the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Wednesday, September 26, 2007

ang sala ng nasasakdal: pagmumuni-muni sa angkop sa tao


May sala nga ba o wala si Sokrates? Kung kasama ba ako sa mga hukom, hinatulan ko ba siya? Kung nabuhay ako noong mga panahong iyon, maihahambing ko ang sarili ko ngayon bilang isang minorya sa mga intelektuwal ng Atenas. Samakatuwid, may malaking tsansang magustuhan ko ang katuruan ni Sokrates, at hindi magkaroon ng pangambang pulitikal sa kanya. Malamang, boboto ako para mapawalang-sala siya.
Ngunit ano nga ba ang nararapat na hatol kay Sokrates? Malamang, sa puntong ito, iaabsuwelto ko siya. Ngunit ito ay hindi sa dahilang parang walang sapat na rason para hatulan ko siya ng kamatayan: magiging batayan nito ang kahulugan ng kawalan ng pananalig sa Diyos.
Naniniwala akong ang akusasyon ng pangungurakot ng kabataan ay mangahulugang pagtuturo ng kawalan ng pananampalataya. Kaya nga dapat hindi mapanghimasukan ng akusasyong pulitikal, na hindi nangangahulugang hindi ito nangyari sa kasaysayan. Sinasabi ko ito sapagkat may puntong hindi mapaghihiwalay ang pulitika at relihiyon para sa mga taga-Atenas. Kung gayon, sa pag-ayaw ni Sokrates ng kaayusang pulitikal sa Atenas sa kabuuan, mangangahulugan ito ng pagsuspetsa sa kanyang relihiyon. Ngunit posble pa rin, kahit sa Atenas, na ang paglilitis ay hinggil sa pulitikal na usaping pag-atake sa kabuuan o hinggil sa paniniwala sa maling diyoses.
Susubukin kong manatili sa pagmumuni-muni sa pananampalataya. Kung bibigyang kahulugan sa makitid na pananaw ang pananampalataya, may sala si Sokrates sa hindi paniniwala sa mga diyoses ng Atenas, at marahil sa pagpapakilala ng mga bagong diyoses, o kaya ay ng binago, inimbento at moral na bersiyon ng mga lumang diyoses na ginawa sa paraang maituturing na silang mga bagong diyoses. Samantalang tumatanggap paminsan-minsan ng mga bagong diyoses ang mga taga-Atenas, may sinusundang proseso sa batas na saligan ng lahat, at hindi dumaan sa ganitong proseso si Sokrates. Kaya nga, ang paghatol ng pagkakasala batay sa akusasyon ng kawalan ng pananalig ay mapangangatwiranan. Sa kabilang banda, tila hindi malaking isyu ang daimonion , ngunit tila malaking isyu ito sa mga taga-Atenas. Hindi naman diyos ang daimonion. Ngunit maari itong magsilbing maliit na ebidensya na ang mga diyoses ni Sokrates ay bago.
Kaya nga ang paghatol na pagkakasala ay mapangangatwiranan. Ngunit ang mga hukom na Atenas ay mayroong masasabing malaking agwat ng pagbasa ng kahulugan ng batas: walang hukom o saligang magtatali sa kanya sa isang interpretasyon o iba pa. Maaari ring ang nasusulat na batas ay lubhang malabo. Kaya nga ang isang hukom na taga-Atenas ay may malaking kalayaang magdesisyon kung ano ba ang ibig sabihin ng kawalan ng pananampalataya. At kung paanong malabo ang batas ng Atenas, ganoon din ang relihiyon ng Atenas. Ni wala ngang banal na teksto o mga propesyunal na mga paring magsasabi kung ano ang dapat paniwalaan. Wala isa man sa batas o relihiyon ang makapagtatalaga ng dapat ipakahulugan ng kawalan ng pananalig, na magbibigay ng kalayaan para sa sinumang hukom na iabsuwelto si Sokrates kung nakikita niyang nararapat.
Ngunit, maaaring tuligsain na ang akusasyon mismo ang naging daan ng pagtatalagang hindi naniniwala si Sokrates sa kinikilalang diyoses ng Atenas. Masasabi namang walang binabanggit na opisyal na listahan ng mga diyoses sa lungsod, dahil hindi naman ito ginawa ng mga taga-Atenas. Ngunit maaring tumutukoy ito sa natatanging hatol ng isang hukom. Kaya nga bilang hukom ay hindi basta magdesisyong naniniwala si Sokrates sa kinikilalang diyoses, bagkus ay kung naniniwala siya sa mga diyoses na pinaniniwalaan ng mga taga-Atenas.
