Cell phone: Basikong Pangangailangan at Status Symbol
Ayon sa kasalukuyang estadistika ng National Telecommunications Commission, isa sa bawat dalawang Filipino ang may-ari ng cellular phone. Sinasalamin ng talang ito ang dalawang bagay sa lipunang Filipino: ang paglitaw ng cell phone bilang isang pangangailangan at ang pag-usbong nito bilang isang status symbol.
Pangangailangan ito ng mga Filipino dahil nagsisilbi itong lunday ng pagkakalapit-lapit ng magpapamilya, magkakaibigan at magkakakilala (o kahit hindi magkakakilala dahil textmates lang). Isang buong tawag o isang matagumpay na naipadalang text lang, nababawasan ang distansya sa isa’t isa, lalo na sa kaligiran ng pandarayuhan ng mga miyembro ng pamilyang Filipinong napapalayo kung para lang may pagkakitaan. Minsan na ring pinaglapit-lapit nito ang sambayanan nang magamit ang cell phone para ganyakin ang milyong taong naghimagsik sa EDSA II para iguho ang pamahalaan ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Samantala, status symbol naman ito dahil kung walang cell phone ang isang tao, etsa-puwera siya sa kolektibo. Kapag walang panlipunan o pang-ekonomikong kasikatan na nasusukat sa pag-aari ng cell phone, hindi siya kabilang sa sirkulo ng mga taong nagkakaugnay-ugnay sa pamamagitan ng instrumentong ito. Hindi siya “in” sa mga huling kaganapan sa daigdig, sa mga tsimisan, sa mga patawa, sa mga balita tungkol sa mga kapamilya o mga kaibigan. Sa popularidad ng cell phones sa Pilipinas dahil may kamurahan ang mga ito bunsod ng kompetisyon sa merkado, ang mga reklusibo o lubhang naghihikahos na lamang ang mahihinuhang walang cell phone. Pero kuwidaw, sa pagpupursigi ng mabababang-uri na makaamot sa status symbol ng mga elitista at burgis, tampulan ng biruan ang mga pulubing nagmamay-ari ng cell phone.
Filipinisasyon ng Cell Phone
Sa bisa ng modernong paghahangad na mapabilang sa panlipunang institusyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng cell phone, umalagwa ang postmodernong pagkikintal ng indibidwalismo sa pamamagitan ng personalisasyon ng mga Filipino pagdating sa sari-sariling cell phone. Dahil lehitimong aksesorya ito na kasa-kasama mula pagbabakasyon, paggamit ng banyo hanggang pagtulog, mataas na antas na pag-aalaga at pag-aari ang iniuukol para magtagal ang taning ng simbolo ng estadong ito. Kabilang sa personalisasyong binabanggit ang pagbibihis dito ng iba’t ibang uri ng housing at keypad, pagsasanggalang sa pamamagitan ng silicon o plastic o crystal casing, pagpapalit ng backlight sa tipong kulay ng ilaw, pagsusuot ng personalisadong acetate sa light crystal display, pagpapalawit ng umiilaw o nag-iingay na signal indicator o pagdidikit ng mumunting batong swarovski.
Unang Hirit: Kapitalismo
Walang ipinagkaiba sa layunin ng pag-aangkat ng cell phone mula sa mga industriyalisadong bansa ang layunin ng paglalabas din ng mga kaakibat na bagay ng cell phone: kapitalismo. Malawak na potensyal ng mga mamimili ang mga neokolonya, na kinokontrol ang kanya-kanyang ekonomiya ng patuloy na pamamayagpag ng imperyalismo ng mga Kanluraning bansa. Dahil sa neokolonisasyon, napadaloy sa mga bansang Third World gaya ng Pilipinas ang ilang moda ng modernisasyon ng mga bansang First World, halimbawa ang mobile communication. Nakatago sa balatkayong layuning paunlarin ang antas ng pamumuhay sa bansa, pagkakitaan ng pera ang totoong layunin ng produksyon at pagtatapon ng mga cell phone at aksesorya nito sa Pilipinas gayundin sa iba pang teritoryo. Habang hindi namamanglaw ang mga pangakong ginhawa ng modernisasyon, mailalako ng Kanluran ang kanyang mga produkto, mananatili ang hegemonyang imperyalista sa mga mahihirap na bansa at magkakamal ng maraming salapi sa kapitalismo ang mga mayayamang bansa.
