Isang buhay na kultura sa pamayanan ng mga Pilipinong bakla ang tradisyong oral na tinatawag na swardspeak. Ang neolohistikong lengguwaheng ito ay nagpapakintal sa kasarian at identidad ng mga bakla. Paano “itinatanghal” ng mga Pilipinong bakla ang kanilang kasarian at pagkakakilanlan sa pamamagitan ng swardspeak?
Gamit ang teoryang performativity ni Judith Butler, nilalayon ng papel na ito na ilahad kung paano “itinatanghal” ng mga Pilipinong bakla ang kanilang kasarian at pagkakakilanlan sa pamamagitan ng swardspeak. Sa Pilipinas, ang performativity ay binigyang-diin ni J. Neil C. Garcia sa kanyang mga kritika upang iangkop ang nasabing teorya sa kaligirang Filipino. Sa papel na ito, susuriin sa bisa ng performativity ang mini-Badingtionary (diksyunaryo ng swardspeak) ni Ram Garcia sa tekstong Gayspeak in the Nineties ni Murphy Red, nakasama sa Ladlad 2: An Anthology of Philippine Gay Writing (Anvil, 1996), pinamatnugutan nina J. Neil C. Garcia at Danton Remoto. Ang pagsusuring ito ay isasagawa upang positibong matugunan ang problematik na nabanggit sa pasakalye ng papel na ito.
Si J. Neil C. Garcia, ang kasalukuyang pangunahing pigura sa pag-aaral ng kabaklaan sa Pilipinas, ay naghatag ng maraming pagbasa sa performativity ni Judith Butler, ang pangunahing teorista ng konstruksyonismong panlipunan ngayon. Ayon kay Garcia, may pormulasyon si Butler na ang kasarian ay hindi isang bayolohikal na kakintalan kung saan nakasalalay ang pagkakakilanlan; manapa, ito ay pagtatanghal o “performativity.”[1] Ang tesis na ito ni Butler na tinipon mula sa isang malaking kaban ng mga tekstong biomedikal, sikolohikal, pilosopikal, pulitikal, popular at sosyo-kultural, ay itinuturing ang kasarian at pagkakakilanlan bilang kolektibong interpelasyon ng mga pagtatanghal na inuulit-ulit ayon sa kahingian ng diskursong “normal;” bukod dito, ang mga pagtatanghal na ito at hindi ang isang panloob na katangian ang siyang bumubuo sa indibidwal bilang resulta ng repetisyon.[2] Maiintindihan kung gayon na ang kasarian at pagkakakilanlan mismo ay normal na mga pagtatanghal na salik sa pag-iral ng isang indibidwal, bumubuo sa proseso ng mga katawang bibigyang larawan nito. Ang pagtatanghal na ito ay hindi isahang akto lamang; manapa, ito ay isang proseso, isang sunud-sunod na paulit-ulit na praktis ng mimetikong akto, isang diskursong sa huli ay eepekto ng isang buong kasarian at identidad ng indibidwal. Sa madaling sabi, ang kasarian ay pagtatanghal: ikaw ay kung ano ang ginagawa mo.
Sa proposisyong ito ni Butler na ang pagkakakilanlan ay hindi isang bayolohikal na sustansya bagkus ay isang resulta ng paulit-ulit na gawaing nagpapairal sa isang indibidwal, binibigyang-diin na ang mga pagtatanghal na ito ay kaakibat ng isang eksibisyon ng espesipikong kasarian (i.e. lalaki o babae, heterosekswal o bakla, etc.) na siya ngang magbibigay-pangalan sa pagkakakilanlan ng isang tao.[3]
Ayon sa dalawang nabanggit na teorista, ang kasarian o sekswalidad—kapwa ilusyon lamang dahil walang tunay na kalaliman o kalooban,[4] ay isa lamang mapagtanghal na pag-uulit ng kasariang normal na lagi na ay hindi napeperpekto. Sa perspektibang ito, ang homosekwalidad (i.e. gaya ng mga may-akda sa librong Ladlad 2, kabilang ang awtor ng tekstong susuriin) bilang epekto lamang ng iba’t ibang pagtatanghal ng imitasyon kung saan walang orihinal,[5] ay hindi matutuos bilang kopya lamang ng heterosekswalidad, na isa ring ilusyong nabuo dahil sa makulit na pagtatanghal. Lahat ng identidad ay panggagaya o imitasyon ng regulasyon na palagiang hinihikayat para isagawa upang ang sariling kasarian ay mabuo[6] kahit pa sa hangganan ay hindi rin matupad.