Maitatanong kung ang mga diyoses ni Sokrates ay lubhang napakalayo sa kinikilalang diyoses ng mga taga-Atenas na hindi na makikitang pareho lamang sila. Nakikita kong may dalawang argumento na maituturing sa pagdepensa kay Sokrates. Ang una ay batay sa kaisipan na ang malabo at madalas magkasalungat na paniniwalang relihiyoso ay kasama ang kaisipang mas marurunong ang mga diyoses kaysa atin at kumikilos sila upang magsagawa ng kaayusang moral. Wala alinman sa mga prinsipyong ito ang nagdadala sa atin sa radikal na pag-iisip na iniuugnay kay Sokrates gaya ng kaisipang alam ng mga diyoses ang lahat at buo ang kanilang moral. Ngunit pinag-iisip ako para makitang ang mga diyoses ni Sokrates ay isang likas na kaunlaran ng tradisyon. Hindi pa nga lamang natatalakay ang pangkaraniwang kaisipang hindi mauunawaan ang mga diyoses dahil hindi maiintindihan ng mga mortal na tao ang kanilang pinaggagagawa at hindi maiintindihan bakit nila ginagawa ang mga ito.
Ang kahirapang intindihin ang mga diyoses ay makatutulong supilin ang pagkritika sa mga diyoses. Samantala, pinapayagan nito ang interpretasyong ginagawa ni Sokrates. Mangangamba akong ang moralidad ni Sokrates ang magdadala sa mga diyoses sa puntong madali na silang maiintindihan. Ngunit itinatatwa ni Sokrates ang buong kaalaman sa kabutihan para hayaan sa halip na sundin ang tradisyon ng mahirap na pag-unawa sa mga diyoses. Kung gayon, hindi niya mauuri ang mga diyoses sa istriktong pamamaraan.
Sa ikalawang argumento, maipapakita kung buumbuong radikal si Sokrates sa kanyang pagbabago sa relihiyon. Mas diretso ito kung titignan. Ipinapakita ng pagkilos ni Sokrates na naniniwala siyang ang sentral na ritwal ng mga taga-Atenas ay dapat isagawa. Maaring sumobra ang pagtaya para sa mga taga-Atenas, mas matimbang ang gawaing panrelihiyon kaysa paniniwalang panrelihiyon, ngunit may sariling bigat ang mga gawain ni Sokrates. Makatutulong din ang salita mismo ni Sokrates sa ilang punto, dahil kahit hindi siya nagbabanggit ng indibidwal na diyos, nagsasalita siya tungkol sa mga diyoses o diyos sa isang mapanalig kundi mas malabong punto. Pangkaraniwan ang kalabuang ito, at mapanalig, lalo na sa mga okasyong hindi nakasisiguro kung sinong diyos ang binabanggit. Masasabing pambihira ang hindi pagbanggit ni Sokrates ng partikular na diyoses ngunit hindi ito malaking sorpresa. At hindi rin naman gagawa pa ng paraan si Sokrates para tuligsain ang mga diyoses.
Maikukumpara ang mga pagkilos ni Sokrates dito sa mga akusasyong pulitikal sa kanya. Samantalang hindi boluntaryo si Sokrates sa pangunguna sa buhay ng publiko, nagsilbi siya sa depensa, sa konseho, at nagdesisyong manatili at harapin ang kanyang parusa ayon sa batas. Kung gayon, may puntong si Sokrates ay totoo sa Atenas sa pulitikal at relihiyosong pamamaraan gamit ang kanyang mga kilos bilang ebidensya. Kung kasalanan man iyon, nakapagdesisyon naman na ang mga hukom.
Kung tama o mali ang parusa kay Sokrates, makikita sa pagpayag niyang mamatay sa lason. Hindi siya nagparahuyong tumakas sa pagkabilanggo para matakasan ang napipinto niyang kamatayan. Masyadong mahina ang argumento para marahuyo siya. Hindi na mahalaga sa kanya ang opinyon ng ignoranteng nakararami, anumang kapangyarihan meron sila. Hindi man mapangangatwiranan ang katwiran ni Sokrates na dapat magpailalim sa pagsasakdal ng estado, patunay ito na tama o mali ang parusa kay Sokrates.