Ikalawang Hirit: Perhuwisyo ng Modernismo sa Indibidwalismo
Dahil sa neokolonyalismo sa Pilipinas ng mga bansang pabrika ng mga cell phone, naaapektuhan ang pag-inog ng ating pansarili at pambansang identidad. Sa pamimili natin ng modernong kagamitan gaya ng cell phone, ginagatungan na nga natin ang apoy ng imperyalismong pinakamataas na antas ng kapitalismo, napapaniwala pa tayong moderno ang ating bayan samantalang malaking bahagi ng kapuluan ang agrikultural dahil hindi pa (o hindi na magiging) industriyalisado. Samantalang napapakinabangan natin ang ilang benepisyo ng cell phone gaya ng pagkakalapit-lapit ng mga malalayo at pagsisiwalat ng mga saloobin sa pamamagitan ng modernong talastasan, pinagdurusahan din natin ang mga epekto ng paggamit nito. Ilan sa mga perhuwisyong ito ang dehumanisasyon dahil sa artipisyal na pakikipagtalasatasang pumapalit sa personal o harapang pakikipagtalastasan at ang pagdepende natin sa palsong pangakong kaginhawaan dahil kapag lowbatt na ang cell phone, walang load o hindi inaabot ng network signal, hindi ito mapakikinabangan. Sa dimensiyon ng pagkakakilanlan, perhuwisyo ng modernismo ang pagsasanib sa mga nag-aari ng cell phone sa isang malaking institusyon, isang proseso na nagbibigay ng kolektibo sa halip na indibidwalistikong identidad. Sa pagkakabilang sa nakararami gamit ang tiket na pag-aari ng cell phone, nalilimitahan ang pamumukadkad ng sarili. Kung ibig maka-access ng mga kaganapan, tsismis o balita, hindi ito magagawa ng sarili lang—kailangang mapabilang sa kalipunan ng mga nagmamay-ari ng cell phone na siyang nagpapasahan ng mga impormasyong hinahangad. Sac pag-aari ng cell phone, kailangang isakripisyo ang pansariling pagkakakilanlan kung para lang hindi maging Other ng kolektibong magkaka-textmates.
Ikatlong Hirit: Perhuwisyo ng Kolonyalismo sa Pambansang Identidad
Bukod sa negatibong epekto ng modernismong pag-aari ng cell phone sa indibidwalistikong pagkakakilanlan, may negatibong epekto rin ang kolonyal na pagkakaroon nito sa pambansang identidad naman. Nagmula ang mga cell phone sa mga Kanluraning bansa—Nokia mula sa Finland, Siemens mula sa Alemanya, Motorola mula sa Amerika, Sony Ericsson mula sa Sweden at Japan—mga industriyalisadong bayang kolonyal at neokolonyal. Sa bisa ng produksyon nila at pagbebenta ng cell phone ayon sa pretext na kailangan ito ng mga bansang Third World tungo sa modernisasyon, nasasakop na muli ang Pilipinas kaya nalalagay sa balag ng alanganin ang katutubong kultura nito. Sa mga dominanteng wika lamang nasusulat ang manwal at operasyon ng cell phone mismo, kaya nai-etsapuwera ang katutubong wika dahil kailangang matutunan muna ang, halimbawa, Ingles para magamit nang walang problema ang instrumento. Kung sakali namang gawang-Tsina ang Nokia, may Filipinong wika nga rito ngunit bukod sa hindi ganap na Filipino (dahil Taglish, o pinagsamang Tagalog at English), malinaw na kapitalistikong layunin ang paggamit na ito para maibenta ang produkto sa mga Filipinong mas gamay sa sariling wika. Habang hindi napuputol ang dumedependeng kaugnayan ng Pilipinas sa mga mananakop, mananatiling kolonyal ang bansa at hindi magaganap ang imahinasyon ng sariling-sariling bayan.
