibil ng bansa, ang mga miyembro ay marapat na may tiwala na makapagbibigay-ginhawa ng pamahalaan. Samantalang hindi masisisi ang mga tumugon kung pangatwiranan nilang nangungurakot lamang ang mga pulitiko sa gobyerno, hindi makatuwiran na halos walang magtiwala sa pamamagitan ng pakikialam. Kung ganito ang mangyayari, mananatili ang suliranin dahil walang guumagawa ng pagkilos para sugpuin ang suliranin ng pangungurakot sa gobyerno. Kung makikialam naman ang mga miyembro sa pamamagitan ng pakikilahok sa mga pambansang pagkilos gaya ng halalan, makapagluluklok ng katiwa-tiwalang mga pinuno at makapagbabantay ang bayan sa mga aktibidades ng mga ito para walang kabulastugan ang makapangyari sa pamahalaan.

2 comments: