the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Monday, May 21, 2007

reyalismong panlipunan sa "hindi ka naman talagang akin"


Maraming katangiang reyalista sa seryeng "Hindi Ka Naman Talagang Akin" ayon sa hinagap ng kuwentistang si Virgilio Blones.
May bahid ng katotohanan ang mga pagsusuring panlipunan ng sosyolohistang si Mr. Ocampo. Kung tutuusin, mikrokosmo ng mas malawak na lipunan ang napagmasdan niyang uso sa Tondo noong mga panahong iyon: ang kahirapang nagdudulot ng desperasyon sa mga nakararanas nito at ang katambis na karangyaang nagdudulot naman ng kahungkagan sa pinakamalalim nitong kahulugan. Sa kaunting mapagpipilian, maraming lalaki ang gumagawa ng krimen at maraming babaeng nagbebenta ng kanilang mga katawan upang makaraos sa araw-araw na pamumuhay sa karalitaan. Hindi biro ang isugal ang sarili para magkaroon ng laman ang iyan, pero kung wala namang ipinag-iba ang pagnanakaw o pagpuputa sa pagbebenta ng kaluluwa bilang obrero sa mga ganid na kapitalista, hindi na malaking isyu ang dignidad para sa mga desperadong mabuhay. Napakabalasik namang totoo ng mga kaakibat na pahirap ng kahirapan gaya ng komodipikasyon dahil kung sikmura na ang kumakalam, hindi mangingimi ang mga babaeng gawing puhunan ang kanilang katawan. Ayon mismo kay Mr. Ocampo, “wala pang mens, may iba nang prostitute” dahil maagang nakararanas ng kahirapan kaya maaga ring nabubulid sa pagpuputa.
Samantala, hindi rin kakaunti ang kaso ng mayayamang nakapagtatapon ng pera para sa bawal na gamot at nagkakaroon ng obsesyon sa pakikipagtalik dangan at walang ibang mapaglilibangan. Kung ihahambing ang kasong ito sa nabanggit sa naunang talata, makikitang pangkaraniwang denominator ang pera: desperado sa salapi ang una, nagwawaldas naman ang ikalawa. Samakatuwid, may demokrasya pa ring nakapangyayari sa pamamagitan ng pera: nagbibigay ito ng suliranin sa lahat nang walang pagkilala sa iba't ibang uring panlipunan. Sa kabila ng pagkakaparehong ito sa magkaibang uri, matindi pa rin ang elitismo kahit sa uri ng paglilibangan: kung mahirap ang pumupunta sa club, imoral ang mga ito samantalang ang mayayaman, hindi. “[Kapag] mahihirap ang gumagawa, immoral; pag mayayaman, hindi. Ganyan katagibang ang lipunan…” ayon nga sa sosyolohista. Demokratiko man ang pangangailangan nilang lumigaya, mas may bentaheng panlipunan kung masalapi.
Umiral ang suliraning ito sa kabanata ng pag-akay ni Mr. Ocampo kina Mr. Llanes at Prof. Santiano sa isang nightclub. May wawaldasing pera ang mga guro sa pamantasan, samantalang may mga putang ihahatag muna ang kanilang sarili upang makaamot sila ng wawaldasing pera.
Nabanggit na rin lang ang mga babaeng puta, mapapansing ni walang matinong babaeng inilarawan sa serye, mula sa lesbiyanang si Jennifer hanggang sa dalagitang putang si Marlene. Sa paunang pagmamasid, nagpapakita ito ng paraan kung paanong sa produksyong panlipunan gaya ng teksto, lumilitaw ang patriyarkal na pag-aalipusta sa mga babaeng hindi umaayon sa mahigpit na paghuhubog ng makalalaking lipunan.