Kahit pa ang Butlerian performativity ay pangmalawakan ang sakop dahil sa pagbanggit nito ng konstruksyonismong pang-identidad, diskurso at ideyolohiya, mayroon itong kultural at pangkasaysayang partikularidad. Samakatuwid, kahit pa sa Kanluran inilaan ni Butler ang kanyang teorya, ang performativity ay may transkultural na kaganapang maaaring iayon sa anumang kulturang may sariling pakahulugan sa kasarian at pagkakakilanlan, angkop sa kaligiran ng istruktura ng kaunawaan[7] ng nasabing kultura. Halimbawa, ayon sa Filipinong kritiko at makatang si Lilia Quindoza-Santiago, ang kasarian na mula sa salitang-ugat na sari-sari ay espesipiko sa ating kultura dahil sa sari-saring katawagang laan para sa “tamang” sekswalidad (i.e. patunay ang larong pambatang Boy, Girl, Bakla, Tomboy). Ang kasarian kung gayon ay nabubuo depende sa pangkasaysayan at heograpikal na lokasyon, samakatuwid ay ang kalapatan nito sa pagpapaliwanag ng kasarian at identidad ng mga Pilipinong baklang sa bisa ng tradisyong oral na swardspeak.
Ang jargon, argot, lingo o swardspeak ay isang makulay at interesanteng homosekswal na wikang namulaklak noong Dekada ’70. [8] Ipinanganak ng lipunang patriyarkal at konseptong homophobia, ang swardspeak ay instrumentong ginamit ng mga bakla bilang subersiyon sa ilang siglong walang-dahilang pagkamuhi ng mga palaayaw sa mga bakla, na nag-ugat sa sobenismo ng mga aparatong pang-ideyolohiya gaya ng Katolisismo at nitong huli, ng Kristiyanismo.[9] Sa tabi-tabi kung saan itinaboy ang mga bakla, umusbong ang isang uri ng kalayaan sa pamamagitan ng ekspresyong pansarili. Ang pag-usbong na ito ng kulturang bakla ay patuloy na yumabong bilang alternatibong pamumuhay na nakasalig sa liberasyon. Dahil ang wika ay arbitraryo, hindi naging mahirap para sa mga Pilipinong bakla ang pagpapayaman ng isang epektibong sandata laban sa machong palsong kamalayan: ang wikang nakabatay sa prinsipyo ng pun o paglalaro ng mga salita. Nakatulong din ang pambabakla o faggotification sa midya at akademya upang maging matulin ang transpormasyon ng dati na ay mabilis ang permutasyong swardspeak. Lumawak kung gayon ang oportunidad ng mga baklang pasukin at dominahang muli ang umiiral na kultura. Ang kalayaan at bilis ng ebolusyong ito ng swardspeak ay inihahalintulad sa mga diwata ng Stonewall Liberation noong 1969 na nagpagiba sa nakakahong kultura ng kabaklaan upang sakupin ang kalawakan ng mga salita at sa proseso ay iwaksi ang hegemonya ng perhuwisyo at pang-aapi.
Bukod sa radikal na kakayahan ng swardspeak na bigyang-interogasyon ang mga kaisipan ng lokal na kulturang macho hinggil sa kasarian at sekswalidad, sinasagot din nito ang pagkakakilanlan at “paglaladlad ng kapa” ng isang maituturing na miyembro ng “federasyon” sa pamamagitan ng pansarili nitong pagkilala.
Dahil sa pagsasapraktika ng dinamiko, mapagpalaya at popular na gayspeak, buhay sa komunidad ng mga Pilipinong bakla ang wikang ito saanmang sulok ng bansa, mula Aparri hanggang Jolo, wika nga. Sa pag-uulit-ulit ng gamit at pagsasatangi nito sa sariling komunidad, nabubuo ang kasarian at pagkakakilanlan ng mga bakla. Ang mga bakla ay nagiging bakla sa bisa ng pagpipilit na maperpekto—magkaroon ng esensya ng kabaklaan—ang repetitibong mga akto, na hindi man tuluyang magkaroon ng kaganapan ay nagreresulta naman sa pagkakabuo ng sarili na produkto ng pagtatanghal sa pamamagitan ng bigkas ng mga salitang gawa-gawa ng sangkabaklaan.
Ilan sa mga panitikang may relasyon sa papel na ito ang mga sumusunod:
Sa antolohiya ng mga sanaysay sa Ingles ni Danton Remoto na pinamagatang Seduction and Solitude, pinaksa niya ang proyekto ng pambaklang organisasyong Katlo: isang Badingtionary na naglalaman ng mga salitang Anita Linda (‘napapanot’), Antukis (‘inaantok’), at iba pa.
