the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Tuesday, June 05, 2007

iisa't iba-ibang mukha ng diyos: isang pagbubulay-bulay


Templong Budista ang dinalaw naming ngayon, hindi simbahang Katoliko. Noong nakaraang Linggo, dumalo pa kami sa pang-Miyerkules na nobena at humingi ng pabor sa Panginoong Diyos habang nag-aalay ng kandila. Ngayon naman, nagsindi kami ng insenso at nanalangin ng patnubay mula sa Naliwanagan. Mula pa noong magkaisip ako, ganito na ang gawi ng pamilya: ang magsalitan sa dalawang panambahan.
Lumaki akong dalawang pananampalataya ang pinaniniwalaan dahil nga Tsinong nananambahan kay Buddha ang aking pinagmulang lahi, at Filipinong binyagan naman ang lipunang kinapanganakan ko. Magkagayunman, hindi ko talagang pinag-isipan kung bakit may dalawang magkaibang Maykapal akong pinananaligan, bukod pa sa nalaman kong may Allah para sa mga Muslim, at may anito ang mga pagano. Kultura ang rason, iyan ang paunang tingin ko. Nag-isip pa akong mabuti at naliwanagan ako sa natuklasan ko.
May napansin akong paulit-ulit na tema tungkol sa mga diyos: ang pagiging supremong nilalang. Sino man ang naniniwala sa kanila, nagkakabit sila sa mga ito ng mga katangiang mas makapangyarihan kaysa ordinaryong nilalang. Mayroon sa kanilang nagbibigay-buhay sa pamamagitan ng paglalang ng tao, nagpapadala ng anghel upang magpailalim ang napiling sugo, napaglalabanan ang makamundong tukso upang maganap ang kaliwanagan, o di kaya ay nagiging sanhi ng pag-iiba-iba ng panahon, ng buhay at kamatayan, ng kapalaran, kabilang-buhay at paraiso. Sila ang nagtatakda ng tadhana ng tao, ang ultimong kapangyarihang magagawa ng mga diyos sa mga naniniwala. Tinatawag ko silang “sila” dahil iba-iba ang pangalan nila sang-ayon sa kanilang mga deboto, ngunit sila ay iisa sa ganang may kanya-kanyang pagtingin ang mga tao sa supremong nilalang na ito. Iba-iba lang ang tawag ngunit iisa lang din ang presensya. Buddha man siyang nagbibigay-patnubay para sa aking Tsinong lipi at Yahweh man siyang tumutupad ng panalangin sa aking Filipinong bayan, iisa rin siya at kabilang sa mga itinatakda niya ang pagtitipon kung ano siya bilang supremong nilalang.
Subalit bakit pa kailangang maging iba-iba ang pananaw sa supremong nilalang kung iisa lamang sila? Napagmuni-munian kong mas mahalaga pa ba ang pagkakaroon niya ng pangalan kaysa sa pag-iral niya? Oo nga at sa pagkakaroon niya ng pangalang Yahweh, Buddha, Allah, Maykapal, atbp, kinakatawan nito ang anuman siya bilang supremong nilalang. Nalalaman ng mga Budista na siya ang Naliwanagan, kung paanong nalalaman ng mga Katoliko na siya ang Tagapagligtas. Magkagayunman, hindi ang pagkakaroon niya ng pangalan ang puno’t dulo ng lahat, dahil ang pagpapangalan sa kanya ay pagkukubli lamang sa proseso ng pagpresensya niya. Meron o wala siyang pangalan, hindi mapipigil ang pag-iral ng kanyang supremong kapangyarihan bilang walang hanggan. Materyal na pag-iral lamang ang kanyang pangalan.