Sa pagyayaya nga ni Mr. Ocampo sa kapwa guro, may pag-aalinlangan ang dalawa sa pagpasok sa night club. Bukod sa hindi naman umiiinom si Prof. Santiano, itinuturing na masasamang babae ang nandoroon base sa patriyarkal na ideyolohiyang nagturo sa kanilang mga lalaki. Walang babaeng makikipagtalik nang “no emotions involved” pero ang mga nandoroon sa “aliwang panggabi,” magagawa nila dahil binabayaran sila sa aliw na kanilang hatid gaya ng mga alak na iniaalok sa parehong puntahan. Matindi pa nito, komento rin sa teksto na “hanggang sex lang” ang mga puta para sa “may sikmura[ng] makipag-sex sa isang prosti.” Nakasisira sa imahen ng mga babae ang ganitong komodipikasyon at obdyektipikasyon sa kanila, ngunit kailangang turingang hindi magaganyak ang ganitong mga kalagayan kung walang partisipasyon ang mga lalaki, na siyang bumibili at naglalaro at naglilibang sa kanila. Kung ibabalik sa mga babae ang sisi kung paanong naging ganoon sila kung hindi rin nila ginusto, nauulit-ulit ang pananamantala sa mga babaeng hindi magkaroon ng puwang sa lipunan maliban kung mapabilang sa limitadong madonna/whore binary. Kaya nga sa panghuling kahatulan ni Mr. Llanes laban sa mga masasamang babaeng ito, “pagkatapos na sabihin [ni Ocampo na] aliwan lang ang mga babae roon, [ayaw niya] na rin…[dahil ] marami namang ibang mapaglilibangan.”
Isa si Marlene, ang natokang umupo para lambingin si Prof. Santiano, sa mga mapaglilibangang ito. Labing-anim na taong gulang lamang, napagsamantalahan na ito ng kahirapan kaya hindi nakapag-aral kahit gusto dahil valedictorian noong elementarya. Kasama na siya sa “mga pinaglalaruan, pinaglilibangan” kaya inaasahan nang “hindi [m]agkakaasawa nang matino; igagarahe at muling iiwan.” Nakaramdam ng awa si Prof. Santiano para rito, kaya nga binalikan pa niya, ngunit nang mapagtantong masama rin itong babae—walang bra, magaslaw ang galaw at bulgar sa pananalita—gaya ng iba, nawala ang pag-aalaala niya rito, nagmamadaling umalis at “hindi na...babalik doon kahit kailan.” Nakakaasiwa nga naman ang isang Lolitang magaspang ang kilos at pananalitang “obscene, malaswa dahil sa bibig ng bata nanggagaling...” kaya tulad ng mga babae sa madonna/whore binary, hindi sineseryoso, nilalayuan at pinandidirihan. Ibinuod na ni Mr. Ocampo ang hatol ng patriyarkal na mundo sa mababangis na babae: hindi dapat “seryosohin at kalokohan; sila’y mga libangan lamang” dahil kapag maugnay sa mga ito, “maaaring gumulo pa ang buhay;” samakatuwid, “...a very dangerous thing to a man” ang mga katulad ni Marlene.
Halos walang ipinagkaiba sa kasamaan ng imahen ng mapagbalatkayong si Marlene ang isa pang social outcast na si Linda, ang sekretaryang nakaugnayang homoseksuwal ng asawa ni Prof. Santiano. Tatanga-tanga sa paggamit ng seatbelt dahil unang karanasan niya ang pagsakay sa eroplano, umaasa si Linda kay Jennifer sa maraming bagay. Gusto rin naman ng lesbiyanang si Jennifer ng ganito: bukod sa umaasa ito sa kanya ng ikabubuhay sa pagsesekretarya, umaasa rin ito sa kaligayahang maibibigay. Ilang oras bago mabuko ang relasyong homoseksuwal nila ni Jennifer, nadala ito sa malaking tahanan ng mga Santiano kung saan naibulalas niyang, “sarap lang ng mayaman…para kang nasa paraiso.” Nagamit ni Linda ang kanyang alindog upang matawid ang eletistang uri ni Jennifer. Dahil natawid na ni Linda ang diperensya ng kanilang uri, nakakapasok na si Linda sa opisina ni Jennifer kahit hindi tinatawag. Nang komprontahin ni Linda si Prof. Santiano upang ihingi ng tawad ang pagkahuli sa kanila sa akto ng pagtatalik, iniaalok ni Linda ang sarili rito dangan at tinanggihan. Sa pakikipagrelasyon niya sa tomboy, nag-eksperimento na rin si Linda ng kanyang pagkaabnormal at sa pagsubok ihatag ang sarili kay Prof. Santiano, dalawang beses na siyang nakaalpas sa palugit ng patriyarkal na lipunan.