Sa isa pang antolohiya ni Danton Remoto, ang X-Factor, isang buong sanaysay ang inilaan niya para sa swardspeak, kung saan may imbitasyon siyang makiambag ang mambabasa sa itatayong kapihang may mga produktong gaya ng Rolando Tinio (‘tea’), Ophie Dimalanta (‘coffee’), Virgilio Almario (‘beer’), at Kerima Polotan (‘pulutan’). Sa pagsusuri ni J. Neil Garcia ng mga librong The Umbrella Country at Rolling the R’s nina Bino Realuyo at R. Zamora Linmark, ayon sa pagkakasunod, ginamit niya ang ideyang performative language ni J. L. Austin kung saan ang wika ay isang aktong may kakayanang bumuo ng konkretong epektong panlipunan.
Ang mga sumusunod ay mga entri sa glosaryo ni Ram Garcia at ilang makabagong salita para sa Ikatlong Milenyo na gagamitin sa pangungusap ng tagasaliksik bilang patunay na nagbibigay-pagkakakilanlan ang swardspeak bilang tradisyong oral ng mga Pilipinong bakla:
Ana (pangngalan): Ahas. Salitang Ugat: Anaconda. Kasingkahulugan: serpentina, Ana Bayla, ahasera, Ana Roces, medusa, Anabelle Rama, galema, Valentina, anaconda.
Huwag kang ana dahil kakarmahin ang mang-aagaw ng jowa.
Bionic (pandiwa): Magbate. Salitang Ugat: Bayo. Kasingkahulugan: Biogesic, bayas, sarciado, Bayambang (Pangasinan), Bayombong (Nueva Vizcaya), bayam, batibot.
Nakakapayat ang palagiang pag-Bionic Woman.
Career (pandiwa): magpakadalubhasa. Salitang Ugat: Career. Kasingkahulugan: Karerahan, kare-kare, karinderia.
Ikaw ha, nangangarir ka na naman ng mga boylets!
Cheese (pangngalan): Usap-usapan. Salitang Ugat: Chismis. Kasingkahulugan: Cheese whiz, cheeze curls, chismak, chisms.
Huwag kang pa-carry sa mga cheese.
Dramamin (pandiwa): Umaastang lalaki. Salitang Ugat: Mag-dramang mhin. Kasingkahulugan: Bonamin, bolash, bulalakaw, bolaret, bulalo, pamintang durog, pamenchu, pa-hom, PMA (pa-mhin na Ate), pamintuan.
Pulos bulalakaw ang mga host ng ASAP.
Entourage (pandiwa): Pumasok. Salitang Ugat: Entraka. Kasingkahulugan: josok, enter the dragon, shuloy, illegal entry, entrance fee, entrabella. Kasalungat: escape, escaflage, escravu, escape from the Bronx, fire exit.
Enter the dragon na ang byuti mo kasi freezing point sa labas.
Fillet (pandiwa): gusto. Salitang Ugat: Feel. Kasingkahulugan: feelanga, feeling, feeling ng saging, Jose Feliciano, fill in the blanks, Urbana at Feliza.
Fillet kong mangarir ng mga boylet ngayon.
Guash (pang-uri): magandang lalaki. Salitang Ugat: Guwapo. Kasingkahulugan: B.Y., Papa, Daddy, Kuya, puwede, biyaw, boylet, magandech, bongga ang fez, byutella, bianca. Kasalungat: chapluk, ngarag ang fez, chammy, champorado, Chaka Khan, Chewbacca, chopsuey, chapluks, chapa, chapacola.
Panalo ka sa boylet mo, guash na, dakota pa.
Havana (pang-uri): Mahabang mukha. Salitang Ugat: Haba. Kasingkahulugan: majova, Bambi Arambulo, La Bamba, Ali Baba, half-moon junction, siesta ng (jai alai), special llave.
Si Celine Dion O, Havana ang fez.
Imbyerna (pang-uri): Naiinis. Salitang Ugat: Iritada. Kasinkahulugan: Imbyernita, Verna Liza, pachuchay, Verni Varga, imbudo, impatso, imbutido, okray, im, Rita Gomez, Rita Avila.
Ilang-Ilang Tagalog Productions niya, ha! Rita Gomeza na ang beauty ko.
Indiana Jones (pang-uri): Hindi sumipot. Salitang Ugat: Nang-indian. Kasingkahulugan: Indira Gandhi, Indios Bravos, wa appearance, sibuyas bumbay, Miss India, Sushmita Sen.