Personalisasyon ng Cell Phone Bilang Postmoderno at Postkolonyal na Hamon
Ngunit sa pusod ng masalimuot na pagtatalaban ng mga negatibong epekto ng modernismo at postkolonyalismo dahil sa simpleng pagkakaroon ng cell phone, may sagot na postmoderno at postkolonyal na hamon ang mga Filipino rito, hindi man nila tuwirang malay na sumasagot nga sila. Personalisasyon ang anyo ng hamong ito: pagpapalamuti at pagkukustumbre ng cell phone ayon sa sariling panlasa. Mula sa monotono ng mga kulay at anyo ng produktong cell phone ng Kanluran, ginamit ng mga Filipino ang mga aksesoryang panakop upang ibahin ang takip ng kanilang cell phone, sabitan ng mga palawit na signal indicator o maliliit na stuffed animal, ipaloob sa silicon o plastic o crystal casing, palitan ng soft-touch na keypad, suutan ng larawang acetate ang light crystal display, palitan ng ibang kulay ng ilaw ang backlight, dikitan ng stickers o maliliit na batong swarovski at iba pang sakop ng imahinasyong malikhain ng Filipino.
Pagbabagong-Anyo
Indikasyon ng pagiging mabenta ang pagsusulputan ng mga tindahan para sa mga aksesorya sa cell phone mula sa pinakamararangyang mall hanggang sa mga istratehikong lugar-daanan ng mataong Cubao, Baclaran, Divisoria at iba pa. Dito makapipili ng mga housing na naglalarawan ng mga anghel, karakter sa cartoons, sikat na personalidad, makapigil-hiningang tanawin, mga abstrak na larawan, kung babanggitin ang ilan. Mapipili ang mga ito sa iba’t ibang kulay (may tatak o wala) at balat (velvet o plastic pa rin). Alinman ang mapili sa mga ito, papalitan ang orihinal na housing upang mabigyang bihis at, samakatuwid, bigyan ng pagkakakilanlan ang cell phone ayon sa kagustuhan ng may-ari. Kung mahilig siya sa lokal showbiz, maaaring mukha ni Kris Aquino o Judy Ann Santos ang nakabalatay sa housing dangan at isa sa mga ito ang paborito ng may-ari. Itatago o idedespatsa na ang pinalitang housing dahil mula ngayon, bago na ang hitsura ng cell phone dahil sa piniling housing.
Mabibili pa rin sa nasabing mga tindahan ang mga palawit na ikinakabit sa bandang tuktok ng cell phone. Puwedeng signal indicator ito na kapag may dumarating o ipinapadalang mensahe, pumikit-dumilat ang iba’t ibang kulay ng ilaw sa loob ng pigurang plastik. Puwede rin namang palawit ito na humuhuni kapag may parating o ipinapadalang mensahe, nagpapaalaala sa may-ari ng operasyong nagyayari sa kasalukuyan. Puwede rin naman itong palawit na munting unggoy, kalabaw, baka, manok o oso na pinalamanan ng bulak o buhangin. Kumakatawan sa pansariling panlasa ng may-ari ang mapili niyang palawit sa cell phone.
Sa mga tindahang ito rin ibinebenta ang mga silicon, plastic o crystal casing. tagusan ang tingin sa mga casing na plastic at kristal, samantalang maaaring kulay-pula, -abuhin, -berde o –bughaw ang malambot na silicon casing. Layunin ng casing na protektahang huwag makalas-kalas ang cell phone sakaling aksidenteng mabagsak ito, o kaya naman, ipreserba ang bagung-bagong hitsura ng telepono kahit panayin ang pagpindot sa keypad, o ‘di kaya, protektahan ang cell phone sa pagpasok ng dumi o ng alikabok. Sa paglapat ng casing sa nakapaloob na cellphone, ang casing na ang bagong mukha ng cell phone.
