the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Thursday, February 21, 2008

ang mukha ng kapwa at lipunan sa tanikalang guinto


Ang mukha ng iba ang nagtatalaga ng kaayusan, ayon kay Levinas. Sa pagkakahulagpos mula sa sarili, naaalis ang pagkilala sa sarili at nakikilala ang iba. Sa sedisyosong dulang Tanikalang Guinto, mukha ng iba ang sinasalamin ng kay Liwanag. Ito sana ang mukhang ng ibang magbibigay-kaayusan sa lipunan noong panahong nabuo ang dula, kung kailan nasa ilalim ng pananakop ng Amerika ang Pilipinas. Ngunit hindi pa nakakatakas sa kanyang sarili si Ma-Imbot; makasarili siya kaya sarili lamang niya ang kanyang nakikilala. Wala siyang pagkakataong makilala ang iba sapagkat sapat nang kaayusan ang kanyang mukha na walang pagtingin kung nagdudulot ba ng kasamaan ang ugnayan niya kay Liwanag. Wala siyang malay kung nasasaktan niya ang damdamin ni Liwanag o ang katawan nito sa bisa ng bigay niyang tanikalang ginto. Nahihiwatig man niya na may hindi tama sa mapaniil niyang relasyon kay Liwanag, sarili niya ang kanyang iniintindi dahil ito ang nakikita niyang tamang kaayusan. Wala siyang pagkakataong makilala ang iba para sana umusbong naman ang kanyang abilidad na makakilala sa pamamagitan ng paglagpas mula sa sarili.
Mukha ang pamamaraan ng iba upang ipakilala ang kanyang sarili nang higit pa sa kaisipan ng iba sa isang tao. Hindi kasama ang pamamaraang ito sa paghiwatig ng tema sa paningin ng iba, sa pagkalat ng kanyang sarili bilang mga kalipunan ng kalidad na bumubuo ng imahe. Ang mukha ng iba ang lagi nang sumisira at lumulunod sa plastik na imaheng naiiwan sa kanya. Ganito sana ang ibig mangyari ni Liwanag: ang ipakilalang higit pa siya sa dapat na iginagapos ni Ma-Imbot, dahil may sarili siyang hindi kailangang tanikalaan upang makilala ang sarili. Mukha ni Liwanag ang sumisira sa pagtingin ni Ma-imbot sa dalaga bilang mahina at walang kakayanang mapag-isa. Sa kalaunan ay nagpapakita ng poot si Liwanag dahil dapat kilalanin ni Ma-Imbot ang kalayaan niya, ngunit sa halip ay ibinilanggo pa siya.
Kalimitan, nakikilala ang mukha sa isang kaligiran—mukha ng isang kaibigan, mag-aaral, guro o mangingibig. Bakit? Dahil mas malakas ang nakikita kaysa nasasalita. Maaari ring dahil mga mukha ang tagpuan ng mga pagpapahiwatig at damdaming nagtuturo ng katauhan at pagkiling. Kaya nga mukha ni Liwanag ang nagpapahiwatig na kapwa siya ni Ma-Imbot ngunit hindi sila pareho ng kalagayan dahil pinangingibabawan siya ni Ma-Imbot. Itinali siya, at hindi hinaharap ang mukha ni Liwanag na kakikitaan sana niya ng paraang makahulagpos sa makasariling pagtingin sa mukha. Sa patuloy na pagpatay-malisya ni Ma-Imbot sa paghihirap na ipinapahiwatig ng mukha ni Liwanag, mapapatunayang sarili lamang niya ang kanyang kinikilala at hindi ang kapwa at lipunan.
Sa dulo, naparusahan din si Ma-Imbot sa makasarili niyang hangarin na walang pagkilala sa iba na siya niyang pamamaraan sana kung paano makikiugnay sa taong kapwa niya nabubuhay sa daigdig. Sa pagiging ignorante niya sa mukha ng kapwa at lipunan, naging hidi rin siya malaya. Hindi siya makahulagpos sa pagtingin sa sarili bilang naiiba samantalang ang ibang tao mga ang magpapakita na siya ay siya at ang iba ay iba. Ang mukha ng iba, kahit namamaskarahan ng kolorete, hikaw, pakisap, bandana at iba pa ay sinasalubong ang tao ng direkta at makabuluhan. Ang pagharap ng isang mukha sa ibang mukha ang nagsasara ng kahinaan ng isa at kamatayan. Hubad at kaawa-awa, iniuutos ng mukha ng huwag itong iiwan sa kalumbayan. Upang maiwasan ang nangyari kay Ma-imbot, dapat na salubungin at maging magiliw sa ibang nakakasalamuha bilang isang dayuhang lumalapit sa mga hungkag at makasariling pag-iral na nagpapasabing nandirito siya. Kung ano ang ibinibigay sa isang pagsasalubong ng mukha ay isang katotohanan ng malayang pagpahiwatig ng iba.

No comments:

Post a Comment