the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Thursday, May 03, 2007

kontemporaryong aliguyun: ang bayani ng bayan sa imahen ni corazon aquino


Kailangan ng bayan ang isang bayaning kakatawan ng imaheng hangad nito para sa sarili. Sa kamalayan ng bayan, mahalagang matuklasan nito ang isang natatanging bayaning magsisilbing huwaran ng pag-unlad ng pagpapahalaga at kultura. Sa ngayon, kalimitan ng pinaghuhugutan ng bayani ay mula sa komiks, telebisyon at pelikula, maging artista man, mananayaw, mang-aawit, at iba pang personalidad.
Sa aking klase, natalakay na ang bayani ay isang taong nagtataglay ng sobrang natural na lakas o kapangyarihan. Gamit ang kapangyarihang ito, binibigyang-katuparan ng bayani ang tungkuling nakaatang sa kanyang mga balikat, ito man ay ang pagtagpo sa isang lupang pangako, ang pagtatanggol sa pamayanan laban sa masasamang elemento, ang paghihiganti sa dinungisang kapurihan ng pamilya, bukod pa sa iba. Sa pagtupad ng tungkuling ito, itinatampok ang bayani ng panitikan bilang may malawakang pang-akit, tagapagpalaganap ng mabuting pagpapahalaga, at tularan ng magagandang katangian. Sa imahen ng bayani, umuunlad ang pang-unawa ng bawat mamamayan sa mga batas panlipunan na maging karapat-dapat na huwaran para sa isa’t isa at maging bayani ring may kakayanang suungin kahit pa ang tila imposibleng mga suliranin. Gamit pa rin ang bayani, kaya ng panitikan na magkaroon ng banyuhay ang lipunan habang ipinagpapatuloy nito ang kinamulatang mga kahalagahan.
Mamamalas ang konseptong ito sa naratibong buhay ni Aliguyun ng epikong Hudhud hi Aliguyun. Naging bayani si Aliguyun dahil sa pagtupad sa tungkuling maging halimbawa ng mga unibersal na katangiang pinapahalagahan sa lipunang Pilipino sa iba’t ibang panahon gaya ng kagitingan sa pakikidigma.[1] Sa pamamagitan niya, nakita ang estratehiya ng liping Ifugao (at, sa pangkalahatan, ng mga lahi sa bulubundukin ng Hilagang Luzon) kung paano harapin ang hamon sa lahi. Sa pagpapakita ng iba’t ibang karanasan ni Aliguyun, nalalaman namin ng mga kapwa ko mambabasa ang mga paraan sa pagtugon sa mga hamon at problema. Habang gumagalaw siya sa hudhud, nahahasa ng mga mambabasa ang kanilang pagpapahalaga. Sa bawat tagumpay ni Aliguyun, nakapagmamarka ito ng mensaheng karapat-dapat siyang tularan.
Sa ganitong batayan ko nakitang maaaring ituring na kontemporaryong katutubong bayani si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino. Maraming paralelismo sa buhay ni Aliguyun at ng sa unang babaeng Presidente sa Asya na magtatanghal sa kabayanihan nila.
Sa epiko, misyon ni Aliguyun na pagkalipas ng kanyang kabataan, iipunin niya ang kanyang lakas upang kalabanin ang mortal na kaaway ng amang Amtalao, si Pangaiwan ng Daligdigan. Samantala, misyon naman ni Cory na sa pagkamatay ng kanyang asawang si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., mabigyan niya ito ng kabuluhan sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng laban nito para sa demokrasya sa pamamagitan ng pagpapabagsak sa diktadurya ni dating Ferdinand Marcos. Sa misyon ng parehong buhay, makikita ang katangiang maibangon ang dangal ng kaanak sa pamamagitan ng pagkalaban sa taong yumurak ng nasabing reputasyon.
Sa epiko, bahagi ng paglalakbay ni Aliguyun tungo sa kasukdulang sagupaan ang paghahasa ng kakayanan niya. Bata pa, tinuruan na si Aliguyun ng kanyang ama sa sining ng pakikipaghamok gamit ang sibat, bukod pa sa pag-usal ng katutubong panalangin. Bukod sa kahusayan sa pagpapaikot ng trumpo, marunong si Aliguyun sa pagsibat ng isda, manok at iba pang maiilap na hayop.[2] Dala ang pagkaing sasapat para sa tatlong araw, sumulong si Aliguyun at mga kasama patungong Daligdigan. Samantala, bahagi naman ng paglalakbay ni Cory ang pag-aaral dito sa Pilipinas at sa ibang bansa. Marunong si Cory sa Pranses at Matematika.[3] Nang mahimok si Cory na tumakbong Presidente ng Pilipinas sa halina ng isang milyong pirma[4], simula ito ng paglalakbay tungo sa pagbabalik ng demokrasya sa pamamagitan ng isang malinis na pambansang halalan. Sa paglalakbay sa parehong buhay, makikita ang katangiang naihanda muna sina Aliguyun at Cory para sa kanya-kanyang laban.