Pinakamalaking hamon sa patriyarkal na ideyolohiya si Jennifer, ang asawa ni Prof. Santiano. Diumano, dating lesbiyana si Jennifer hanggang mapigil ang damdaming-lalaki nito nang mapangasawa ang propesor. Ngunit hindi ganoon kadali ang pigilan ang homoseksuwalidad dahil hindi nagagamot ng pakikipagtalik sa lalaki ang lesbiyanismo. Hindi naman ito sakit samantalang abnormalidad daw ito sa lipunan. Kaya nga kinailangan pang sanayin ni Jennifer ang sarili sa pamumuhay nang doble-kara, at mas madali para sa kanya ang magladlad habang malayo sa pamilya, gaya nang magkasama sila ni Linda sa Dumaguete at sa pamamagitan ng homoerotikong paglalarawan, nabulid ang dalawa sa ugnayang lesbiyana. Pagbalik sa Maynila, balik na naman sa pagtatago si Jennifer, lalo na noong sunduin siya sa paliparan ng asawa. “Hindi man lang tiningnan [ni Jennifer] si Linda sa pangambang baka tumingin iyon nang makahulugan at magkaroon ng ibang isipin si Professor Santino.” Maingat siyang huwag matuklasan ang pag-iral muli ng kanyang pusong lalaki, sapagkat pambabae ang inaasahang papel na kanyang ginagampanan. Malayo sa mata ng publiko, makababalik siya sa astang-lalaki, lalo na sa lalaking papel niya sa pakikipagtalik kay Linda, na lubos na nagpapasiya sa sekretarya.
Gaya ng lipunan sa kabuuan, malabo para kay Linda kung paanong kahit “ang pogi ng mister…, husto pa sa taas, masigla,” sa babae pa rin naghahanap ng kaligayahan ni Jennifer. Taliwas ito sa itinakdang heteroseksuwalidad ng lipunan, ngunit hindi naman kasi sakit ang homoseksuwalidad para gamutin. Basikong pantaong karanasan ang pagnanasa, at hindi ito kumikilala ng kasarian kaya nga “enjoy…sa isang babae” si Jennifer at pati si Linda mismo, “hinahanap-hanap…na iyon…parang laging gusto…” Magkagayunman, dahil sa impluwensiya ng patriyarka, “iba pa rin ang lalaki talaga” para kay Linda. Sa kaso naman ni Jennifer, nasisiyahan man siya dati sa asawa, nang dumating si Linda, nagbalik din ang damdamin nito sa babae. Sa pagkumparang ito sa kakayanang seksuwal ng lesbiyana at heteroseksuwal na lalaki, naalarma si Jennifer dahil nasiyahan man si Linda sa kanya gaya ng “iba pang naging bata,” baka gaya nila ay iwan din siya nito dahil sa dikta ng lipunang magpakababae sila ayon sa diskursong heteroseksuwal, na mismong si Jennifer ay hindi naiwasan nang magpakasal kay Prof. Santiano.
