the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Friday, June 01, 2007

lakbay-diwa: ang salik ng kagila-gilalas sa "sayaw sa apoy"


Usung-uso ngayon ang pagsasalin sa pormang pantelebisyon ng mga nobelang isinerye sa mga magasin at komiks. Sa kasalukuyan, palabas sa ABS-CBN Channel 2 ang Hiram na Mukha na sinulat ni Pablo S. Gomez at Pedro Penduko ni Francisco Coching. Kasunod ng pagtatapos ng Captain Barbell at Bakekang, ipapalabas sa GMA Channel 7 ang Impostora. Dalawang magkatambis na bagay ang mahihinuha sa penomenang ito: sa isang banda, nauubusan na ng orihinal na kaisipan ang mga manunulat pantelebisyon kaya nagre-recycle na lamang sila ng mga istorya ngunit sa kabilang banda, nagtitiwala ang mga prodyuser sa telebisyon na tatangkilikin ng madlang manonood ang dating minahal na mga kuwento sa mga pahina ng komiks at magasin.
Sumasabay ang pantelebisyong pagbuhay sa mga serye sa pagsisikap nina Komiks King Carlo Caparas at ng pamahalaang buhayin ang naghihingalong industriya ng komiks. Nataon pang tagumpay ang pagsasalin sa teatro at pelikula ng grapikong nobelang Ang Mga Kagila-Gilalas na Pakikipagsapalaran ni Zsa Zsa Zaturnnah ni Carlo Vergara, kaya nga kaabang-abang ang mga susunod na kaganapang may kaugnayan sa mga serye dahil makikita kung maibabalik sa komiks ang luwalhati ng tungkuling palaganapin ang kulturang popular at wikang Filipino. Naungusan na kasi ng Internet, manga, anime at cartoons ang komiks bilang midyum ng pagpapakalat ng kulturang popular, at sa pagmamando ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na gamitin ang Ingles lamang bilang midyum ng pagtuturo sa paaralan, saang kangkungan pupulutin ang mga magasing nasusulat sa Filipino kung mas papaborang ipakonsumo sa madla ang nasusulat sa Ingles?
Sa gitna ng ganitong kaligiran sumapit ang seryeng nobelang Sayaw sa Apoy sa panulat ni Lualhati Bautista. Nalatahala sa magasing Liwayway mula Hulyo 1, 1991 hanggang Setyembre 1992, animnapu’t walong yugto ang pagkakahati ng nobelang patungkol sa misteryosong pagkatao ng asawa ni Susan, ang psychic specialist na si Dr. Ramiro Abella. Nakasanayan na ng mga mambabasa ang pagkukuwento ni Bautista ng mga nobelang sosyo-pulitikal gaya ng Dekada ’70 at ng ‘Gapo, subalit may nabanggit mang ganoong tema sa Sayaw sa Apoy, minoryang isyu lamang ito kumpara sa mystery-thriller na namayani sa buong nobela.
Matagal na ang relasyong Bautista-Liwayway dahil bata pa ang premyadong manunulat, nagbabasa na siya ng Liwayway kung saan humulma siya ng unang modelo ng pagsusulat sa mga mahuhusay na manunulat ng pinakamatanda at pinakakalat na lingguhang lathalain sa bansa sa kasalukuyan. Sa paghanga niya sa wika ng mga ito at sa kakayanan nilang magkuwento nang epektibo, napangasawa niya ang isa sa mga ito. Noong ngang kalagitnaan ng 1991 hanggang Setyembre ng sumunod na taon, bumulaga sa madlang mambabasa ang kakaibang kuwentong niyang may impluwensiya man din ng magic realism.
Maaaring ikunsidera si Bautista bilang social realist o feminist sa bisa ng mga ‘di-malilimutang kuwentong Bulaklak ng City Jail; Bata, Bata, Paano Ka Ginawa?; Tatlong Kuwento ng Buhay ni Juan Candelabra at iba pa, ngunit kumpletong pagliko sa mga popular niyang akda ang mga elementong mahimala na nakahabi sa pang-araw-araw na pamumuhay na mababasa sa Sayaw sa Apoy. Masasabing pag-eksperimento ito ni Bautista sa namamayagpag pa ring la maravelloso real ng mga Latinong sina Gabriel Garcia Marquez, Jorge Luis Borges, Isabel Allende at Mario Vargas Llosa. Bakit hindi, kung mamimina ni Bautista ang karanasang Filipino na mayaman sa mga pangyayaring kagila-gilalas dahil sa katutubong klima at kultura? Hindi man angking sarili ni Bautista ang larangang ito, nagpakita naman siya ng karakteristikong kahusayan sa pagkukuwento bukod sa respetadong pananaliksik upang iakma sa kalagayan ng kuwento ang misteryong bumabalot kay Dr. Ramiro.
Sa inisyal pa lang na pagkatagpo ni Susan kay Dr. Abella, nagkainteres na agad ang babae rito dahil sa inaakalang interes din sa kanya bunsod ng pagkakayakag patungo sa entabladong pinaglelektyuran ng “Inner Mind.” Sa isang babaeng insecure na kagaya ni Susan, ideyal ang mala-Tatay na aura ng espesyalista. Idagdag pa na eksentriko ang pintor na kasintahan ng dalaga kaya hindi niya naiwasang sumayaw sa apoy o sa madaling sabi, pagtutulak sa sarili sa kapahamakan.
Dahil sa mga pangyayaring hindi madaling maipaliwanag gaya ng pagkaalam ni Dr. Abella o Ram sa panaginip ni Susan, lalong nababato-balani ang dalaga sa guwapong biyudo. Sa pakikipagkalas niya sa madalas nang makaaway na si Ryan, nakalimot si Susan at nabuntis ni Ram. Bago pa man sila naging mag-asawa ni Ram hanggang sa magpakasal na sila, lalong lumalalim ang hiwagang kaakibat ng lalaki.
