Bilang isang modernong genre ng panitikan, maraming katangian ng modernismo ang makikita sa banghay at tema ng “Sa Ngalan ng Anak,” dula ni Arthur Miller na isinalin sa Filipino ni Jerry Respeto at idinirehe ni Amiel Leonarda sa produksyon ng Dulaang Unibersidad ng Pilipinas.
Sinulat noong 1947, moderno ang dula dahil sa makabago ang mga tagpuan (katatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa bakuran ng isang modernong bahay), mga kaayusan ng tauhan (Amerikana, bestida), pati pananalita at pinag-uusapan nila (makina, eroplano, taxi). Kaya nga, madaling makita ang mga katangiang urbanismo, teknolohismo, erotisismo, eksperimentalismo, antinomialismo at dehumanisasyon dito. Sa papel na ito, gusto kong talakayin ang mga modernismong teknolohismo at dehumanisasyon dahil litaw na litaw ang mga ito sa “Sa Ngalan ng Anak.”
Paggamit ng teknolohiya para sa sarili nitong kapakanan ang ibig sabihin ng teknolohismo. Mentalidad ito ng pagdomina, paggamit at pagsasamantala ng teknolohiya sa palawak nang palawak na sukat. Isa itong desisyon para dumepende sa teknolohiya para sa paggamit ng teknolohiya, para gawing makina at kuryente ang hindi gumagalaw na mga bagay at para gawing kagamitang pantao ang mga elemento ng mundo. Sa kahulugan ng teknolohismo, makikita kung paanong sinasamantala ang mga biyaya ng mundo upang bigyang-buhay ang teknolohiya, sa kapakinabangan ng tao lalo na sa teknolohiya ngunit sa pagsasakripisyo ng daigdig mismo. Dahil hindi balanse ang nangyayaring proseso ng paggamit, hindi maiiwasan ang sakuna at panganib na epekto ng teknolohismo.
Ganitong-ganito ang pagsasamantala sa teknolohiya na makikita sa dula. Dahil dumedepende sa teknolohiyang eroplano ang bansang Amerika sa kanyang pakikipaglaban sa Ikalaang Digmaang Pandaigdig, kinailangan nito ng tuluy-tuloy na sustento ng eroplano para gamitin ng militar sa paghahatid ng rasyon ng mga sundalo, mga armas, mga pagkain at mga gamot. Suliranin man ito ng bayan, pagkakataon naman ito para sa tauhang si Joe Keller at sa nakulong na kapitbahay na si Steve Deever na kumita sa pamamagitan ng pagsustento ng pangangailangang ito. Naglabas ang pabrika ni Joe ng mga baha-bahagi ng eroplanong pandigma hanggang sa maubos na ang matitinong makinarya. Nangailangan pa rin ang Amerika ng suplay kaya pati depektibong parte, kinumpuni na rin ni Steve at ibinigay kahit wala ang presensya ng nagpahintulot naming si Joe. Nagdulot ng sakuna ang pagsasamantalang ito sa teknolohiya dahil isa-isa, nangalaglag sa himpapawid ang mga eroplanong kinabitan ng mga sirang makina kasama ang mga Amerikanong pilotong sakay ng mga ito. Dumepende sina Steve at Joe sa teknolohiya sa pag-aayos ng mga may lamat na makinarya at kumita mula rito pero maraming buhay ang naisakripisyo dahil hindi talaga nilang naasahan ang teknolohiya para magawa ng mga makina ang tungkulin sa pinagkinabitang eroplano. Hindi lamang inisyal ang masamang epekto ng ganito sapagkat nang akuin lahat ni Steve ang kasalanan nila ni Joe, nasira ang buhay ng pamilya Deever dahil sa amang nakulong at mistulang naulila at kawawang magkapatid na sina George at Ann. Samantala, nakaligtas sa asunto si Joe at umunlad pa ang pabrikang ipapamana niya sa anak na si Chris.
Inanak ng teknolohiya ang isa sa masasamang dulot ng modernong panahon, ang dehumanisasyon, at ito ang naganap naman sa yumamang si Joe.
Maraming mukha ang dehumanisasyon, at isa rito ang proseso ng pagtatanggal ng ng mga katangiang pantao gaya ng pagtangging may pagkakakilanlan at halaga ang tao. Maaari ring proseso ito ng pagpapakita ng kakulangan o kababaan ng iba ng paninisi, paninirang-puri, istiryutipo ng mga pangkat-etniko at diskriminasyong panlahi. Puwede rin itong pag-aalis ng awa sa mga taong itinuturing na kalaban. Naipakita ni Joe ang lahat ng ito.
Tinanggalan ni Joe ng katangiang pantao ang mga Amerikanong piloto nang hayaan niyang maibenta ang mga depektibong makina na ikinabit sa sasakyang eroplano ng mga ito. Sa halip na pahalagahan ang mga buhay ng mga pilotong maipapahamak ng mga sirang makinarya, mas inisip ni Joe na kikita pa siyang lalo mula sa mga ito. Para ring manikang de-susi—hindi tao—ang asawang si Kate dahil nawalan ito ng katangiang pantaong kumilala ng katotohanang patay na talaga ang anak kung para lang ayunan ang ilusyon ni Joe na hindi napatay si Larry ng sariling amang mamamatay-tao. Dahil hinayaan ni Joe na akuin ni Steve ang kasalanan ng pagbebenta ng nakamatay na mga depektibong makina, tinanggalan din niya ng halagang pantao si Steve dahil para sa kanya, si Steve naman talaga ang may kasalanan, na wala naman siyang malay na babagsak ang mga eroplanong kinabitan ng may lamat na bahagi. Dito na pumasok ang ikalawang kahulugan ng dehumanisasyon, sapagkat sinisisi ni Joe si Steve na nakulong ito sa sarili nitong kasalanan. Para namang robot—hindi tao—si Steve na umayon na lang sa sentensya ng hukuman kahit dalawa sila ni Joe sa pagkakasala. Kakulangan ni Steve ang nakamatay na desisyong magbenta ng sirang parte at ang pagkakakulong niya, para kay Joe. Kung hindi gagawin ni Joe ang paninising ito, hindi lamang siya makukulong kundi maaamin niya sa sariling siya ang nakapatay sa sundalong anak na si Larry. Kaya nga papasok dito ang ikatlong ibig sabihin ng dehumanisasyon, ang pag-aalis ng awa sa itinuturing na ugat ng kaguluhan, si Steve. Hindi kinaawaan ni Joe si Steve kahit nabulok na ito ng ilang taon sa piitan dahil kung maaawa siya, sarili niyang preserbasyon ang mapapariwara.
Subalit biktima ng dehumanisasyon mismong si Joe. Sa napasamang pagpupursigi niya ng American Dream, tinanggalan niya ang sarili ng mga pantaong katangian. Ayaw niyang sapitin ng anak na si Chris ang kahirapan niya noong panahon ng Depression kaya kahit hindi nakapag-aral, nagsikap siyang magtayo ng pabrikang ipapamana niya kay Chris matapos itong umunlad. Sa paghahangad niyang magkapera, naging sanhi siya ng kamatayan ng mga piloto ngunit sa mas malaking bahagi ng dula, nagpakamanhid siya upang mawalan ng emosyon—isang dehumanisasyon—at huwag aminin ang sa dulo’y napagtanto niya: pinatay niya ang lahat niyang anak. Para sa materyal na bagay, hindi inalintana ni Joe kung mapatay niya si Larry pati na ang iba pang piloto, kaya nga sa bugso ng damdaming galit ni Chris, nasabi niya sa amang daig pa ito ng mga hayop—isa uling pagtanggal ng pagkatao—sapagkat hindi magagawa ng mga hayop na patayin ang kanilang mga anak samantalang nagawa ito ni Joe. Natupad man ang kanyang American Dream, natanggalan naman siya nmg pagkatao dahil wala na siyang pantaong kakayanang pagdesisyunan kung alin ang tama at mali, at naging walang puso siya nang mas mahalagahin ang salapi kaysa sa mas mabigat na obligasyon niyang pag-aala-ala sa mga anak ng bayan.
Sa mga hindi kabutihang epektong ito ng modernismo, makikitang hindi lubusang natupad ng modernismo ang pangakong pagaanin ang buhay mula sa nakasanayang tradisyon ng buhay sa lipunan. Sa halip na bigyang ginhawa ang buhay ng tao, nasalamin sa dula ang dalawa sa masasamang bunga nito. Inabuso ang teknolohiya hanggang may nagbuwis na ng maraming buhay. Dagdag pa, naalisan ng mga katangiang pantao ang maraming tauhan para sa, halimbawa sa dula, materyal na bagay. Sa pagpapakitang ito ng mga kahinaan at limitasyon ng modernismo, ipinapahiwatig sa akin at sa mga kasama kong nanood na hindi mapapalitan ng teknolohiya ang Diyos sa kagalingan, kaya hindi ito kinakailangang buong-tiwalang panampalatayaan. Lalong hindi Diyos ang teknolohiya sa usaping pagkatao, dahil lumilikha ng Diyos ang tao samantalang kumikitil ng buhay ng tao at nangwawasak ng pagkatao ang teknolohiya.
No comments:
Post a Comment