the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Tuesday, May 22, 2007

sawi sa wika: ang pulitika ng pagsasalin sa "sa ngalan ng anak"


Kapuna-puna sa mga dulang napapanood ko nitong mga huling araw ang pagsasalin ng orihinal na bersiyon tungo sa Filipino.
Kung isinalin ng Entablado-Ateneo mula sa Ingles ang “New Yorker in Tondo” ni Marcelino Agana , ganundin ang nangyari sa reyalistang dulang “All My Sons” ni Arthur Miller na isinalin ni Jerry Respeto para sa benepisyo ng mga manonood ng produksyon ng Dulaang Unibersidad ng Pilipinas.
Ipinalabas sa Teatro Hermogenes Ylagan, Pamantasan ng Pilipinas-Diliman at idinirehe ni Amiel Leonardia, nagtatampok ang isinaling “Sa Ngalan ng Anak” sa buhay at kapalaran ng mga pamilyang Keller at Deever. Noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagpapatakbo ng pagawaan ng mga bahagi ng eroplano sina Joe Keller at Herbert Deever. Nakulong ang huli dahil gumawa ang pabrika ng depektibong makinarya na siyang naging dahilan ng kamatayan ng maraming sundalo. Nakaiwas sa asunto si Joe at yumaman.
Punto ang tadhanang ito ng pagsasagutan ng magpapamilya, biyenang hilaw sa mamanugangin, magkakapitbahay, magkakaibigan, magkakaaway.
At sinasalita ang lahat ng ito sa katutubong wika.
Gaano ba ka-Filipino si Joe Keller sa kanyang suspenders, o si Kate sa kanyang buhok na may pagka-brunette, sina Chris at George sa kanilang Amerikana o si Ann sa kanyang bestida? May duda man sa sagot sa alinman, hayaang ipagdiinan sa Filipino ni Joe na para kay Chris ang pagsisikap na paunlarin ang pabrika, na kasalanang mag-isa ni Herbert ang paglalabas ng may lamat na makinang pang-eroplano, na hindi dapat bagabagin ang konsensya niya ng pagbagsak sa kamatayan ng mga piloto. Hayaang isiwalat sa Filipino ni Kate ang pangungulila sa nawawalang anak na si Larry, ang pagpipilit na buhay pa ito mula sa pinakipaglabang bansa. Gamit ang Filipino, hayaang maghinanakit si Chris sa ama dahil ayaw nito ng kayamanang lumago dahil sa nasawing mga buhay, dahil mas masahol pa ito sa hayop dahil nakayang pumatay ng anak. Hayaang sabihin sa Filipino ni George ang paninisi kay Joe sa masaklap na trahedyang sumira sa pamilya Deever. Hayaang mamutawi sa bibig ni Ann ang pagpapatawad sa wikang Filipino. Gamit ang Filipino, Filipino rin ang mga Amerikano sa turing.
Matatawag na pagbagay sa kontekstong pinagmulan ng dula ang Kanluraning ayos ng bahay, pananamit at hitsura ng mga gumanap, ngunit pagkunsidera naman sa pag-unawa ng mga manonood ang paggamit ng Filipino sa kabuuan ng dula. Hindi mapasusubalian na mas madaling makauugnay ang Filipinong manonod kung sa sinasalita sa katutubong wika ang mga dayalogo ng dula. Unibersal ang mga tema ng trahedya, pagkakanulo, pagmamahal at pagkukunwari, subalit anumang tanging pagtingin mayroon ang mga Amerikano sa mga kaisipan ito, naipapaabot pa rin ito sa mga manonood sa pamamagitan ng wikang katutubo.
Sa panahong dinidebate ang pinakamataas na pinuno ng Pilipinas dahil sa pag-uutos na ipatupad ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan, isang manipestasyon ng pangongontra rito ng Ateneo at UP ang pagsasalin ng mga dula tungo sa umano’y bigong katutubong wika. Higit pa marahil sa pagpapaliwanag ng banghay ng banyagang dula, gumamit ng Filipino upang manindigang matagumpay gamitin ang katutubong wika sa pagwaksi sa kolonyalismo at kolonyal na pag-iisip.

No comments:

Post a Comment