the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Tuesday, May 15, 2007

kay kikay ang tondo, sa mga bakla ang virginia: pagkakakilanlan at bayan sa mga dulang “new yorker in tondo” at “the commonwealth of virginia”


Sinasalamin ng mga dulang “New Yorker in Tondo” ni Marcelino Agana at “The Commonwealth of Virginia” ni Jose Bernard Capino ang ‘di-malayang ekonomiya ng kontemporaryong Pilipinas. Dahil sa pagpapakatuta sa itinatakda ng Kanlurang globalisasyon, namamatay ang lokal na ekonomiya at napipilitang mandayuhan ang mga Filipino upang buhayin ang kani-kanilang pamilyang naiwan sa sariling bayan. Ganito ang kinahinatnan ng ambisyosang si Kikay nang magpunta siya sa New York upang mag-aral ng agham sa pagpupustura at pag-aayos ng buhok, isang desisyong pangkarera dahil maituturing namang hindi makapagpapaunlad ang pagtitinda-tinda niya lang ng puto sa Tondo. Ganito rin ang naging tadhana ng anim na baklang nakikipagsapalaran sa estado ng Virginia upang sa nilipatang bansa ay maghanapbuhay. Samakatuwid, may pagdedependeng ugnayan sa pagitan ng lokal na ekonomiya at ng sa ibayong-dagat sa bisa ng mga Overseas Filipino Workers.
Sa ating konteksto, magkaugnay ang ekonomiya at pulitika sapagkat ang kaigihan ng pamamahala sa ating gobyerno ang batayan kung may magkakainteres na magbangon ng kalakal sa ating bayan at kung may kakayanan itong magbukas ng mga trabahong pangkabuhayan para sa mga mamamayan. Sa unang dula, ang tila hindi nabagong imahen ng Tondo bilang lugar ng mga halang ang kaluluwa at pagtambis dito ng marangyang New York ang magsasaad na walang pag-usad sa bayan, tumutukoy sa kawalan ng mabuting takbo ng pulitika. Ang pagkukumahog ng mga bakla at pagtitiis sa buhay-Amerika na patagu-tago ang pagtukoy naman ng ikalawang dula na mas mamatamisin pa marahil ng mga bakla na manatili sa Amerika kaysa bumalik sa pinanggalingan nang wala namang kaaya-ayang babalikan. Nagmumungkahi ito ng kawalang-pagbabago sa sistema ng pulitika sa Pilipinas.
Samantalang modernismo ang namamayaning relihiyon sa dalawang dula, naipakita pa rin naman ang katutubong Katolisismo, bagaman at mas litaw ito sa “The Commonwealth of Virginia.” Dito sa ikalawang dula, nang nasa bingit na sila ng pagkabulgar kung sino talaga ang nagti-TNT, nakuhang magdasal ng mga bakla upang hindi sila mahuli ng mga Asyano-Amerikano ring pulis kahit nagduda na ang mga ito na isa sa kanilang mga mujerista ang patagu-tagong kriminal.
Sa unang dula, tinataglay ni Kikay ang katutubong pagpapahalaga ng pagbabalikbayan. Nang bumalik siya sa Tondo mula New York, ibang-ibang Kikay ang dumating: Inglesera, elitista, kolonyal. Sa gayun, kinikilala niyang bagong bayan na ang Amerika na tinirhan niya ng sampung buwan lamang at halos malimot na buong buhay bago mangibang-bansa, Pilipinas ang tirahan niya. Paano ngayon mangyayaring may pagpapahalaga siya sa pagbabalikbayan? Una, kung totoong nalimot na niya ang Tondo, pinangatawanan na niyang manirahan sa Amerika sukdulang mag-TNT pa siya. Ngunit pahiwatig ng pagbabalik niya sa Tondo na kahit saan pa siya magpunta, tatawagin at tatawagin pa rin siya ng kanyang pinanggalingan. Ikalawa, bisa ng post-kolonyalismo ang nangibabaw kay Kikay nang matapos ang pag-aasta niya bilang Francesca, pagtuturing sa sarili bilang Amerikana, pagwawaglit ng kanyang pagpuputo, pag-akyat sa mangga, paglangoy sa imburnal at pagtatatwa hindi lamang ng kanyang sinumpaang pag-ibig kay Tony kundi ng kanyang identidad, namayani pa rin ang pagiging dalagang Tondo niya nang mangawala na ang mga kaibigan niya at muntik na ring mahiwalay sa kanya ang minamahal na kasintahan. Pagbabalikbayan ang ipinakita ni Kikay dahil anumang gawin ng kolonyalismo para burahin ang kanyang pagkakakilanlan sa sarili, hindi ang New York ang uuwian niya dahil lagi niyang dala-dala sa sarili ang tatak ng pagka-Tondo niya.
