Sa talastasan ng magkaibigang Karen at Bree, nabanggit ni Karen na iiwanan na niya ang pagpuputa dahil ayaw na niya itong gawin. Kung nagugustuhan umano ang pakikipagtalik, hindi na ito pagpuputa. Kung hindi sila puta, ano sila?
Sa kanyang basikong kahulugan, may nakaugnay na elementong pinansiyal sa pagpuputa. Lahat ng puta, ginagawa ang kanilang propesyong makipagtalik kapalit ng pera. Hindi sila nakikipagtalik sa konteksto ng pag-ibig o pagkagusto, kaya nga problematiko kung nagugustuhan na ng isang puta ang pagsasagawa ng kanyang propesyon. Kung gayon ba, dapat na siyang huwag tumanggap ng pera sapagkat gusto naman niya ang kanyang ginagawa?
Puwedeng sabihing dalawang beses nabibiyaan ang isang puta kung kumikita na siya mula sa kanyang propesyon, naliligayahan pa siya. Wala itong ipinagkaiba sa ibang propesyon na nakapagpapaligaya na, nagdadala pa ng pagkakakitaan. Masasabi kung gayon na napipilosopiya na ng puta ang kanyang propesyon sa bisa ng kaliwanagang natatanggap dito. Puta pa rin siya, sapagkat kung hindi na siya tatanggap ng pera sa bawat pakikipagtalik niya, aasa sa libre ang kanyang mga kliyente. Sa komodipikasyon ng isang puta sa kanyang sarili, nagiging bagay lamang siya sa turing. Samantala, kung mararamdaman niya ang kasiyahan sa oras na isagawa niya ang pagpuputa, nagkakaroon siya ng pagkatao at lumalagpas sa estado ng pagkabagay. Hindi niya lubusang nakakamtan ang pagka-Meron ng pagpuputa, ngunit nalalapitan niya ito sa pamamagitan ng patuloy na pagsasagawa ng kanyang trabaho. Naniningil pa rin siya matapos ang pakikipaglampungan.
Hindi kinakailangang mawala ang pagkaputa ng isang puta dahil lamang sa nagugustuhan niya ang kanyang propesyon. Naliligayahan din ang ibang tao sa kani-kanilang propesyon, ngunit hindi nawawala sa kanila ang pagkakakilanlang iyon. Ang puta, hindi man kinakailangang napapaibig sa kanilang suki, may pagkakataon namang naliligayahan sa ginagawa. Hnidi na lamang niya basta pinepeke ang kaligayahan ng pakikipagtalik kapalit ng pera, kundi napipilosopiya na niya ang kasiyahan. Isinasagawa niya ang kasiyahan samantalang bianayaran pa rin siya bilang isang lehitiminong puta. Samakatuwid, puta pa rin siya.
Ang pagsasagawa ng isang bagay sa halip na sinasalita lang ay pamimilosopiya. Higit pa sa salita ang pagiging puta, bagkus ay isinasagawa ito. Dahil ginagawa ang dalawang basikong kilos para magawa ang pagpuputa—ang pakikipagtalik at pagtanggap ng perang kapalit—pagpuputa pa rin ito kahit nagugustuhan na niya ang ginagawa. Samantalang argumento na hindi gusto ng puta ang pakikipagtalik dahil pangunahin ang dahilan niya sa ginagawa ang pagkakakitaan, hindi nakaaapekto sa dimensyong pinansiyal ang pagkakaroon ng kaligayahan sa akto ng pakikipagtalik ng isang puta. Kung hindi na siya maniningil at hayaang kasiyahan na lamang ang hangarin niya sa pakikipagtalik, doon na hihinto ang pagiging puta ng isang puta.
No comments:
Post a Comment