the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Monday, February 18, 2008

ang kalayaan ng pagkakatagpo sa tanikalang guinto


Simboliko ng hangaring lumaya mula sa bayang manlulupig ang dulang Tanikalang Guinto. Mangyayari ito kung hahayaang makasal si Liwanag kay K’Ulayaw, ngunit hindi ito papayagan ni Ma-Imbot, amain ni Liwanag. Sa pagkatawan (o pagkamukha) ng sakim na amain sa kolonyal na panginoon, ng binatang mangingibig sa mga rebolusyonaryo at ng dalagang iginapos sa tanikalang ginto sa pagkamulat sa kalayaan, makikita ang kasalimuutan ng kaisipang kalayaan base sa ugnayan ng mga tao sa lipunan.
Sa pagtatagpo ng mukha sa mukha, nagkakaroon ng batayan ang etika. Nagkaharap-harap ang mga tauhan ngunit si Liwanag ang pangkaraniwang uganayan ng magkatunggaling sina Ma-Imbot at K’Ulayaw. Nakikita nila sa kanilang sari-sarili na hindi magkapareho ang dalawang lalaki, dahil makasarili ang mas matanda samantalang nakilala na ng mas bata ang mukha ng kanyang iniibig kaya nga nagpupursigi siyang makalaya sa pamamagitan ng pagkakitang ito. Nakilala rin naman ni Liwanag ang iniibig sa mukha ni kaulayaw, ngunit dahil hindi kinikilala ni Ma-Imbot ang mukha ng pamangkin sanhi ng pananatili sa sarili, hindi siya hinayaan nitong magapakasal bagkus ay ginamit pa ang tanikalang gintong regalo sa kanya upang sikilin ang kalayaan nito. Ang pagtatagpong ito ng iba sa pamamagitan ng mukha ang naglalabas ng kahirapang pumipigil upang hindi magkapareho at makakapa ng tungkulin para sa iba mula sa sarili, gaya ng nadarama nina Liwanag at K’Ulayaw sa isa’t isa ngnuit hindi ng makasariling si Ma-Imbot. Sa pagkikilala sa isa’t isa ng mga mukha, nauugnay ng isa ang sarili niya sa isa pa. Samantalang kilala na ng magkasintahan ang mukha ng isa’t isa at nagkakaugnay sila upang hingin ang kalayaan, hindi naman makahulagpos ang amain dahil sa tanging nakikitang sarili.
Mas radikal pa ang pagkakaintindi ni Levinas sa mukha ng etika, dahil nauugnay ito sa pagkakahulugan ng isang kalayaan mula sa kahulugang natatanggap mula sa mundo. Namulat sa kalayaan si Liwanag sa pagkakakilala kay K’Ulayaw, kaya inihagis niya ang regalong tanikalang ginto dahil nasasakal siya sa ugnayan sa amain. May katuwiran sa mukha, ang tuwid nitong pagkabilad, nang walang pagtatanggol. Sa pagkakita sa mukha ng iniibig, hindi na kailangan pang pangatwiranan ang pag-ibig na nadarama dahil ang bawat ngiti at kislap ng mga mata, sumasagisag ng pag-ibig. Pinakahubad ang balat ng mukha, pinakakalunos-lunos. Naipararating nito kung masama o hindi ang nararamdaman nito sa pamamagitan ng hitsura. Nagtatagal sa pagkakabilad ngunit disente ang kahubdan dahil walang pag-iimbot—matapat sa sarili. Makahulugan na ang mukha sa kanyang sarili dahil inaaakay nito ang tao sa kawalan.
Gaya ng pagtrato ng panginoong kolonyal sa mga katutubo at sa pagkasakim ni Ma-Imbot para huwag makasal sina K’Ulayaw at Liwanag, hindi talagang pantay ang pagtingin ng isa sa kanyang sarili at sa iba. Sa hitsura ng iba na nakikita sa pamamagitan ng mukha, binibigyan ng importansya ang kanyang sarili. Bakit nga naman kailangang intindihin ni Ma-Imbot ang damdamin ng iba kung sarili lamang niya ang kanyang nakikilala? Samakatuwid, ito ay bago makaramdam ng pagpapahiwatig ng hangad na paglaya ng iba. Sarili muna ang kikilalanin, at kung nakaramdam na ng kalayaan, kumakawala dahil kumikilala na ng mukha ng iba. Tanging sa kalayaan lamang natatagpuan ang sarili, dahil ang kaibahan ng iba ang isang bagay na naghihiwalay sa atin sa iba, at nagbibigay-daan sa atin para makilala natin ang iba.
Mabuti na lamang at ang pagkakatagpo nina Liwanag at K’Ulayaw ay naging mabiyaya dahil hinayaan nilang umalpas sila sa pagkakakulong sa sarili. Samakatuwid, lumaya sila nula sa kanilang sarili dahil handa silang kumilala ng iba bilang pagpapalaya sa kanilang sarili. Nakikita nila ang iba na kakaiba, ngunit dahil sa hindi pagkakapareho ng magkasintahan, may maaalam sila sa isa’t isa at sa bawat pag-alam, lumalaya sila. Samantala, dahil hindi sumusubok kumilala ng iba ang amain, sarili lamang ang nito ang kanyang sarili. Wala siyang mapagkukumparahan ng kanyang mukha para makita sana niya ang kapwang may tungkulin tayong gampanan, sarili niya ang tangi niyang iniisip hanggang sa mabawi ang kanyang kalayaan ng pagkarit ni kamatayan.
Sa pagtagpo natin sa isa’t isa, masasalamin ba sa mukha ang paglaya?

No comments:

Post a Comment