Inaasahang panlipunang pagtatatwa ang nangyari nang mahuli sa aktong nagtatalik sina Jennifer at Linda ni Prof. Santiano. Hindi katanggap-tanggap para sa lalaki ang insultong ipagpalit ng asawa at sa babae pa. Hindi man naging pisikal na marahas si Prof. Santiano, napasakitan nito nang todo si Jennifer nang humiwalay ng kuwarto dahil nandidiri sa asawang “napunta na naman sa iba, sa babae uli,” lumamig ang pakikitungo, nagplanong magpunta sa States para iwanan siya, tuluyang naging “dayuhan sa isa’t isa.” Hindi rin inakala ni Jennifer “na maari pang maghasik ang [kanyang] pusong lalaki…”, gayundin si Prof. Santiano na akalang napagaling na ang asawa sa pagkatomboy. Subalit gaya nga ng nasabi na, hindi sakit na napagagaling ang homoseksuwalidad kundi isang paglikong panlipunan na ayaw tanggaping mangyayari ilan mang miyembro ng kabilang kasarian ang katalikin at anumang pagpipigil ang gawin. Laging inaakala ng patriyarka na kaya nitong puksain ang homoseksuwalidad, gaya ng gusto na sanang aminin ni Jennifer sa ama ang damdaming-lalaki minsang nagkasalu-salo sa agahan, ngunit minanipula ni Prof. Santiano ang takbo ng talakayan hanggang mawalan ng pagkakataon si Jennifer. Ganito rin ang nangyari nang sumbatan ng lalaki ang tomboy na asawa, na kesyo siyang lalaki, nakapagpigil sa sarili, siya “pa kayang hindi totoong lalaki?” ipinapahiwatig nito na dapat sundin ni Jennifer ang dikta ng lipunang “mamuhay ng tahimik, [maging] isang mabuting ina at asawa” kaya hindi dapat hinayaang malayang bumalik ang pagkatomboy, isang kabaluktutang walang puwang sa lipunang hinuhubog ng mga lalaki.
Hindi lamang iyon ang halimbawa ng represyong ginawa ni Prof. Santiano ayon sa katuruan ng makalalaking ideyolohiya. Nang makita ang anak na naka-T-shirt at pantalon, binihisan niyang muli ito dahil nag-aalalang magaya ang anak sa tomboy na asawa. Paliwanag sa anak, “I don’t want to see you in a pair of pants. I want you to grow like a real woman, a very beautiful woman…” Lumabis pa ito nang utusan ang katulong na “[l]ahat ng pants ay sunugin…sunugin!” Hindi naiisip ng propesor na hindi lang sa panlalaking damit nahuhubog ang lesbiyanismo bagkus ay sa damdamin, kaisipan at panlasa. Ang mahalaga sa kanya, agapan ang maaaring kontaminasyon ng asawa.
Kontrobersyal na isyu ang lesbiyanismo na nasa puso ng teksto dahil nakagugulantang sa lipunang makalalaki ang seksuwal na ugnayang babae sa babae. Hindi birong pakikibaka ang ginagawa ng mga kilusang pemenista upang alisin ang pagiging ilehitimo sa lipunan ng sangang ito ng kilusan. Sa pagpaparaya sa huli ni Prof. Santiano sa asawa, eskapista ang gagawin nitong paglipad pa-Amerika makaraang mamatay ang anak para rin malayang magawa ni Jennifer “ang lahat ng gusto ng [kanyang] pusong lalaki.” Hindi nagtagumpay ang patriyarkal na pagdikta nito sa dapat gawin ng asawa. Sa kabilang banda, kusang nagpapasailalim sa gusto ng lalaki ang tomboy dahil ito na nga lang ang katuwang niya sa buhay bukod sa ang gaya niyang “hindi makapagpigil [sa kabaluktutan] ay napupunta sa kapahamakan,…sa mga gawaing kinokondena ng lipunan…” Sa kompromisong pinasok ng mag-asawa, nagkapatawaran at nagkabalikan sila upang iwasan ang isa pang inaayawang panlipunan, ang hiwalayan.
Kung para sa mga reyalistang kalagayang inilarawan ni Blones, iminumungkahing basahin ang serye sapagkat wasto ang paglalarawang ito sa mga nagyayari sa lipunan. Patunay ang mga reyalistang teksto ng panitikan bilang isang tala ng kasaysayan ng kulturang pinagmulan nito. Higit pa rito, sa mga kahinaang nakita sa teksto sa anyo ng elitismo, homophobia at patriyarka, iminumungkahi sa mga mambabasa na matutunang hindi mabunga ang pag-iral ng mga kabulukang ito kaya dapat na ituwid at iwaksi upang umusbong sa halip ang katarungang panlipunan. Lalo sa lahat, rekomendado ang “Hindi Ka Naman Talagang Akin” dahil sa mga karasanang pantaong dapat pangibabawan ang mga konstruksyong panlipunan; ilan sa mga katangiang ito ang pakikisama, pagpapatawaran, at pagmamahalan.

No comments:

Post a Comment