the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Sunday, June 03, 2007

sina kikay at ang mga bading sa mga kuko ng amerika: ang mga isyu ng pambansang identidad at kasarian sa "ulitan…maiba taya!"


Postkolonyal ang pambansang identidad ni Kikay (Mariel Dionisio) sa dulang New Yorker in Tondo gayundin naman sa mga baklang tauhan ng The Commonwealth of Virginia. Lamang, magkaiba ang kinakatawang paghahanap sa mga pagkakakilanlang ito dahil natatali sa kasariang pambabae ang kay Kikay samantalang sa kasariang pambakla ang kina Mother (Allan Forte) at kanyang mga ampon sa apartment.
Sa unang dula, nandayuhan si Kikay, isang magpuputong taga-Tondo, sa Amerika upang mag-aral ng agham sa pagpapaganda. Samantalang natatali sa pagkakakilanlang siga ang tindera gaya ng marami sa kanilang lugar, nabago ito nang manirahan siya nang sampung buwan sa New York: naging pino ito sa pananalita, pananamit at pamumuhay bukod sa naging Inglesera, moderno at mapanggiba ng tradisyon—mga katangiang Amerikano na inari niya o inari siya. Dahil sa kolonisasyong ito, hindi na lantay na katutubong Filipino ang dating si Kikay; naging kolonyal na siya nang magpalit ng pangalang Francesca. Hindi tulad ng pagpapahalaga niya sa “old tree in New York” ang dating pagpapahalaga niya sa punong manggang nakatirik sa kanyang bakuran; estranghero na para sa kanya ang mga kababata at ang kinalakhang lugar sapagkat pakiramdam niya, buong buhay na siyang mamamayan ng New York. Kundi pa sa pakikipag-agawan niya sa pag-ibig sa dating kasintahang si Tony (James Jumalon) laban sa kababatang si Nena (Barbie Salvador), hindi pa iwawaksi ni Francesca ang kontaminasyong kolonyal sa kanyang identidad daan para lumahok siya sa proseso ng postkolonyalismo o kalagayan habang/matapos ang pagiging aliping mamamayan. Sa pagbabalik niya bilang Kikay, pinili niyang salitain muli ang katutubong Filipino kaysa sa natutunang Ingles, kahit na may panaka-nakang kolokyal sa pananalita niya at nakasuot pa rin sa kanya ang mga kulay na makikita sa bandila ng Amerika.
Sa ikalawang dula, nandayuhan din sina Mother sampu ng kanyang mga kapwa baklang sina Allan (JJ Garcia), Wilfred (Jethro Tenorio), Pol (Edgie Guevarra), Bhoy (Lei Ramos), at Jerry (Ariel Diccion) sa Amerika upang maghanapbuhay kahit na sa estadong tinitirhan nila, sa Virginia, walang legal na proteksyon para sa diskriminasyong base sa kasarian. Dahil sa pagkakahugot nila sa bansang tinubuan at pagkakalipat sa ibayong lupain, hindi naiwasan ng mga bakla ang impluwensiya ng Amerika sa kanilang katutubong identidad: gumagamit sila ng wikang Ingles at kaiba sa pangangaluluwa sa Pilipinas ang costume-theme na pagdiriwang nila ng tradisyong Halloween. Sa kabila naman ng kolonisasyong ito ng Amerika sa kanila, bisa ng postkolonyalismo ang nagtulak kay Mother upang bumuo ng maliit na pamayanang Filipino sa pamamagitan ng kanyang pagpapatuloy sa mga bakla sa kanyang apartment at ang nagtulak sa kanilang lahat upang makapagsalita pa rin ng katutubong wika, mag-astang prekolonyal na babaylan sa kanya-kanyang Vietnamese costumes at manatiling nagkakaisa sa gitna ng pagkakaiba-iba bunsod ng laitan, pagtataksil at agawan ng eksena.
May magkaibang bisa ang karanasang diaspora bilang salik sa nabubuong pambansang identidad ng mga tauhan sa parehong dula. Sa pag-alis ni Kikay patungong Amerika bunsod ng pangangailangang propesyunal (at—hindi malayo—pinansiyal), madali siyang humalo sa madlang Amerikano at na-Americanize sapagkat wala namang nababanggit sa New Yorker in Tondo na may kapwa Filipino siyang nakasalamuha para sana buklurin ang kanilang pagkakakilanlang Filipino. Ang Amerikanisasyong ito rin ang nang-akit kay Kikay para ampunin ang modernong pamumuhay sa Amerika at hayaang masakop ng dayuhang kultura ang pag-ibig niyang maglalangoy sa kanal ng Tondo, makalaro ang kasintahan, si Nena at isa ang nakatuluyan ni Nenang si Totoy (Kalil Almonte), at magmano sa amang si Mang Atong (Mike Cuepo). Samakatuwid, dahil sa mas matibay na ispirituwal na ugnayan ni Francesca sa Amerika kaysa sa iniwang Pilipinas, naging kolonyal—hybrid ngunit mas Amerikano kaysa Filipino—ang kanyang pambansang identidad bago nabuo ang postkolonyal niyang pagkakakilanlan dulot ng mga pangyayari pagkauwi sa Tondo.
