the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Monday, August 27, 2007

sa lilim ng maliwanag na buwan: isang pagsusuri sa “the world of the moon” ni gregorio brillantes


Mahalaga ang papel na ginampanan ng buwan sa kuwentong binyag-sa-kamalayang “The World of the Moon” ni Gregorio Brillantes (Nasa Gems 1 in Philippine Literature. Corazon Balarbar, et al, mga patnugot. Mandaluyong: National, 1989). Nagamit ang buwan bilang pampatingkad ng atmospera at tagpuan sa kuwento. Tumalab din ang buwan bilang simbolo sa istorya at makahulugan ito sa naratibo ng pagkapukaw ng malay ng binatilyong si Boy, ang protagonista.
Pamanahong tagpuan ng kuwento ang “gabing kabilugan ng buwan [full moon night]” (p.121). Mula sa pagbanggit na ito ng buwan, paulit-ulit na itong lumitaw sa kabuuan ng kuwento bilang pagkilala sa buwan na lehitimong kasama sa takbo ng naratibo. Ipinakita itong pumapaimbulog sa kalangitan, sinasabuyan ng liwanag ang acacia, naging mala-taong presensya sa paligid ni Boy, at piping saksi sa mga pangyayari ng pagbibinyag sa bida. Sa paggamit sa buwan bilang background ng mga pangyayari, malinaw na simboliko ito sa pagkadiskubre ni Boy sa kanyang tumatandang sarili at badya ng kanyang nagaganap na pagka-mama at pagdagdag ng kaalaman niya sa buhay ang unti-unting pag-akyat at pagtindi ng sinag ng buwan.
Mabisa ang buwan bilang simbolo sa kuwento. Sa wikang Latin, “luna” ang ibig ipahiwatig ng buwan, kaya ang taong lunatiko ay pinaniniwalang nawawala sa tamang pag-iisip sabay sa pagbabagu-bago ng hugis ng buwan. Sinusuportahan ito ng siyentipikong teoryang hinihila ng grabidad ng bilug na bilog na buwan ang mga tubig ng mundo pati na tubig sa katawan ng tao, dahilan kung bakit naapektuhan ang lohika ng ilang tao at ebidensya umano nito ang mataas na insidente ng pagpapatiwakal tuwing kabilugan ng buwan. Sa kuwento, ginamit ng ahente ng gamot sa matatakuting empleyado ng munisipyo ang banyagang idyomang “naapektuhan na ng buwan ang ulo mo [the moon’s got you in the head]” (p.121) upang ilarawan ang inasta nitong kawalang-katinuan kung sakaling maubusan ng gasolina ang sasakyan nila sa madilim na kahabaan ng lansangan, nagpapahiwatig marahil ng pagkatakot nito sa multo o mga masasamang elemento.
Subalit ang pagkawala sa katinuan o pagiging lunatiko ay simbolikong naipakita ng pangunahing tauhan. Bata ang kanyang sarili, at nawawala na siya sa sariling ito dahil nagbibinata na siya. Nabibinyagan na siya sa tinatahak na bagong mundo, at sanhi ng panggitnang kalagayan ng kanyang pagkatao, wala siya sa lohika ng kabataan niya o ng katandaan niya. Sa mga bahaging tila ba tao ang buwan at magkasama tanging ang buwan at siya at ang espasyo sa pagitan nila “[there was only the moon and himself and the space between them]” (p.124), masasabing labas-sa-katawang karanasan ito ni Boy. Nagbibigay ng epektong delusyonal ang liwanag ng buwan, sapat para tila wala sa tamang huwisyong “hindi niya maalala ang eksaktong lugar ng puntod ng ama…saang daan ang hilaga, saan ang timog [he could not recall the exact location of his father’s grave…(w)hich way was north, where was the south]” (p.125).
Artipisyal ang liwanag na galing sa buwan dahil isang makaagham na katotohanan ang panghihiram nito ng liwanag sa araw. Samakatuwid, hindi tunay na makapagpapaliwanag ang anumang sikat ng buwan. Hindi akmang asahan ni Boy ang sikat ng buwan para siya maliwanagan sa mga bagay-bagay na nangyayari sa kanya. Matingkad itong nailarawan sa eksenang nasa sementeryo siya ngunit “nawalan ng dunong sa direksyon [lost his sense of direction]” (p.125) kahit matindi ang sinag ng buwan, at inatake siya ng lunatiko (!) nang istorbohin ng pagdating nila ang pananahimik nito sa mga nitso. Unang beses niyang makaranas ng ganitong uri ng dahas, at hindi niya lubusang naiintindihan ang inisasyong ito kahit pa nakatakda na siyang tumanda, kaya deliryoso at sindak na sindak siyang kumaripas papauwi ng bahay niya. Walang silbi ang simbolikong sikat (ng buwan) dahil hindi ito sapat para maliwanagan ang nasa transisyong si Boy.