Maari ring mabili dito ang malambot na keypad pamalit sa matigas at nakangingilong metal na keypad. Dahil soft touch, maginhawang pindutin hindi gaya ng ilang keypad na nakapagpapamaga ng hinlalaki dahil matigas. Marami itong mga kulay kaya makapipili ang may-ari ng anyong babagay sa housing ng cell phone.
Sa espesyalista naman sa cell phone nagpapakabit ng larawang acetate para sa pangkaraniwang light crystal display monitor. Malinaw ang kabuuan ng acetate upang kapag nakailaw ang cell phone, makikitang larawan ng mga espesyal na tao, pook, bagay at iba pa ang nakatatak sa acetate. Plastic ito na may digital na tatak upang bigyang-buhay at -identidad ang blangkong screen ng cell phone.
Sa espeyalista rin pinapapalitan ang backlight ng iba o magkakahalong kulay ng ilaw ayon sa gusto ng may-ari. Maaaring puro bughaw o luntian ang lahat ng kulay ng backlight, o maaaring kalahati ng tumatanglaw sa keypad, kulay-kahel o –rosas, at kalahati, puti. Kahit iba-iba pa ang bawat backlight ng cell phone, kung iyon ang magbibigay-personalidad sa cell phone, magagawa ng may-ari.
Maaari ring dikitan ng stickers o mumunting swarovski crystals ang panel ng cell phone. Puwedeng punuin ng malilit na batong iba’t ibang ang kulay at kinang ang buong housing maliban sa keypad at screen, o kaya ng stickers ng mga karakter sa cartoons, mga logo, mga hayop, pangalan at iba pa. Sa pagkadikit ng swarovski at stickers, iba na sa orihinal ang hitsura ng cell phone.
Subersiyon sa Housing I: Indibidwalismo
Ganyan kamalikhain ang maraming Filipino sa personalisasyon nila sa kanya-kanyang aring cell phone. Mula sa iisa, pare-pareho at kalimitang nakababagot na kulay ng cell phone, manipis ang pagkakataong may magkakapareho ng hitsura ng cell phone, pareho man sila ng modelo. Magkapareho man ng tatak sa housing, maaaring magkaiba naman ng kulay. Nagpapahiwatig ang ganito ng pagsasari-sari ng identidad ng cell phone na sa bisa ng pagiging personal na palugit ng sarili, repleksiyon ng pagkakakilanlan ng mismong may-ari. Samantalang kolonisado lahat ng mga hindi gumawa ng pagkustumbre sa kanya-kanyang cell phone (at, samakatuwid, nabibilang sa isang kolektibong identidad ayon sa gumawa ng cell phone), nakagawa ng sariling identidad ang mga lumahok sa pagbabago ng hitsura ng kanilang cell phone. Nakaukit ng indibidwalismo ang mga ito sa harap ng dominanteng institusyon ng mga nagmamay-ari ng cell phone. Naipagdiwang ang sarili sa harap ng kolektibo.
Subersiyon sa Housing II: Postkolonyalismo
Samantala, nakatulong ang personalisasyon ng cell phone upang ipursigi ang pambansang identidad. Kung dati, dayuhan ang hitsura ng cell phone dahil sa dayuhan ang gumawa nito, pagpapalit ng hitsura ayon sa sariling kagustuhan ang babago sa dayuhang hilatsa ng cell phone. Sa pagsasari-sari ng mga identidad ng binagong mga cell phone, kinakatawan nito ang pagsasari-sari ng kulturang umiiral sa konteksto ng Pilipinas. Sa pagdiriwang ng sari-saring kulturang ito, naibabaliktad ang kulturang dayuhan sa bisa ng pag-angking sarili ng mga bagay na bunga ng pananakop (i.e. pagdaloy ng modernismo at pagkalat ng cell phone). Hindi na lubusang ari ng dayuhang mananakop ang cell phone; sa pagpapalit ng anyo nito, may Filipinisasyong tumatalab sa pamamagitan ng paglalagay ng sariling pagkakakilanlan sa orihinal na dayuhang cell phone. Dito naman, naipagdiwang ang postkolonyal na sarili sa harap ng pananakop.
