the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Thursday, August 30, 2007

dakilang tanga: isang reaksyon sa "apologia"


Sa palagay ko, uso pa ang pilosopiya ni Socrates dalawang milenyo makaraan niyang pormal na ipagtanggol ang kanyang paniniwala laban sa akusasyon sa kanyang pangungurakot umano ng kabataan, kawalan ng pananampalataya sa mga diyos ng estado at paglikha ng mga bagong diyoses. Bakit hindi, gayong inamin niya ang pagiging Dakilang Tanga? Dakila siya sapagkat siya mismo—itinuturing na pinakamarunong na tao ayon sa pasabi ng diyoses sa Orakulo—ang nagkaroon ng lakas ng loob na amining wala siyang alam. May malakas kaya ang loob sa sangkatauhan ngayon na makapagyayabang na alam niya ang lahat? Uso pa rin ang Dakilang Tanga sapagkat ang taong makakaaming tanga siya ang totoong may alam: alam niyang wala siyang alam. Marami na ngayong taong nagyayabang na marami silang nalalaman, porke umani na sila ng sangkatutak na gradwadong digri, o nakatuntong sa pamantasan at iba pang institusyong pandalubhasaan. Kung nabubuhay marahil si Socrates, magagaya sa mga humusga sa kanya ang mga taong nagmamarunong dahil sasabihin niya sa mga ito na wala siyang alam hanggang mapahiya sila sa kanilang sarili dahil mismong ang pinakamatalinong taong nabuhay sa mundo ang aaming wala siyang alam. Mapapamukhaan sila ng pagiging Dakilang Tanga ni Socrates dahil matatauhan silang Diyos lamang ang nagmamay-ari ng kaalaman, ng Meron, ang siyang Meron. Matatauhan silang anumang pagmemeron ang mga taong ito, proportio o bahagi lamang ng hindi naman nababawasang Meron. Kaya nga hindi maluluma ang klasikong kabalintunaan ng pagka-Dakilang Tanga ni Socrates: sa lahat ng panahon, noon man at ngayon, pinakamatalinong tao ang aminado sa sariling wala siyang alam.
Makabuluhan pa sa ngayon ang paniniwalang habang nagkakaroon ng kaalaman, lalo lamang lumilitaw ang kawalang-kaalaman. Sa panahon ng impormasyon ngayon, maya’t maya ang pagkatuklas sa mga bagong kaalaman. Lahat ng disiplina, masugid na sinusuyod upang makatuklas o makaimbento ng dati’y hindi nalalamang kaalaman. Kung gayon, kung lagi at lagi na ay may natutuklasan o naiimbento, hindi pa nalalaman ang lahat ng kaalaman. Kahit aralin pa ng pinakaaral na tao ang lahat ng matutuklasang kaalaman, mamamatay siyang may hindi pa malalaman. Ayon nga sa pilosopiya, walang sinumang nagmemeron ang lubusang makakaalam sa Meron. Malalapitan lamang sa pinakamalapit na lapit ang Meron, ngunit hindi tuluyang maaabot ang Meron. Kaya nga tama lang na aminin nang buong pagpapakumbaba ni Socrates na wala siyang alam. Dahil dito, marapat sa kanya ang taguring Dakilang Tanga. Makabuluhan ang pag-aming ito ng katunggakan dahil kung lahat ng nagmemeron ay aaming tanga rin sila, may pagkakataon silang lumago ang kaalaman dahil pangangailangan nila ang umalam. Samantala, sa pagkakataong atakehin sila ng katamaran sa pamimilosopiya sa pag-amin nilang tanga sila, hindi na sila magsusumikap na magkaroon ng kaalaman. Kung gayon, mas makabuluhan kung ang katangahang ito ang maggaganyak sa kanila para tuklasin ang mga bagong kaalaman. Sa pag-aming tanga sila, nagkakaroon sila ng kababaang-loob na ituring na hindi makatao kundi maka-Diyos ang kaalaman, na sila ay humihiram lamang ng kaunting karunungan sa Diyos at hindi sila mas magagaling pa kaysa sa Diyos. Makabuluhan din ang pag-aming dakilang tanga ang mga tao dahil katamaran ang sabihing marami na silang alam, dahil mitsa ito ng pagkawala ng interes para umalam pa ng mga kaalamang hindi pa natutuklasan malibang halungkatin sa kadiliman ng kawalang-alam. Kung titigil na sa paggalugad ng kaalaman ng tao, mawawalan ng saysay ang kaalamang ipinagmemeron sa tao ng Diyos. Kaya nga makabuluhan ang umaming tunggak ang tao para huwag huminto sa pagtuklas at pag-imbento ng karunungan para sa dakilang misyong mamilosopiya at magpaliwanag sa ibang nadidiliman ang pag-iisip (halimbawa ang matindi ang paniniwalang napakamaalam na nila). Para sa mga taong may sinserong pagtanggap na ignorante sila, makabuluhan ang katotohanang anumang karunungan meron sila ay bumubukal sa kaalaman nilang wala silang nalalaman.

No comments:

Post a Comment