Makahulugan ang buwan sa naratibo ng pagkamulat sa kamalayan ng pangunahing tauhan. Kinatawan ng pagkilos ng buwan ang pagbabagong-bihis ni Boy. Sa umpisa, binigyang-diing “pumapaimbulog ang buwan sa ibabaw ng mga bahay, namumurok at naninilaw sa batang gabi [the moon was rising above the houses, swollen and yellow in the young evening]” (p.121). Ilang sandali pa, “lumutang ang…buwan sa silangan, sa ibabaw ng bayan [(t)he…moon floated in the east, over the town]” (p.122), hanggang “nangislap ang malinis na liwanag ng buwan sa bayan sa ibaba [the clean moonlight gleamed down upon the town]” (p.124) at sa wakas, “naabot na ng buwan ang karurukan ngayon sa itaas ng bahayan [(t)he moon had now risen well above the houses]” (p.123). Masasaksihan sa ganito ring pagkagising si Boy “dahil masyado pa siyang musmos [(b)ecause he was too young]” (p.121) ngunit sa kanyang pagbibinata “ngayong panahon ito, nararamdaman niya minsang nasa labas siya ng mga bagay-bagay, walang kinabibilangan, naghihintay [this season, he felt sometimes outside the boundary of things, belonging nowhere, waiting]” (p.121) na lumaki upang maging ganap na mama o tao. Hindi lamang aksidente ang pagpangalan sa karakter bilang Boy (dagdag pang tanging sa Pilipinas makakakita ng mga mama na ngunit tinatawag sa pangalang pambatang Boy, o ng mga aleng may taguring Baby Girl o Girlie) dahil idinidiing bata pa siya, kaya walang malay. Sapagkat bata pa nga, mangmang pa siya sa maraming impormasyon kaya nasasabik siya sa pagdating ng nasa siyudad na kuya “para ibahagi nito ang kanyang nakamamanghang kaalaman sa kanya [(to share) his wondrous knowledge with him]” (p.122) gaya ng mga impormasyong ang kabundukan sa buwan ay mas matataas kaysa anumang taluktok sa mundo, ang mga sangkap ng mundo at buwan ay magkapareho, at isang mukha lamang ng buwan ang nakikita mula sa daigdig ng tao.
Sa eksenang napag-isa sina Boy at ang ahente ng gamot matapos makipag-usap ang huli sa mga kapwa nangungupahan sa bahay ng Nanay ng una, napansin ng ahenteng lumaki na siya at “sa tulin ng kanyang pagtangkad, magmamadali na siyang makipagsayawan sa mga dalaga [(a)t the rate (he’s) shooting up, (he’ll) soon be itching to go dancing with the girls]” (p.122-123). Makaraan pa, nang nagmamaktol ang kanyang ate sa hindi pagpayag ng ina nilang pumunta ito sa sayawan, hindi niya naiintindihan “kung ano ba ang napakaespesyal sa isang sayawan [(w)hat was so special about a dance]” (p.123). Magkagayunman, para sa nagbibinatang gaya niya, “may kalabuang nagugulumihanan at naaawa siya [he was vaguely troubled and sorry]” (p.123) para sa dalagang kapatid na sa dulo ng kuwento ay tumalilis—sa ngalan ng pag-ibig marahil—kapiling ang isang lalaki (p.127). Napupukaw na ang kanyang kamalayan tungkol sa mundo ng mga matatanda.
Matapos makipaglaro sa plasa at maligo sa batis kasama ang kapwa niya binatilyong sina Lito at Ben, naengganyo siyang pumunta sa isang simbolikong lugar para sa walang-balikan, sa sementeryo, kahit sa una ay bantulot siya at tawaging “lunatiko [crazy]” (p.125) sina Ben at Lito sa balak na kausapin ang multong makakatagpo nila. Sa halip makakita ng multo—isang entity na hindi maipaliwanag ng lohika—isang nilalang ang “humambalos sa kanyang likod at nagpagupo sa kanya sa lupa [slammed against his back and hurled him to the ground]” (p.126). Pinilipit ang kanyang kamay ng nilalang na “ang mukha ay madilim, lihim at tago sa anino ng mausoleo [the face dark, secret and unknown in the mausoleum shadow]” (p.126) at “nangamba para sa panghuling kilabot, ang pinal na dahas [tensed for the ultimate horror, the final violence]” (p.126). Sa krusyal na mga sandaling ito, dumadaan na si Boy sa ritwal ng paglalayag mula sa kabataan tungo sa katandaan bunga ng inisasyon sa dahas, sa pagkabilang, sa matinding takot at sa iba pang mga bagay na sa unang pagkakataon, dinaranas niya.
Naging makatarungan ang presensya ng buwan sa naratibo bilang integral na bahagi ng binyag-sa-kamalayan ng protagonista. Maraming pangyayari ang maaaring magawa sa lilim ng pekeng liwanag nito—ang pagtakas ng kanyang ate, halimbawa, o ang (kawalan ng) pagkaalam sa mga direksyon, o ang batang kasidhian na nadarama niya habang papalaki siya. Tugmang-tugma ang pagkilos ng buwan at ang sinisimbolo nitong impluwensiya ng kawalang-katinuan sa pinagdaraanan ng nagbibinatang tauhan. Kumbensyunal na karunungan ang gamit ng liwanag para magpaliwanag, ngunit sa pagkakataong ito, hinamon ng naratibo ang kakayanan ng liwanag ng buwan para patunayan ang liwanag nito.

No comments:

Post a Comment