Argumento ni Sokrates na may nakukubling kontrata siya sa Atenas na tanggapin ang anumang hatol, makatuwiran o hindi, at hindi manlalaban at paguguhuin ang estado. Kuwestiyonable ang argumentong ito dahil kung tatanggaping umiiral at totoo ang ganitong kontrata, hindi kaya may nakukubling kontrata rin si Sokrates na iligtas ang mga kaibigan para sa kanilang pagkakaibigan? Mas malaking tungkulin para sa kanya ang kaligtasan ng kanyang mga kaibigan kaysa ang malayong posibilidad ng destabilisasyon sa Atenas. Kahit hindi naman nasa panganib ang kanyang mga kaibigan kundi mapalayas at awayin ng mga nakikisimpatya kay Sokrates dahil wala silang nagawa para isalba siya, tungkulin niya ang ganito sa mga kaibigan kung paanong tungkulin niya rin ang tumalima sa Atenas.
Itinuturing ni Sokrates na ang mabuting buhay at hindi buhay lamang ang masarap gugulan ng panahon. Kaya nga kung mabubuhay lamang nang may pagkilos na mali sa moralidad, mas gugustuhin pa ang kamatayan. Hindi problematiko ang ganitong pagpili sa moralidad kaysa mortalidad. Kung dapat na magkaroon ng pagpapahalaga at isasabuhay ito, tama si Sokrates sa pagtanggap sa kanyang parusa kung magiging kasong imoral ang kanyang pagtakas.
Naniniwala si Sokrates na babagsak ang estado o kaya ay manghihina sa kanyang pagtakas sa parusa dahil nga mistulang mahina ang batas. Pinangangatwiranan niyang hindi makatarungan ang pagsira sa estado sa ganitong paraan, kahit pa sinira rin siya ng estado sa paghahatol sa kanya sa maling pamamaraan. Samantalang may nakukubling kontrata ngang sundin ang batas at tanggapin ang hatol, ngunit kondisyunal itong sabwatan. Sa mga kontratang panlipunan gaya nito, kalikasan na ang magkaroon ng parehong kapakinabangan, ngunit hindi ito alintana ni Sokrates. Kontrata ng estado na maging makatarungan sa kanyang mga mamamayan. Dahil sa sentensya kay Sokrates na kinukurakot ang kabataan, sinira ng estado ang ganitong kontrata dahil sa pagbibigay ng masamang hatol sa isang taong nagpupugay sa Atenas. Sinasabi ni Sokrates na hindi makatarungang labanan ang estado dahil hindi katanggap-tanggap ang pilosopiyang mata para sa mata, ngunit magkaiba ang pagsira sa panlipunang kontrata sa paghihiganti. Kung ang pagbawi ni Sokrates sa estado ay ginanyak ng damdamin at hindi mapangangatwiranan, hindi nga ito makatarungan. Ngunit may kontratang sinira ang estado dahil sa kawalang katarungan kaya nga mapangangatwiranang mali ang tanggapin ni Sokrates ang parusang paglason sa sarili.
Sabagay, binanggit ni Sokrates ang kanyang tungkulin na kung hindi makatarungan ang estado, dapat baguhin niya ang paniniwalang ito ng katarungan. Ngunit kung mamamatay si Sokrates (at namatay nga sa lason), paano niya matutupad ang ganitong tungkulin? Anong pagpapahalaga ang ibibigay niya sa ganitong tungkulin? Mapangangatwiranang mahalagang tungkulin nga ito, dahil ang hindi makatarungang estado ay maaaring gumawa ng lahat ng klaseng masama at hindi natatali sa isang panlipunang kontrata. Kapani-paniwalang dapat manatili ang estado kung kinakailangang itama ang paniniwala hinggil sa kung ano ang makatarungan.
Ang tungkuling ito, na pigilan ang estadong may monopolyo ng puwersa na gumawa ng 'di-makatarungang gawa at maghatol ng 'di-makatarungang sentensya sa kanyang mga mamamayan, ay umaayon sa panlipunang kontratang pinaniniwalaan ni Sokrates sa matagal na panahon sa Atenas. Lamang, wala na itong saysay mula nang sirain ito mismo ng estado. Hindi suliranin kung nahatulan man ng kamatayan si Sokrates kunid nahatulan siya nang walang katarungan at hindi makita ni Sokrates mismo kung tama o mali ang parusa sa kanya. Hinayaan ni Sokrates na itatwa ang kanyang kakayahang makapangatwiran sa pamamagitan ng bulag na pagtanggap sa di-makatarungang hatol ng Atenas at pagwalang-bahala sa mga suliranin ng 'di-makatarungang estado. Dito mahihinuha ang batayang kamalian at katamaan ng parusa kay Sokrates. parusa kay Sokrates.

No comments:

Post a Comment