the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Monday, February 04, 2008

isang komparatibong pagsusuri sa tekstwal at pang-entabladong mga pagtatahanghal ng dulang “paraisong parisukat” ni orlando nadres


Sa tekstwal na pagtatanghal ng “Paraisong Parisukat” ni Orlando Nadres, ang monotono ay hindi mapasusubalian. Sa pagbabasa ko ng teksto, malabo sa akin kung anong uri ng emosyon inihahatid ang diyalogo. Kinakailangang malaman ko ang ibig sabihin ng ilang salita (at madalang naman ang sitwasyong sa pagbabasa ko ay may nabubuklat akong diksyonaryo), kundi ay mababalewala ang pagpapaintindi ng may-akda ng mensahe sa mambabasang katulad ko kung ang representasyon ng kanyang mga ideya at panitik ay nakapaloob sa ‘di-maintindihang mga salita. Resulta nito, nangangapa ako sa konseptong ibig ipahiwatig ng may-akda, o sa emosyong nakabalatay sa karakter na nagsasalita. Ang pagbanggit sa mga artistang sina Vilma Santos at Nora Aunor, kahit pa sabihing kilala ko pa rin naman sila, ay anakronismo nang matatawag dahil mas nakakakilala ako o sinumang kabataang kaedad ko ng kakontemporaryo kong mga artista. Ang atmospera at paligid ng dula, samantalang puwede rin naming maipinta sa pamamagitan ng mapaglarawang pananalita, ay mas malaking tulong sa pagganyak ng isipan kung may nakikita talaga ng mga mata. Dagdag pa, ang pakiramdam na kabagut-bagot ang pagbabasa ng panitikan ay nagpagrabe sa negatibong pagtrato ko sa paghila ng mga salita para matapos ko ang teksto.
Sa kabilang panig, ang paglalapat ng dula sa entablado ay nagbigay-buhay sa teksto dahil sa pagkakalapat ng galaw, ekspresyon ng hitsura, pananamit at kaukulang mga ilaw at props upang pakintalin ang nilialaman ng dulang nakatitik. Ito ay gumagalaw na literatura, kaya sa tradisyong Aristotlean (sa pilosopikong akda niyang Poetics) ay mas malamang na mararamdaman (dahil direktang nakikita ng manonood ang mga pagkilos) ang mga pangunahing emosyong awa (pity) at pagkatakot (fear) dahil may imitasyon (mimesis) ng mga aksyon (praxis) sa panig ng mga tauhan. Ang pagkakaroon ng gumagalaw na tatlong-dimensyonal na mga tauhan ay naglalatag ng pantaong emosyon na sa ordinaryong teksto ay lilikhain muna mula sa mga linya ng mga titik na kakatawan ng ideya, gaganyak sa isip at hahaplos sa pakiramdam. Para sa akin, mas madaling intindihin ang dulang pang-entablado kung sa puntong nakakaengganyo hindi lamang sa imahinasyon (kailangang ikunsiderang limitado ang midyum na ito dulot ng pansariling interpetasyon ng direktor at mga aktor) kundi pati na rin sa audio-biswal na aspeto (na limitado at nakakabitin ding matutuos). Ang pagsasakontemporaryo rin ng pagbanggit ng mga artista (sina Judy Ann Santos at Kristine Hermosa, sa halip na sina Nora at Vilma) ay mas naging relatibo at nakakakilala kami sa isinasadula. Ang pagdilim-pagliwanag ng mga ilaw ay nagdagdag din ng emosyong pinapalutang para sa mga tauhan (awa) at para mismo sa manonood (pagkatakot).
Sa pagbabasa ng teksto ng “Paraisong Parisukat” ay naeensayo ang kakayanan ng mambabasang tulad ko upang paganahin ang malikhaing imahinasyon sapagkat para sa akin, pinakaperpekto na ang panitikang mabubuo sa aking isip. Marahil, sa mga salik na nakapaligid sa akin, gaya ng kataasan o kababaan ng apresasyong pampanitikan, paniniwala at kultura, naaapektuhan ang pagtrato ko sa binasa kong teksto. Nakita kong mas epektibong pagtatanghal ang dulaang pang-entablado hindi dahil ibang mga tao (direktor at mga aktor) ang magbibigay-interpretasyon ng dula sa akin kundi mas nagbibigay-motibasyon sa akin ang galaw ng mga taong katulad ko kaysa nakatitik na mga salita lamang. Sa puntong ito, magkaiba kami ng tadhana ni Isya: ang paraiso ko ay hindi nakakulong sa parisukat na teksto.

No comments:

Post a Comment