Kapuna-puna sa mga dulang New Yorker in Tondo ni Marcelino Agana, Jr. at The Commonwealth of Virginia ni Jose Bernard Capino ang isyu ng pagkakakilanlan sa gitna ng mga nagtatalabang salik ng katutubong bayan at banyagang bansa pati na ng kolonyalismo at postkolonyalismo.
Sa Tondo, nangibang-bansa ang pangunahing tauhang si Kikay para mag-aral ng kurso sa pagpapaganda sa New York. Sa isang taong pamamalagi niya roon, nabighani siya sa gawi, pamumuhay at kapaligiran ng New York, kaya nga ‘di kalaunan, nasakop na siya ng lahat ng mga bagay na nauugnay sa New York. Halimbawa si Kikay ng marmaing Filipinong pansamantalang nakakalimutan ang kanilang lupang tinubuan para sa mas kakaya-ayang kapaligiran. Pinalitan niya ang kanyang pangalan ng Francesca para umayon sa bago niyang pagkakakilanlan.
Humuhulas ang katutubong pagkakakilanlan kung may kolonisasyon, at ganito ang nangyari kay Kikay. Sa mas malaking larawan, lumabo rin ang ating Pagka-katutubo noong masakop tayo ng Espanya at Amerikano. Samantalang malaya na tayong bansa ngayon, hindi pa rin malubos ang ating pagka-Filipino sapagkat kahit ariin na ng ating post-kolonyalismo ang mga kulturang hiniram natin, ipinagpapalit natin ang angkin nating kultura dahil sa kolonyal na mentalidad. Halinmbawa, may sarili tayong wika ngunit patuloy tayo sa paggamit ng wikang Ingles dahil may kakabit na elitismo ang paggamit nito samantalang bakyang-bakya sa ideyolohikal na perspektibo kapag nagsasalita ng Filipino. Sinasalamin ng dula ang katangian nating ito sa pamamagitan ni Kikay na naging Francesca na makulit na nakikipag-usap sa wikang Ingles sa nagta-Tagalog na mga kababata, na buong kapangahasang inamin na patay na si Kikay dahil ang New Yorker nang si Francesca ang kaulayaw nila, na wala na siyang nararamdamang ni katiting na pag-aalaala para sa mga bagay sa Tondo dahil naiwanan niya ang kanyang sarili sa New York.
Sa Virginia naman, sinisikap ng pangunahing tauhang si Mother na sagupain ang ganitong paghulas ng katutubong pagkakakilanlan sa pamamagitan ng pag-aampon sa limang baklang Filipino sa apartment niyang matatagpuan sa isang estadong marahas sa katulad nilang may alternatibong kasarian, sa Virginia. Sa pagbubuo ng maliit na pamayanan ng mga Filipino, pinipilit na manatili ang katutubong kultura sa pag-iral ng kulturang dayuhang dinatnan nila sa bansang kasalukuyang tinitirahan. Kahit umaatake pa rin ang pagkakanya-kanya sa kanila na katangiang rehiyunalistiko ng mga Filipino, sentro si Mother ng pagsubok na pag-isahin ang pagkakaiba-iba nilang anim na mga bakla, walang pakialam kung nasabotahe ang kanilang nakaraan ng pagtataksilan, gamitan, nakawan pati na paggaya ng pangkasal na kasuotan.
Mahirap nang ibalik ang pagiging katutubo kung naging kolonya na ng ibang kultura kaya nga sa pag-alpas sa kolonisasyon, ang pagtatalik ng katutubo at kolonyal na kultura ang simula ng pagkakaroon ng post-kolonyal na identidad. Sa Tondo at Virginia, walang makakapigil sa patuloy na pag-usbong ng bayan sa loob sarili kahit anong klaseng pag-iwan pa ang gawin dito at sa pananatili ng pagkakakilanlan anumang kolonyal na kulturang kumulapol sa katawan.
No comments:
Post a Comment