Sa Wakas, Indihenisasyon
Sa indihenisasyon ng cell phone para baguhin ito at iakma sa katutubong kultura, hinahamon ang pagpipilit ng Kanluraning mga korporasyon ng kanilang produkto sa mga ekonomiyang katulad ng Pilipinas. Walang ibang tawag sa modipikasyon ng hitsura ng cell phone maliban sa pagsasalokal ng produktong itong inilalako ng globalisasyon. Kahit na malugod na niyakap ng mga Filipino ang pagsulpot ng cell phone sa kapuluan, sinubok at napagtagumpayan nilang gawing katutubo ang epekto nito, i.e. gawing personal ang cell phone. Kahit na may mapag-isang epekto ang globalisasyon, naglaan ang personalisasyon sa katutubong kultura ng pagkakataong bigyang kahulugan ang sarili at protektahan ang kultura kung paanong binigyang identidad ng pansariling housing at prinotektahan ng casing ang inangking sariling cell phone. Tulad ng nangyari sa panakop sanang wikang Ingles kung saan naianak ang uring Philippine English, ginamit ng mga dayuhan ang cell phone para sakupin ang ating kultura ngunit sa personalisasyong itinaguyod ng mga may-ari ng cell phone, nabaliktad ang sitwasyon dahil nasakop ng mga may-ari ng cell phone ang dayuhang produkto. Binago ang cell phone sa paraang nakikitang akma sa kaligiran ng bansa at maginhawa sa mga nagmamay-ari ng cell phone. Lumikha ng pansarili at pambansang identidad ang mga may-ari ng cell phone upang tuligsain, sa paraang postmoderno at postkolonyal, ang doble-karang modernismo at kolonyalismo. Sa proseso ng personalisasyon ng cell phone, napagtagumpayan ng mga Filipino ang layunin ng mga dayuhang manakop dahil naisiwalat pa rin nila ang kanilang mga sarili.
***
[1]Smith, Monelle. “Other Voices: Cell Phones are New Status Symbol.” Nasa SeattlePI.com sa http://seattlepi.nwsource.com/local/261549_vessay03.html.
[2]Uy-Tioco, Cecilia Alessandra S. “The Cell Phone and Edsa 2: The Role of a Communication Technology in Ousting a President.” Nasa
http://72.14.235.104/search?q=cache:LkGzTFf6Y8QJ:beard.dialnsa.edu/~treis/pdf/The%2520Cell%2520Phone%2520and%2520Edsa%25202.pdf+cell+phone%2Bedsa+2%2Bestrada&hl=en&ct=clnk&cd=1&ie=UTF-8.
[3]“Modernism.” Nasa Wikipedia sa
http://en.wikipedia.org/wiki/Modernism.
[4]“Capitalism.” Nasa Wikipedia sa http://en.wikipedia.org/wiki/Capitalism.
“A Short Critique on Colonialism and Imperialism.” Nasa Almenos.com sa
http://almenos.com/politics.php?subaction=showfull&id=1165425339&archive=&start_from=&ucat=17&.
[6]Ibid.
[7] Dehumanization.” Nasa Wikipedia sa http://en.wikipedia.org/wiki/Dehumanization.
[8] “Mobile Phone.” Nasa Wikipedia na matatagpuan sa http://en.wikipedia.org/wiki/Mobile_phone.
[9]“Individualism.” Nasa Indibidwalismo sa http://en.wikipedia.org/wiki/Individualism.
[10]“Postcolonialism.” Nasa Wikipedia sa http://en.wikipedia.org/wiki/Post-colonialism.
[11]"Indigenization.” Nasa Wikipedia sa
http://en.wikipedia.org/wiki/Indigenization.
No comments:
Post a Comment