Kainis ka kasi Waiting for Godot ako sa’yo, pero Indira Gandhi ka.
Joanna Paras (pangngalan): asawa. Salitang Ugat: Jowa. Kasingkahulugan: Jowawa, jowawing, Joanna Raunio, jowawiz, jowa-ers, jowawits, chuva chuchu.
Mag-behave ka na kasi parating na ang Joanna Paras mo.
Kabog (pangngalan): Talo. Salitang Ugat: Talbog. Kasingkahulugan: bog, sholbog, Luz Valdez, Lucila Lalu, Lucita Soriano. Kasalungat: Panalo, win, Winnie Santos, Winnie Cordero, Winnie Monsod.
Kabog na naman ang Ate ko sa Miss Gay kagabi.
Kofas (pandiwa): tsupa. Salitang Ugat: Chupa. Kasingkahulugan: kufing, koflage, kokak, halaya, hada, hala, joflax, confladia, josish, hadus.
Tigilan mo na ang kakokofas mo dahil nagiging anorexic na ang beauty mo.
Lamyerda (pandiwa): gala. Salitang Ugat: Lakad. Kasingkahulugan: Rampa, rampage, rampaging bull, Paseo de Roxas.
Gabing-gabi ka na naman; puro ka rampaging bull!
Manilyn Reynes (pang-uri): Malibog. Salitang Ugat: Manyakis. Kasingkahulugan: Manny de Leon, Makati City, laing-Bicol, Cathy Santillan, Catherine the Great, Cathy Mora, Kate Gomez, katipunera, Makati Avenue, Mommy Kate (de la Cruz).
Nakakita ka lang ng hunk, Catherine the Great ka na.
Mhin (pangngalan): Lalaki. SAlitrang Ugat: Man. Kasingkahulugan: Menachem Begin, julaykis, hombrasta, hom, umbaw, Mindanao Region, minola, Lucky Me, julaki, mench.
Wala kang kabusugan sa Mhin!
Nora Daza (pandiwa): Magluto. Salitang Ugat: dalubhasa sa pagluluto. Kasingkahulugan: Cookery, LM (lutong Macao), Cookie Chua, juto, cookie monster.
Nora Daza ka na ng hapunan natin, bilis!
Nota (pangngalan): ari ng lalaki. Salitang Ugat: Hugis nito. Kasingkahulugan: notrilya, notes, notebook, notary public; [pang-uri para sa malaki] dakota, higher do, Dakila Castro, Ducky Paredes, Hilda Koronel, Dakota Harrison, daks, Dax Rivera; [pang-uri para sa maliit] dyutay, duty free, juts, lower do.
Bakat ang notrilya ng ombaw na iyun.
Opra (pangngalan): utang. Salitang Ugat: O promise me. Kasingkahulugan: OPM, jutang, Oprah, Winfrey,wa pay, balazu.
Majava na ang listahan ng opra mo kaya pay ka na.
Pocahontas (pang-uri): pakawala. Salitang Ugat: Pokpok. Kasingkahulugan: Shukakak, shokpok, pakangkang, pakaratsung, paurangga.
Overflowing ang mga Pocahontas sa Quezon Avenue.
Quality Control (pang-uri): May kalidad. Salitang Ugat: Quality. Kasingkahulugan: Bongga, Bonngacious, Bengga.
In fairness, quality control ang party niya, huh?!
Ruffa (pangngalan): Laklak. Salitang Ugat: Cough Syrup. Kasingkahulugan: kalkaleyshen, Rufina patis, ruffles, raffle ticket, rooftop.
Tigilan mo na ang laklakeyshen na ‘yan!
Siete Pecados (pangngalan): Tsismosa. Salitang Ugat: Siete. Kasingkahulugan: mimosa, chismakera, Mimi Baylon, brigada siete, chsim queen.
Puro siete pecados ang neighborhood natin, Inang.
Thunder cats (pang-uri): gurang. Salitang Ugat: Matanda. Kasingkahulugan: gurangis, Wrangler, majonda, mashunda, Jo Mari Chan, ma-onda, gurami.
Thunder cats ka na nga, isip-boylet ka pa rin!
Uranus (pangngalan): Puwet. Salitang Ugat: Oros. Kasingkahulugan: Juwet, orosan, juwetraks, backdoor, juwetsing, orange juice, juwatra, Orani (Bataan).
Kagandahan ang hubog ng Uranus ng otokwang iyun.
Ate Vangie (pangngalan): gamot pampatulog. Salitang Ugat: Ativan. Kasingkahulugan: Vangie Labalan, Bubbles (Ativan Queen), Evangeline Pascual.
