Sa dokumentaryong pinanood hinggil sa mga kababaihan, inilalarawan ni Lourdes Calma ang halimbawa ng babaeng nakikibaka para tuligsain ang patriyarkal na lipunan sa rural na pamayanan. Isang pinuno ng kababaihang magsasaka, isinalaysay ni Lourdes ang masaklap na kalagayan ng isang babae sa bukid. Una, tinatrato ang babae bilang alipin at nagpapalala rito ang pagiging ignorante ng pamahalaan sa pang-aaliping ito. Dahil hindi rin pinapag-aral ang babae, itinatalaga lamang siya sa bahay samantalang may kakayanan naman sila, ayon kay Lourdes , na lumabas ng bahay para magtrabaho. Hindi rin maiwasan ng mga kababaihan ang humanap ng karagdagang kita sapagkat hindi maaasahan ang kakarampot na kita mula sa inaani sa bukid. Kinakasangkapan din ng panginoong maylupa ang militar upang buwagin ang binubuong union ng mga manggagawang tagabukid. Sa kanyang personal na karanasan, pinatay ang kan yang asawa dahil namumuno rin ito ng grupo ng mga magsasaka. Inulila siya ng asawa para suportahan ang lima nilang anak.
Sa mga isiniwalat ni Lourdes , maraming impormado ng patriyarkal na lipunan ang uusig sa kanya dahil sa pagsubok niyang baliktarin ang kapalarang laan sa mga kababaihan, ayon sa dikta ng machong lipunan. Ang mga institusyon ng pamayanang rural—ang panginoong maylupa, mga asawa, piyudalismo, ang gobyernong hindi kumikilala sa repormang agraryo—ang nagdidikta sa pagkaalipin ng babae, ngunit iginigiit ni Lourdes na mapalaya ang babae sa tanikala ng pagkalipin dahil may kakayanan silang magtrabaho nang higit pa sa pagbubungkal ng lupa. Kung sa bahay man naaalipin ng pag-aasikaso ng pamilya at ng asawang magsasaka ang babae, ibinukas din ni Lourdes ang daan para makitang hindi lang pantahanan ang kakayanan ng babae kung nakapag-aral man lang sana siya. Iginigiit niya rito ang karapatan sa edukasyon ng mga babae. Sa paglalahad na dapat maging maparaan ang babae sa pagkita nang higit pa sa naibibigay na barya-barya sa trabahong-bukid, sinusubok na palayain ni Lourdes ang babae sa kapalarang itinakda ng lipunan. Subersibo rin si Lourdes sa pagtuligsa sa militarisasyon sa kanayunan na sinasangkalan ng panginoong maylupa para huwag bumuo ng unyon ng mga magsasaka. Sa lahat ng nabanggit, ipinapakitang mabangis na babae si Lourdes dahil hindi siya nagpapasawata sa itinakdang limitasyon ng lipunang patriyarkal sa mga babaeng dapat tumalima lamang sa dikta ng lalaki. Magkagayunman, kahanga-hanga ang katapangan ni Lourdes para ibandera ang peminismo, durugin ang mapag-aliping alamat ng pagsunod sa lalaki ng babae at sikaping isulong nang isulong ang karapatan ng babae sa gitna ng pananalasa ng kawalang-katarungang panlipunan.
No comments:
Post a Comment