Kauna-unawa kung pabagu-bago man ang panlipunang konstruksyon ng isang salita dahil patunay ito na gumagalaw ang katuturan nito bilang sagot sa agos ng ebolusyon ng kabihasnan ng isang kultura gaya ng sa Pilipinas. Mabuti ang kahihinatnan ng salitang nagbabagu-bago ang konsepto dahil sa katotohanang hindi ito basta-basta mamamatay ayon na rin sa kadalasan ng paggamit dito ng mga tao.
Ang salitang bayan ay “[w]alang isa at esensyal na katuturan…dahil…mayroon itong pabagu-bago at magkakataliwas na katuturan sa awit at panulat ng iba’t ibang palaisip.”[1]
Mayroon itong bahid-katotohanan dahil iba iba ang kahulugan ng bayan sa panahong prekolonyal, kolonyal, nasyonalistiko hanggang sa poskolonyal. Sa panahong prekolonyal, kolektibong kamalayan ang katuturan ng bayan--nabubuklod ang bayan sa pamamagitan ng kanilang tradisyong oral na kinabibilangan ng kanilang mga awit, bugtong, salawikain, kuwentong bayan, alamat, epiko at iba pa.
Sa panahong kolonyal, oryental ang katuturan ng bayan--isang paganong lupain na dapat sakupin ng Imperyong Kastila at, kalaunan, ng Imperyong Amerikano upang paamuin sa kabangisan nito, pabutihin mula sa kawalang-asal, iligtas mula sa dagat-dagatang impyernong patutunguhan nito dahil sa animistikong paniniwala, ipakilala sa kaayusan at kaginhawaan ng modernismo at demokrasya. Ang mga produkto ng praylokrasiya at Katolisismo gaya ng mga relihiyosong awitin, pasyon, mga doktrina ng simbahan at iba pa ang gabay ng bayang naliligaw ng landas o ng nawawalang tupa patungo sa Diyos. Samantala, ang mga produktong may ekspresyong Kanluranin ang ginagawang batayan sa kababaan o kataasan ng antas ng ating kulturang kolonyal.
Sa pagbangon ng nasyonalismo at postkolonyalismo sa pagtatapos ng dalawang panahong kolonyal, lipunang may angking kasaysayan ang bayan bago pa man ito sakupin--isang lupaing may pinanghahawakang sariling kabihasnan at tradisyon na hindi kinakailangang manghiram pa ng pagkakakilanlan sa mga nanakop dito. Ang mga akda nina Jose Rizal at mga kapwa ilustrado, Francisco Balagtas, mga Katipunero at iba pa, at ang mga akda sa Ingles man o Filipino ngunit kakikitaan ng karanasang katutubo ang patunay na ang bayan ay isang kulturang maipagmamalaki at makapag-iisa.
Maraming historyador at historyograpo ang magkakakawing ang depinisyon ng bayan o nasyon o bansa dahil sa mga ideyolohiyang nakakaapekto sa kanila na napapalaganap naman sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga institusyong gaya ng akademya. Hindi man iisa ang katuturan ng bayan, patunay na buhay na buhay ang konsepto nito dahil sa kanyang kahalagahan sa ating kultura.
“Introduksyon.” Nasa Ginto at Bulaklak. Reyes, Francisco M., pat. Quezon City: Office of Research and Publications, Ateneo de Manila University, 1997, p.1.
g'day, just checking some cool blogsites.. I got urs in one of the lists in g4m, i hope u can visit mine too:
ReplyDeletewww.janashlee.blogspot.com
cherrio!.. ^_^