Argumentatibo ang pagpayag ng gobyerno ng Pilipinas na makipagsara sa Amerika ng Visiting Forces Agreement, sapagkat nakikita ng mga anti-Amerikano na tuwirang pagyurak ito sa kasarinlang umano ay pinasinayaan na ng kolonyalista mahigit kalahating dantaon na ang nakalipas. Nitong nakaraang linggo lamang, nagsipagdating na muli ang mga sundalo ni Uncle Sam para sa panibagong alon ng Balikatan Exercises, na ayon sa pamahalaan, isang militar na pagsasanay kapwa ng mga Amerikano at Filipinong sundalo bilang bahagi ng pagpapakita ng pagkakaibigan sa pagitan ng dalawang bansa. Matagal nang hinubad ang balatkayo ng pagkakaibigang ito na dili’t iba ay pinakikinabangan lamang ng Amerikano at ang paghahanda ay pagdamay sa bansa sa isang giyerang magsasa-panganib ng pambansa at pandaigdigang kapayapaan.
Dahil nga ang maigting na argumento ng mga anti-Amerikano sa pakikisama/pakikipagkaibigan/pakikipagsabwatan kay Uncle Sam ay pagyuko ng malaya (?) nating bansa sa imperyalistang kapangyarihan ng Amerika, pumili ako ng susuriing nobelang Filipinong magkukumpirma sa imahinasyong ito kahit pa nga ang huling pisikal na presensya ng mga Amerikanong sundalo ay sa pagsampa pa ng Dekada ’90, panahong nilalansag na ang huling base militar ng mga Kano sa Olongapo. Ang tinutukoy kong nobela ay ang Palanca-premyadong ’Gapo ni Lualhati Bautista (Mandaluyong: Cacho Publishing House, Inc., 1992), isang kalunus-lunos na kuwento tungkol sa “isang puting Pilipino, sa mundo ng mga Amerikanong kulay brown.”
Si Michael Taylor, Jr. ay bastardong anak ng isang puting G.I. at ng isang Filipinang nagpuputa sa United States Military Base sa Olongapo City, Zambales. Isang folk singer sa downtown, naging saksi siya sa mga kamalasaduhan ng mga kakulay niya at ang pagkapit sa patalim ng mga Filipinong ang karamihan ay may utak-kolonyal. Hindi kataka-taka kung gayon na “he hates Yankees” (pahina 8), dahil sa negatibong impluwensiya ng presensya mga Kano sa mga Filipinong naging mababa ang pagtingin sa sarili at kapwa Filipino, nahaling sa mga bagay na “imported…Corn Beef, Hersey, Baby Ruth, de lata, de bote, de karton…pop corn, tasty bread…Cosmopolitan at True Love…basta US” (pahina 45), naging pangunahing commodity at tagasalo ng problema sa mga bastardong Amerasian, prostitusyon, mga sakit-sekswal, paglabag sa mga karapatang pantao at iba pang krimen. “Naramdaman niya ang kirot ng isang libo’t isang pagsasamantala ng mga puti sa mga kayumanggi” (pahina 145) nang pinatay ng mga Kano ang kaibigang “yardbird” (pahina 110) na si Modesto sa loob mismo ng pinagtratrabahuang base, nang niloko at pinagnakawan ng isang Kano ang kaibigang baklang si Ali, nang iwan ng ama niya ang inang si Dolores at nang buntisin at paasahin ng isang GI sa ‘di-matutupad na American Dream ang kabahay na putang si Magda. Nagtagis din ang bagang niya sa mga Kanong nakapatay sa Clark at Subic ng mga Pinoy na pinagkamalang baboy-damo, at pumasok sa umano ay lupang Kano gayong ang lupang kinatitirikan ng base ay Pilipinas din.
Ang mga halimbawang nabanggit sa itaas ay mga patunay ng imperyalistang ideyolohiya na sa pagtuos ay sampal sa sinasabing pakikipagkaibigan ng bansa sa bansang Amerika. Malinaw na hindi mutwal ang benepisyong nakukuha sa ugnayang ito, bagkus ay ang panig ng Amerika lamang ang nakikinabang. Halimbawa: ang pagbabagsak ng mabababang kalidad o ‘di kaya ay expired na mga produktong imported ay isang mabigat na insulto sa ating kalagayang pangkonsumerismo at sukdulan ng eksploytasyon sa kapitalismo ng mga Kano. Ang ‘di-makatarungang batas na umiiral sa loob ng base ay pagyurak din sa ating kakayanang ibantayog ang ating konstitusyon laban sa sinumang tao higit sa mga dayuhang nakikitira rito. Pagkalagay din sa sosyo-pulitikal na panganib ang dulot ng paglaganap ng prostitusyong magsisilbi sa panandaliang-aliw ng mga dayuhan, ang pagtaas ng bahagdan ng mga krimen at paglabag sa karapatang pantao, at direktang pakikialam ng gobyernong U.S. sa mga isyung sinisikap sarilinin ng Pilipinas—neokolonyal na imperyalismo sa isang bansang nagtatamasa (?) na ng kasarinlan.
Bilang mapa sa kasalukuyan at sa mga pangyayari sa hinaharap, ang kasaysayan ay mahalagang salik upang malimitahan ang krusyal na mga kondisyong magpapahamak sa kaayusan o kasarinlan ng bansa. Ang tekstong “’Gapo” ay sintomas ng ganitong kasaysayan sa atin sa nakaraang isang dekada na nagmumultong muli sa pagkakasara ng kasunduan ng bumibisitang puwersa. Nadamay na ang Pilipinas sa giyera ng U.S. laban sa terorismo sa pag-alyansa nito sa pagdigma sa Iraq; maraming inosenteng buhay ang nabuwis dahil sa giyerang ito. May digmaan man o wala, ang pagparito ng mga kano bilang kaalyado umano natin ay isa uling maskarang dapat na hubdang mabilis, sapagkat higit sa anumang panahon, dumating na ngayon ang tunay na laban—ang pagdigma sa ating kasarinlan.
cool
ReplyDeletei9f90b0f23 l9i32i4e37 j8g15b4g13 o4y11z9k74 b2i38k0a08 e0u69t9f02
ReplyDelete