Sa ikalawang dula, tinataglay ni Mother ang pagpapahalaga sa komyunal na buhay. Sa gitna ng pang-estadong diskriminasyon sa mga uring mangagawa batay sa kasarian, binaka ni Mother ang mga balakid upang makabuo ng maliit na pamayanan ng mga bakla sa kanyang apartment sa Virginia. Doon, sa harap ng maraming problema mula ahasan ng lalaki, pagnanakaw, sumbungan ng mga Pinoy TNT, pananamantala sa libreng pagtatangkilik ng may-ari ng bahay hanggang pagkakawatak-watak dahil sa pagbabangayang punumpuno ng kabaklaan, pinagsumikapan niya na manatiling buo ang munti nilang Pilipinotown. Kahit sinubok pa ang kanilang pagkakaibigan ng isyu ng agawan ng boypren at panggagaya ng Vietnamese gown, nanaig ang pagpapatawaran at pag-iintindihan na siyang sakripisyo ng bawat isa para mabuklod pa rin ang Pilipinong baklang komunidad sa apartment ni Mother.
Komento ng parehong dula ang paulit-ulit na pagsubok sa nasyunalidad ng isang tao sa presensya ng kolonyalismo. Hindi biro ang halos kalahating milenyong nasakop tayo ng mga Kaluraning gaya ng mga Kastila at Amerikano kaya nga sa pagbabalik ng kalayaan natin, isyung malaki kung dapat ba ang natibismo o post-kolonyalismo? Lubha nang mahirap na magbalik tayo sa pagsusuot ng bahag at paggamit nga alibata para maging katutubong muli sapagkat nangangahulugan itong pagbunot sa mga institusyong kolonyal mula pamahalaan hanggang wikang Ingles hanggang paaralan. Kaya nga sa post-kolonyalismo, gumigitaw pa rin ang pagkakakilanlang katutubo dahil ito na tayo matapos ang pananakop: gagamitin ba natin ang mga impluwensyang kolonyal para makilala ang Ibang mukha natin, o para makilala kung ano tayo matapos maging kolonya? Sa parehong dula, mataas ang antas ng imperyalismo dahil napaligiran sina Kikay at ang mga bakla ng mga salik ng kolonyalismo, subalit pinanaig pa rin nila na Filipino sila sanayin man silang mag-almusal ng orange juice o magkandabalu-baluktot man ang dila nila sa paggamit ng Ingles sa pagpapraktis ng kanilang kabaklaan
Komento naman ng mga dula na nasa sarili ang pagbuo ng bayan. Hindi maiiwasan na kaiba sa mga Koreano at Tsino na sa pangingibang bansa ay bumubuo ng sarili nilang Koreatown at Chinatown sa lilipatang banyagang lupain, matindi ang rehiyonalismo sa atin kung kaya mas nangingibabaw ang pagkakanya-kanya kaysa ang pagbuo ng Pilipinotown. Madali kung gayon ang magpadala sa agos ng asimilasyon ngunit kung makintal ang marka ng bayan sa sarili (gaya ng tatak-Tondo ni Kikay), hindi ito basta mabubura. Samantala, sa pagbuo ng sariling bayan sa kaso ni Mother, pagkakakilanlang bakla ang ginamit niya upang maakit ang kapwa baklang produkto ng diaspora para buuin kahit sa malayo ang sariling bayan
Mapapatunayan nito na ang mas matindi ang imahen ng bayan habang malayo rito. Samakatuwid, mabisa ang dalawang dula sa paghahatid ng aral na higit pa sa heograpiya, kaisipan ang bayan na nabibitbit naging dayuhan man dahil sa pangangailangan.

Talasanggunian:
Caluya, Gilbert. Isang Rebyu ng Global Divas: Filipino Gay Men in the Diaspora ni Martin V. Manalansan IV. (October 5, 2006) Online; makikita sa http://wwwsshe.murdoch.edu.au/intersections/issue14/caluya_review.html [kinuha noong 14 Mayo, 2007]
The Philippines: Story of a Nation (walang datos) Online; makikita sa http://www.hawaii.edu/cseas/pubs/philippines/nation.html [kinuha noong 14 Mayo, 2007]










[1] Nasa The Philippines: Story of a Nation, (walang datos), Online; makikita sa http://www.hawaii.edu/cseas/pubs/philippines/nation.html [kinuha noong 14 Mayo, 2007]
[2] Gilbert Caluya, Isang Rebyu ng Global Divas: Filipino Gay Men in the Diaspora ni Martin V. Manalansan IV, (October 5, 2006) Online; makikita sa http://wwwsshe.murdoch.edu.au/intersections/issue14/caluya_review.html [kinuha noong 14 Mayo, 2007]

No comments:

Post a Comment