Matindi ang bisa ng diaspora sa The Commonwealth of Virginia sapagkat ang dayuhang pamayanang Filipino sa apartment ni Mother ang siyang kahulugan ng etnikong grupong nakatali sa kaisahang pagkakakilanlang Filipino. Nasakop man sila sa ilang kultural na bagay bunga ng paghahanapbuhay sa Amerika, mahalaga ang Pilipinas dahil dito sila “nagdalaga” at inugatan ng kanilang pambaklang pagkakakilanlan. Kaya nga sa kanilang maliit na pamayanan, masasalamin ang Filipinong kabaklaang nakikita rin sa Pilipinas gaya ng pagdadamit-babae (dahil pakiramdam ng bakla, may pusong babae siyang nakakulong sa katawang lalaki), swardspeak at paggamit ng katutubong wikang hitik sa mga idyomang nauugnay sa konteksto ng kabaklaan sa ating bansa. Kaya nga, postkolonyal ang pambansang identidad ng mga baklang tauhan dahil hindi sila lubusang nasakop ng dayuhang kultura bagkus, napanatili nila ang pagka-Filipinong bakla sa hamon ng kolonisasyong kultural at pangkasarian ng Amerika.
Panlalaking kasarian ang may higit na kapangyarihang magtakda at lumikha ng identidad sa New Yorker in Tondo. Mapapatunayan ito ng pagbabalik ng moderno at independenteng si Francesca sa pagiging Kikay una dahil sa lalaki, ang iniibig na si Totoy, at ikalawa, dahil sa nililimitahan ng kanyang sigang lipunan sa Tondo ang kanyang pambabaeng pagkakakilanlan. Oo nga at siga rin siya, pero sa pagyuko ng kanyang kolonisadong sarili sa atas ng kanyang machong lipunan—magpailalim sa lalaking kinakatawan ni Totoy—pumapayag siyang magkaroon ng pambabaeng pagkakakilanlan base sa mga arketipo ng isang babae, halimbawa ang pagsunod sa lalaki. Sa pagtatapos ng dula, pambabae ang nabuong identidad ni Kikay at pinili niya ito sapagkat kung mananatili siyang New Yorker sa Tondo, maaagaw ni Nena ang kasintahang si Totoy at hindi magtatagal, hindi magiging katangap-tanggap—magiging Other siya—ang liberal niyang pananamit, pananalita at pamumuhay sa Tondo.
Samantala, pambaklang kasarian ang may higit na kapangyarihang magtakda at lumikha ng identidad sa The Commonwealth of Virginia. Sa pusod ng dayuhang lipunang kumikilala sa panlalaking identidad base sa pagsunod sa patriyarka, nagawang maging subersibo ng mga bakla sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kanilang kaibahan sa dominanteng panlalaking identidad. Sa halip na ariin nila ang pagkakakilanlang sumusunod sa tradisyunal na arektipong panlalaki gaya ng pagtataguyod ng pamilya bilang ama, pananakop at pagpigil sa mga nararamdaman, naghahanapbuhay sila para sa kanilang sarili (o para sa pamilya ngunit hindi bilang ama), nananakop ngunit sa puntong homoseksuwal naman, at emosyonal sila, patunay ng kanilang pagbabangayang talakan at malditahan sa halip na suntukan. Dahil dito, pinatunayan ng mga baklang tauhan sa The Commonwealth of Virginia ang kanilang pambaklang pambansang identidad na napagtagumpayan nilang ipakita dahil sa harap ng posibleng pagpapahirap sa mga alternatibong kasarian sa estado ng Virginia, pinangatawanan nila ang pagiging baklang Filipino sa isip, sa salita, at sa gawa.
Other si Kikay sa New Yorker in Tondo at Other din ang mga bakla sa The Commonwealth of Virginia sa bisa ng subordinasyon o pag-eetsa-puwera sa kanila sa kinabibilangang lipunan. Oo nga at umiwas si Francesca sa pagiging kolonyal na Other kaya nagbalik-loob siya sa kasintahang lalaki, ngunit babae siya kaya pambabaeng pagkakakilanlan lamang na nauugnay sa tradisyunal na mga papel—pagiging mabuting ina o asawa, mahinhing kasintahan, anak na maalam sa gawaing bahay—ang bagay sa kanya. Sa isang machong lipunang katulad ng Tondo (at Pilipinas sa kabuuan), Other si Kikay sapagkat limitado pa rin ng mga tradisyunal na gawain ang pagkakakilanlan ng pagkababae niya at hindi lalagpas iyon sa larangan ng karera, katalinuhan at pananakop na mga katangian ng palsong ideyolohiya ng patriyarka.
Other din sina Mother at ang mga ampon niya dahil sa kulturang dinodominahan ng mga lalaki, itinatrato silang mga bakla na kulang sa pagkakalalaki dahil hindi isinasagawa ang mga tradisyunal na papel ng lalaki sa lipunan gaya nga ng pagiging amang tagatustos, mapanakop at walang emosyon. Isa pa, dahil sa pagkahumaling nila sa kapwa lalaki, nabibigo silang kilalanin ang sarili sa iba pati na kanilang pagnanasa. Sa pagtuturing na positibo at neutral ang mga lalaki, negatibo at binibigyang-kahulugan ng limitadong basehan ang lahat ng hindi lalaki—samakatuwid, mga babae at binabae, gaya nina Mother at ang mga baklang Filipino sa Komonwelt ng Virginia.

No comments:

Post a Comment