Hmm, magamitan kaya ng Ate Vangie ang hard-to-get na ‘yan?
Washington D.C. (pangngalan): Wala. Salitang Ugat: Waz. Kasingkahulugan: Washing machine, wa,wasiwas, waing,wash and wear.
Washington akong balak maging Donita Horse,’no?!
X-man (pang-uri): mga dating lalaki. Salitang Ugat: Mga karakter sa Marvel cartoons. Kasingkahulugan: vakla, bayot,vinavae,syoke, bakla, alanganin, talyada, charot, éclat, kuñas, eching, charing, ching, chika, ek, echos, jokla, bading, badiding, backless, shuklis, kuning, Nena Cabading, Boni Badella, badidang, Eddie Baddeo, Shaila [siya’y lalaki], Maila [may lawit], Maybeth [may betlog], Basia [bakla siya,], PGH [pa-Girl naHalimaw].
‘Di naman nanganganak pero dumarami ang mga X-men,’di va?
Yayo Aguila (pang-uri): Dyahi. Salitang Ugat: Hiya. Kasingkahulugan: jiya, timidity queen, shy type.
Yayo Aguila ang beauty ko kasi gaka (gatecrasher) ako sa debut niya.
Zsa Zsa Padilla (pang-uri): Sige. Salitang Ugat: O, Siya! Kasingkahulugan: Siya nawa, Camilo Osias, siya na nga,ZsaZsa Gabor.
Zsa Zsa Padilla, tama na ang pangangarir, exit from the Bronx ka na!
Bilang pagtatapos, masasagot na ang swardspeak na isang buhay at dinamikong tradisyong oral ng mga Pilipinong bakla ay isang paulit-ulit na paraan ng pagtatanghal ng mga tagapagsalita nito upang sa wakas ng mimetikong prosesong ito ay mabuo ang isang bonggang identidad na dili at iba kung hindi kagandahan ng Pilipinong bakla.
Iminumungkahi ng papel na ito ang dagdag pang pananaliksik hinggil sa swardspeak upang ang kulturang baklang ito ay hindi lamang magsilbing instrumento ng pagbuo ng pagkakakilanlan ng mga Pilipinong bakla kundi para mapalaya ang isinasantabing minoryang ito sa mapaniil na ideyolohiyang patriyarkal.
***
Bibliyograpiya:
Butler, Judith. Bodies that Matter. New York: Routledge, 1993.
__________. Gender Trouble. New York: Routledge, 1990.
Garcia, J. Neil C. Performing the Self: Occasional Prose. Quezon City: University of the Philippines Press, 2003.
__________. Philippine Gay Culture: The Last Thirty Years. Quezon City: University of the Philippines Press, 1996.
__________. Philippine Gay Literature. Nasa Filipiniana Reader. Priscelina Patajo- Legasto, Patnugot. Quezon City: University of the Philippines Open University, 1998.
Red, Murphy. Gayspeak in the Nineties. Nasa Ladlad 2: An Anthology of Philippine Gay Writing. Remoto, Danton at J. Neil C. Garcia, mga Patnugot. Anvil Publishing, Inc., 1996.
__________. Seduction and Solitude. Pasig City: Anvil Publishing, Inc., 1995.
__________. X-Factor: Tales outside the Closet. Pasig City: Anvil Publishing, Inc., 1997.
[1] Garcia, J. Neil. Performing the Self: Occasional Prose. Quezon City: University of the Philippines Press, 2003, 165.
[2] Butler, Judith. Gender Trouble: Feminism and the Subversion of Identity. New York: Routledge, 1990, 146-147.
[3] Garcia, J. Neil. Performing the Self: Occasional Prose. Quezon City: University of the Philippines Press, 2003, 54.
[4] Butler, Judith. Gender Trouble: Feminism and the Subversion of Identity. New York: Routledge, 1990, 146-147.
[5] Garcia, J. Neil. Philippine Gay Culture: The Last Thirty Years. Quezon City: University of the Philippines Press, 1996, 216.
[6] Butler, Judith. Bodies that Matter. New York: Routledge, 1993, 125.
[7] Butler, Judith. Gender Trouble: Feminism and the Subversion of Identity. New York: Routledge, 1990, 9.
[8] Garcia, J. Neil. Philippine Gay Culture: The Last Thirty Years. Quezon City: University of the Philippines Press, 1996, 89.
[9] Red, Murphy. Gayspeak in the Nineties. Nasa Ladlad 2: An Anthology of Philippine Gay Writing. Remoto, Danton at Garcia, J. Neil, mga patnugot. Pasig City: Anvil, 1996, 41.