Sa epiko, sa halip na kay Pangaiwan na noo’y matanda na, kay Pumbakhayon na anak ni Pangaiwan nakidigma si Aliguyun. Gaya ni Aliguyun, mahusay din sa paggamit ng sibat at pag-usal ng panalangin si Pumbakhayon. Sa loob ng tatlong taon ng taniman at anihan ng palay, gamit ang iisang sibat, naghamok ang dalawang magiting na mandirigima nang walang senyales ng pagkatalo sa kanino mang panig.[5] Samantala, sa halip na si Ninoy na noo’y tatlong taong pumanaw na dahil sa asasinasyon, si Cory ang tumapat kay Marcos sa ipinadaos ng huling snap election. Kung popular man si Cory, may malakas na hatak din sa mga kapanalig si Marcos. Sa naganap na pampanguluhang halalan, kapwa ayaw magpatalo nina Cory at Marcos: dinaya umano ang una at nanalo naman ang huli dahil sa pandaraya. Noong Pebrero 25, 1986, itinanghal na Pangulo ng kanya-kanyang mga tagasuporta sina Cory at Marcos.[6] Sa digmaan sa parehong buhay, makikitang ang magkakatungali ay may kanya-kanyang kalakasang hindi matatawaran.
Sa epiko, natutunang hangaan at igalang ni Aliguyun ang kahusayan sa pakikidigma ni Pumbakhayon, at gayundin naman ang huli sa una. Biglang huminto sa pagsasagupa ang dalawa, kumbinsidong hindi nila matatalo ang isa’t isa. Sa pamamagitan nila, naigawa ng tratado ng kapayapaan ang mga pamayanan ng Hannanga at Daligdigan. Tagumpay na maituturing na makitang naging magkaibigan ang dalawang matitinik na mandirigma. Samantala, dahil sa naulat na malawakang pandaraya ni Marcos sa pampanguluhang halalan, hinamon ni Cory sampu ng kanyang mga tagatangkilik ang resulta. Sa pagbaliktad ng suporta ng mga militar at sa rebolusyong naganap sa EDSA, napilitang lisanin ni Marcos ang Malacanang pagkaraan ng proklamasyon ng kanyang pagkapangulo.[7] Tagumpay na maituturing ang pagbagsak ng diktaturya sa pamamagitan ng popular na rebolusyong kinasandigan ng biyudang si Cory. Sa tagumpay nina Aliguyun at Cory, makikitang nanaig ang lalong ikabubuti ng sambayanan sa pamamagitan ng kanya-kanyang bayani.
Sa epiko, naging pabuya kay Aliguyun ang pagpili kay Bugan, ang bunsong kapatid ni Pumbakhayon, bilang asawa. Musmos pa noon si Bugan, ngunit dinala ito ni Aliguyun sa pagbabalik sa Hannanga at inalagaan hanggang magdalaga. Pabuya rin ang pagyaman at paghanga sa mag-asawa sa buong Ifugao. Samantala, naging pabuya sa kagitingan ni Cory ang pagkakabalik ng demokrasya sa Pilipinas. Sa pagkakatatag ng isang rebolusyonaryong pamahalaan kung saan siya ang tagapangulo, napasinayaan ang isang popular na konstitusyon.[8] Inani ni Cory ang paghanga ng bayan at ng buong mundo sa anim na taon niyang panunungkulan sa Pilipinas bilang Presidente. Sa pabuya at pagbabalik sa parehong buhay, makikitang nagbunga ng mabuti ang pananagumpay ng kanya-kanyang bayani.
Sa bisa ng mga nabanggit, dapat ngang itanghal na kontemporaryong katutubong bayani si dating Pangulong Corazon Aquino. Tulad ng buhay ni Aliguyun, huwaran din ang buhay niya ng mga unibersal na katangiang dapat tamasahin ng bayan.

[1] Tales of Heroism (2002) Online; makikita mula sa http://folklore.philsites.net/stories/heroism1.html [kinuha noong Mayo 4, 2006]
[2] F. Landa Jocano, The Prowess of Aliguyon, (walang datos) Online; makikita mula sa http://www.geocities.com/marlonfx/Aliguyon.html [kinuha noong Mayo 4, 2006]
[3] Wikipedia, Corazon Aquino (May 3, 2007) Online; makikita mula sa http://en.wikipedia.org/wiki/Corazon_Aquino [kinuha noong Mayo 4, 2006]
[4] Ibid.
[5] Wikipedia, Philippine Epic Poetry (Abril 24, 2007) Online; makikita mula sa http://en.wikipedia.org/wiki/Philippine_epic_poetry [kinuha noong Mayo 4, 2006]
[6] Women’s International Center, Corazon Aquino: Former President of the Republic of the Philippines (1995) Online; makikita mula sa http://www.wic.org/bio/caquino.htm [kinuha noong Mayo 4, 2006]
[7] Ibid.
[8] Ibid.

No comments:

Post a Comment