Nakakalat sa serye na parang pangkaraniwang pangyayari lamang ang mga elemento ng kamangha-mangha: tamang pagbabasa ng isip, paniniwala sa mga supernatural, out-of-body experience, bukod pa sa iba. Sa mga unang yugto pa lamang, makikitang hinuhulaan ni Dr. Abella nang wasto ang lahat ng numero, kulay at pangalang isaisip ng dalaga. Bukod dito, hindi miminsang ipinakitang may supernatural na kapangyarihan si Ram lalo na sa pagkamatay ng nakagalit na biyenang lalaki, sa pagkamatay ni Eugen, o sa biglang paglakas ng hangin at pagkamatay ng ilaw. Ilang beses ding nagkaeksena ang Doktor na naglalakbay ang kaluluwa sa labas ng katawan, o ang tinatawag na astral travel. Oo at mahirap paniwalaang nangyayari sa tunay na buhay ang mga kaganapang ito, ngunit isang lehitimong pulitika ang magic realism para hamunin ang modernismo at kolonyalismong ipinapalaganap ng Kanluran. Hindi dahil labas sa siyentipikong pagpapaliwanag ang mga kagila-gilalas na elemento sa nobela, hindi na ito maaaring mangyari. Kanluran lamang ang nagtakdang gamitin ang agham bilang lehitimong sukatan ng katotohanan. Sa mga premoderno at ‘di-modernong mga bayan gaya ng Pilipinas, may mga pangyayaring hindi malubos-maipaliwanag ng siyensiya: babaeng nanganak ng pugita, manananggal na bumibiktima ng mga sanggol sa sinapupunan, o, sa kaso ng serye, ang pagbabasa at pagkontrol ni Ram sa isip ng asawa at ibang tao. Sa mga ganitong lugar pa rin sa labas ng modernong Kanluran nagmumula ang magic realism kung para lang tanggaping lehitimo ang karanasan ng sinasakop na Other kung paanong lehitimo ang karanasan ng mananakop. Samakatuwid, kung gumagaling man sa pamamagitan ng faith healing o albularyo ang hindi magamot ng medisinang Kanluranin, hindi dapat balewalain ng Kanluran ito dahil lamang kolonya ang pinanggalingan ng faith healer o albularyo. Postkolonyal ang magic realism sa bisa ng pagtalakay sa halu-halong mga pagkakakilanlan, halimbawa na si Dr. Abella at ang kanyang kaalaman: hindi siya gradwadong doktor ngunit espesyalista naman siya kaya doctor pa rin at milagroso man ang pinaggagagawa niya, pinangangatwiranan ng agham ang presensya ng ganitong mga kaganapan.
Kung huhubaran sa mahika ang serye at babasahin ito sa isang sosyal na pananaw, labanan sa kapangyarihan ang puno’t dulo ng lahat. Makalalaking identidad ang kinikilala at tinatanggap sa loob ng teksto, at pinakalitaw na rito ang kapangyarihan ni Ram na bumasa at kumontrol ng isip, kapangyarihang pumatay nang gamit lamang ang isip, at kapangyarihang sakupin ang asawa mula sa katawan nito hanggang sa damdamin at isipan. Samantalang tinutuklas pa lamang ni Susan ang kanyang sariling kapangyarihang kaugnay ng isip, hindi ito ang tradisyunal na papel ng arketipal na babae sa lipunan: sapat na sa kanya ang magbuntis at maging asawa. Ang nakapailalim na tagisan ng kapangyarihan sa pagitan ng mag-asawa ang dahilan kung bakit may pagtatatwa, panlalamig sa pakikitungo at balak na masama si Ram kay Susan. Sa huli, si Susan sa halip na baril ni Ryan ang nakapatay kay Ram, kaya nga kumakatawan ang eksenang pagkakapatay ni Susan kay Ramiro ng pagkatalo ng kapangyarihang lalaki laban sa kapangyarihang babae. Dito pumasok ang isa sa mga pulitika ni Bautista, ang pemenismo. Pinagtagumpay niya ang babae upang makilala nito ang sarili niyang kakayanan at pinatay ang lalaki upang sirain na ang panlipunang konstruksyon na lalaki ang mas nakalalamang na kasarian dahil mapalalaki o mapababae, may utak na maaaring gamitin sa diskarte, may lakas para gawin ito at may damdamin para maramdaman ang kahalagahan ng kalalabasan ng diskarte.
Naitala na rin noon pa ang minoryang isyu ng diaspora sapagkat may balak na umalis ang dating kasintahan ni Susan patungong Canada upang iwan na ang Maynilang walang kaunlarang maialok sa kanya. Masasalamin dito na pandarayuhan ang pinakamainam na sagot upang umasensong pang-ekonomiya. Sa pagtanggi niyang sumama sa bagong kasintahan sa Japan alang-alang sa delikadong buhay ni Susan, kinakatawan ni Ryan ang mga Filipinong handang magsakripisyo ng ambisyon at materyal na kaginhawaan kung para lang sa minamahal.
Dahil napanatili ni Bautista ang kanyang husay sa pagkukuwento kahit pa sa hindi niya gamay na larangan gaya, mairerekomendang basahin ang Sayaw sa Apoy na muling patunay ng kayang talento sa pagsusulat. Iminumungkahi rin na matuto sa pakikipaglaro sa kapahamakan dahil hindi nagbubunga ng maganda ang padalus-dalos na hatol, ang hindi lubusang pagkilala sa mga tao sa paligid at ang pagpasok sa mga masalimuot na kalagayan. Isang yaman ang mabasa ang kapana-panabik na seryeng Sayaw sa Apoy.

1 comment: