the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Monday, June 04, 2007

hiwaga ng isang baliw: isang pagmumuni


Sa simbahan ko siya madalas nakikita, ang baliw na iyon. Tulad ng ibang taong grasa, madungis siya, buhaghag ang buhok, patpatin. Ngunit hindi gaya ng ibang taong grasang tahimik lamang habang nagkakalkal ng basura para sa tira-tirang pagkain o binubugaw ang mga insektong nagpipiyesta sa nanlilimahid na mga sugat, walang tigil ang kanyang pagsasalita, tila walang sinasayang na panahon para maisiwalat ang lahat ng gusto niyang sabihin. Lalapit siya sa mga papasok sa simbahan at uusal ng yaon at yaon ding babala, at dahil walang kasiguruhang nadarama na matiwasay makipag-ugnay sa mga taong itinuturing na kulang sa pag-iisip, lalayo ang mga kinakausap, tutuloy sa pagsisimba, iiwan ang baliw sa kanyang paulit-ulit na monologo.
Halalan ang isyu sa telebisyon, diyaryo, paaralan, tsismisan ng mga katiwala sa bahay, pati pari sa kanyang homiliya, sumawsaw sa sagradong teritoryo ng pulitika. Umeskapo ako sa bahaging iyon, nagpasyang magpahinga sa loob ng kotse, ngunit naagaw ang atensyon ko ng karibal ng pari sa labas ng simbahan, ang nagsesermon ding baliw. Naulinigan kong babala niya, “Malapit nang magunaw ang mundo. Magsipagbalik-loob na kayo sa Panginoon. Bilang na ang mga araw bago ipadala ang mga salot, ang ulan ng apoy, ang sugo ng Diyos na hahatol sa oras ng Paghuhukom!” Sa mga sumunod na napakinggan ko, may kaunting pagkakaiba sa mga salita subalit iyon at iyon din ang paulit-ulit na tema ng kanyang balita: na dapat magsipagsisi na ang mga tao dahil huhusgahan na tayo ng Maylalang. Malaman ang kanyang pananalita, ngunit walang sumeseryoso sa kanya lalo na sa nakakatakot na pangyayari sa hinaharap na sinasabi niya.
Tao siyang nakakabigkas, gaya ko, gaya ng paring namumulitika sa kanyang sermon, gaya ng mga pulitikong maya’t maya kong napapakinggang nakikiusap iboto para tuparin ang pangarap ko, ipaglaban ang demokrasya, gawing magara ang buhay, makapagtrabaho laban sa nakaupo. Sa pagsasalita niya, ipinapahayag niya ang kanyang sarili, ang kanyang nalalaman tungkol sa mundo. Nagsisilbi siyang tagapagsalita ng mga rebelasyon, ng nasusulat na mga hulang sasapitin ng sangkatauhan sa takdang panahon. Ngunit dahil sa kanyang hitsurang gusgusin, sa kanyang hindi nagbabago—makulit—na pahayag, hinusgahan siya ng madla bilang kulang-kulang sa pag-iisip, hindi dapat pagtuunan ng pansin, hindi dapat pakinggan.
Kung hindi pa ako nakinig sa kanya, hindi ko matutuklasang may saysay ang inihahatag niyang punto. Ilang milenyo na ang lumipas mula nang bigyang-kahulugan ng mga propeta ang mangyayari sa Apokalipsis, ang pagtutuos ng mga ginawa ng tao, ang paniningil sa mga pagkakasala, ang kapalarang naghihintay sa sangkatauhan sa Pangalawang Pagdating ng Panginoon, at heto, umaalingawngaw sa patyo ng simbahan ang boses ng umano’y baliw, isinasaad ang parehong propesiya. Makikita rin daw ang mga gaya niya, nakabihis nga lamang nang maayos, tumatayo sa gitna ng paglalakbay sa bus, pumupuwesto sa mga palengke, parke at iba pang matataong lugar, nagsasalita ng kinabisa nilang balitang tinipon pa ng mga propeta noong unang panahon. Mas mapalad pa sila kaysa sa baliw, nililimusan kasi sila ng barya, subalit sawimpalad sila kapwa, dahil hindi alintana kahit magsalita nang magsalita.
Dinarayo ko sampu ng sambayanang Katoliko ang simbahan para pakinggan ang sasabihin ng pari. Inaasahan naming hinugot niya mula sa Bibliya ang kanyang sermon upang mailapat namin sa araw-araw na pamumuhay, pumili siya ng madaling maunawaang mga salitang kakatawan sa kaisipang matalinghaga ng Diyos. Ngunit sa wakas, gaya ng pagdadaldal ng mga kandidatong sa isang banda ay nagbabantang susugpuin ang katiwalian at sa kabilang banda ay ipinagsisigawan ang dayaan sa bilangan ng boto, kalat-kalat ang tinatalakay na mga usaping pulitikal sa homiliya, nakakaumay dinggin. At ito nga ang naglapit sa akin sa kanya, sa baliw na hindi pinapansin ang presensya. Hindi man sadya, namangha akong may mabigat na hiwatig ang kanyang paalaala. Nag-iiba-iba ang gamit niyang mga salita, ngunit umuuwi sa isang sentrong kaisipan ang sinasabi niya: ang tadhana ng tao pagdating ng itinaning na oras.
Hindi ko mawari kung saan niya natutunan ang mga bagay na iyon, dahil wala akong kilalang tao, kabilang na ang sarili ko (hanggang ngayon), na sumeryoso sa mga baliw. Pasubali ko at mas malamang ganoon din ang iba, masyado akong abala para gawing seryosohin ang baliw, maraming dapat aralin, may pamilyang dapat asikasuhin, may negosyong hindi dapat pabayaan, may sariling buhay na aring aturgahin. Ngayong may pagkakataon ako kahit sandali na iwan ang mga kalat ng aking sarili, natuon ang atensyon ko sa kanya. Bukal ng katotohanan ang Bibliya ayon sa popular na pananaw, at ilan sa mga katotohanang ito, binibigkas ngayon ng baliw. Natutunan niya ito kung saan—ninasa niyang malaman?—maaaring dito mismo sa simbahang pinananahanan niya, kung kailan maliwanag pa ang kanyang pag-iisip, kung ituturing ko mang nagdilim na ito dahil nga baliw umano siya. Ngunit maliban na sa hitsura niyang hindi kaaya-aya sa panigin, ipikit ko lamang ang aking mga mata, mula sa taong may rasyunal na pag-uunawa ang namumutawing mga salita sa bibig niya: lohikal (dapat magsisi upang maisalba, makasalanan ang mundo kaya gugunawin), organisado (may sistema ng pag-uulit), maliwanag (dinadala ako sa kaunawaan gamit ang wikang naiintindihan ko at ng iba, sabihin mang hindi talagang iniintindi ng iba ang baliw ni ang sinasabi niya).
Mula sa kotseng kinaroroonan ko, hindi ko na kailangang lapitan pa siya para mapakinggan ang propesiyang ibinabalita niya sa nagsisiiwas na mga tao. Sa layo ko sa kanya (o lapit, sapagkat nakaparke ang sasakyan ng kulang dalawang metro lamang mula sa kinalulugaran niya), pinaalalahanan na naman niya ang publiko ang halaga ng pagyakap muli sa Diyos, upang paraiso at hindi impyerno ang kahantungan ng mga kaluluwa. Hindi siya nagdudunung-dunungan ‘di tulad ng ibang mapagpanggap sa kontemporanyong panahon; sa halip, sa pakikibahagi ko sa ginagawa niyang pagsisiwalat ng totoo, nagkakaroon ng kaisahan sa aking sarili sa dunong kong nagigising ng kanyang mahalagang tagubilin. Bukod sa pagkakaunawang mas kulang sa pag-iisip ang ilang tao kaysa sa baliw, naliwanagan akong merong esensya ang sinasabi ng kahit sa mga tinuturingan baliw gaya niya. Dahil pinakinggan ko siya, pinagtuunan ng pansin, sineryoso, kaya nga nagkaroon ako ng kaliwanagan. Ang katotohanang nakatakda para sa sangkatauhan na dahil sa kaabalahan ay muntik ko nang tuluyang makaligtaan, pagsasatinig ng isang baliw ang aagapay sa akin para muli kong matuklasan. Sa pakikinig sa pagmemeron ng isang baliw, natulungang mapalaya ako mula sa kadiliman.

1 comment:

  1. Anonymous1:17 AM

    hai panu po ba gumawa ng ganyan ? turuan nyo naman ako ?

    ReplyDelete