the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Thursday, May 17, 2007

bangungot: ang palsong american dream sa dulang "sa ngalan ng anak"


Sa pagtatanghal ng Dulaang Unibersidad ng Pilipinas ng Sa Ngalan ng Anak, bersiyon sa Filipino ng All My Sons ni Arthur Miller sa salin ni Jerry Respeto at direksiyon ni Amiel Leonarda, ipinakita kung paanong nakasasama sa tao ang pagpupursigi ng American Dream.
Pagpuna sa American Dream ang Sa Ngalan ng Anak. Arketipo si Joe Keller ng isang Amerikanong nabuhay sa panahon ng Depression at kahit hindi siya nakapag-aral, nakapagbangon siya ng isang pabrika na isinasaalang-alang niyang mamanahin ng kanyang anak. Magkagayunman, naging sanhi ng paghahangad sa pera ni Keller ang responsibilidad sa kamatayan ng dalawampu’t isang pilotong Amerikano nakikidigma sa ngalan ng bayang Amerika.
Mistulang nagkaroon ng kaganapan sa buhay ni Keller ang American Dream—namumuhay siya ngayon sa isang maginhawang tahanan kahit wala siyang edukasyon. Balewala naman ang katuparan ng American Dream na ito sa mukha ng mga buhay na nasakripisyo dahil hindi inintindi ni Keller ang ibubunga ng kanyang mga kilos. Maituturing na walang saysay ang materyal na kaginhawaang pinagsumikapan ni Keller para sa lalong ikabubuti ng kanyang pamilya—may dinaramdam ang kanyang asawang si Kate, hindi kontento ang anak na si Chris at nagpakamatay ang anak na si Larry dahil sa makitid at kagagalit-galit na desisyon ng ama. Sa isang sulat ni Larry para sa kasintahang si Ann, naging malinaw kay Keller na hindi lamang isang anak ang pinatay niya kundi lahat ng kanyang anak. Samakatuwid, mas mukhang bangungot para kay Keller ang kanyang American Dream.
Naging ganito ang resulta ng American Dream ni Keller dahil sa pagtatagisan ng responsibilidad sa kanyang sarili: ang responsibilidad niyang suportahan ang kanyang pamilya laban sa responsibilidad sa mas malawak na lipunan. Naniniwala siyang mapangangatwiranan niya ang pagpapadala ng mga makinang may lamat dahil aani ito ng pera para sa pamilya at mamanahin ni Chris ang ganitong kalakal ng pamilya. Pinangangatwiranan niyang mas malaki ang obligasyon niya sa pamilya kaysa sa lipunan dahil wala nang mas mahalaga pa sa pamilya—isang makitid na pagtingin sa mundo. Kaya nga nasabi ni Keller na lahat ng namatay na Amerikanong sundalo ay mga anak niya dahil sa totoo lang, mas malawak ang responsibilidad niya sa lipunang kinabibilangan niya. Huli na ang lahat, dahil mas minahalaga ni Keller ang pagtupad ng kanyang American Dream kaysa mga buhay na naibuwis sa proseso ng katuparang ito.
Napuna kong maiuugnay ang tema ng dula sa kasalukuyang giyera ng Amerika laban sa terorismo. Pagkita ng pera mula sa digmaan ang masasabing nakapailalim na dahilan ng Pangulo ng Amerika sa mga nagdaang giyera sa Afghanistan at Iraq . Kung mapaparalisa nga naman ang kalakalan ng langis sa Gitnang Silangan, maisusulong ni US President George Bush ang interes ng kanyang sariling negosyo sa langis bukod pa sa pagkita ng bansa niya sa mga armas at iba pang kagamitang pandigma. Isa siyang walang-pusong Joe Keller na humahamig ng salapi habang maraming buhay, ari-arian, kalakalan at sistemang panlipunan ang naibubuwis. American Dream umano ang pandaigdigang kapayapaan, ngunit kung pagkamakasarili at materyalismo ang namamayani sa pagsasagawa ng giyera, tanging bangungot ang pangarap na ito.

No comments:

Post a Comment