Mabuti na ring may pangalan (at iba-iba pa!) ang supremong nilalang, dahil sa pagpapangalan sa kanya, nagaganap ang pagiging isa niya. Dahil sa pagtitipon ng kaalaman tungkol sa diyos, dumarami-lumalalim ang pagkakakilanlan sa kanya. Sa ganito ko nakita ang pag-usbong ng relihiyon: nakita ng unang tao ang pagbagu-bago ng panahon, ang siglo ng buhay, ang pag-iral at ang kapalaran, at lagpas sa kontrol ng tao ang lahat ng pangyayaring ito. Hindi malayong may isang mas makapangyarihang nilalang na sanhi ng lahat ng penomenang ito, na tinawag niyang diyos. Sa iba’t ibang paniniwala, iba-iba rin ang pangalan niya, ngunit mas kagila-gilalas kaysa sa pagkakaiba-ibang ito ang proseso ng kaganap ng napag-iisang iba-iba.
Kahit magkalapit na mga bansa ang kinikilala kong dalawang tahanan, magkaiba ang kulturang umiiral sa kanila. Dahil dito, madaling makitang magkaiba ang mga tradisyon at paniniwala, kabilang na ang kinikilalang diyos. Sa mga nailatag nang pagtitipon kung sino si Buddha at kung sino si Yahweh, malaki ang diperensya nila. Kaliwanagan ang inaabot sa paniniwala kay Buddha samantalang masaganang kabilang buhay ang inaabot kay Yahweh. Hindi madaling pag-isahin ang lahat ng pagkakaibang ito, dahil magkaiba ang pundasyon ng mga relihiyong ito. Kung naging madali sana, hindi kailangang pagsalitin ng pamilya ko ang pagpunta sa templong Budista at ang pagsisimba. Mapapatunayan din ng kasaysayan kung paanong naging dahilan ng pagdanak ng dugo ang pagkakaiba-iba ng paniniwala, patunay na mahirap maghalu-halo ang iba-iba.
Ngunit sa kabila ng buong tensyong namamagitan sa dalawang paniniwala ko, hindi naman ito hadlang para hindi ko maisabuhay ang mga ito. Sa tingin ko, ang esensyal na kaisahan ng supremong nilalang ang bumibigkis ng lahat ng salik na naghihiwalay sa aking magkaiba kong paniniwala. May pangalan mang Buddha ang isa at Yahweh ang isa pa, komprotableng taguri lang ang mga ito, sapagkat sa katotohanan, iisa lamang sila. Iisa pa rin ang nagdadala ng kaliwanagan o ng kaligtasan, sapagkat kung susuriin, kapwa pag-aalis sa kadiliman ang kahulugan ng kanilang ultimong kapangyarihan. Maaari pa ngang kaya may iba-iba siyang pangalan, dahil ayaw talaga niyang mabansagan. Hindi nga ba at sa Bibliya, nang tanungin ni Moses ang Diyos sa anyong nagliliyab na puno kung ano ang pangalan nito, sinagot siya ng “I am who I am”? Hindi kung ano ang natitipong pagkakaiba-iba ang pinapangalanan ngunit ang proseso ng kaganapan ng pagprepresensyang ito, kaya nga mas mahalaga ang pag-iral ng iisang diyos kaysa maraming pangalan ng diyos.
Samakatuwid, kaya hanggang ngayon ay hindi isa lamang ang hinahawakan kong paniniwala, sapagkat wala akong nakikitang dahilang pagtambisin ang mga pangunahing pundasyong nagpapanatili sa kanila bilang mga relihiyon. Nagagawa kong maniwala sa ganitong supremong nilalang sa Budismo gayundin sa Katolisismo dahil natuklasan kong pangalan lang ang nagkaiba ngunit iisa lang din ang tinatawag na diyos na siyang nagbibigay-liwanag at kaligtasan. Kung sa tingin ng iba, maselan ang ganitong pagkakaroon ng dalawang relihiyon, bilang isang tagaloob, masasabi kong may bentahe ang ganito sapagkat nakikilala ko ang supremong nilalang sa magkaibang anyo at napatotohanan kong mapag-iisa kahit ang magkakaiba.

No comments:

Post a Comment