Panahon ng Martial Law nang maisulat ni Prof. Rene Villanueva ang Sandaang Panaginip. Isang represibong panahon ang Rehimeng Marcos, at sinumang mapagdiskitahan ng gobyerno dahil sa inaakalang pagtuligsa dito, hinuhuli at binibigyan ng leksiyon para magtanda. Dahil sa ganitong kalakaran, naburo ang karamihan sa mga intelektuwal ngunit may ilan ding hindi nagpasindak kaya
tinupad ang panlipunang tungkulin bilang manunulat: tulungang makapangyari ang pagbabago.
Isa na rito sa mga manunulat na hindi nagtago sa toreng garing ng pagkalimot si Prof. Villanueva. Nabuo nga ang Sandaang Panaginip, na isang alegorya ng isang kahariang inaabuso ang kanyang mga mamamayan para sa makasariling kapakanan ng kanyang monarka. Hindi mahirap ihiwalay sa imahe ni Imelda Marcos ang maaksayang tauhang si Reyna Leona: may obsesyon sila kapwa sa pagpapatayo ng mga gusali, magagarang kagamitan, at pagbagbag ng damdamin ng publiko sa pamamagitan ng pag-iyak. Hindi rin mahirap ihiwalay na ang kaharian ng Tralala ay walang iba kundi Pilipinas: isang lugar na nagpapasasa sa yaman ang iba samantalang nagugutom ang maraming mga mamamayan.
Komedya na may makabagong trato ang dula. Hindi iilan ang mga elementong makikita para patunayan na galing ito sa popular na anyo ng pagtatanghal noong Panahong Kastila. Ginamit ang mga elementong ito upang ipakita ang postkolonyal na mga pamamaraan ng pagkakabuo ng ating pagkakakilanlan. Una, galing sa mga awit at korido ng Europa ang naratibo nito. Parehong-pareho ang romansang Sandaang Panaginip sa takbo ng kuwentong nakikipagsapalaran ang mga dugong bughaw at naipapanalo nila ang laban kontra masama. Maramingpagsisinungaling ang inihanda ang Reyna Leona upang hindi maisiwalat ang magastos niyang pamamalakad sa Tralala, ngunit lumabas din ang lahat sa pagtutulungan ng magsing-irog na sina Prinsesa Yasmin at Prisipe Anshari.
Isa pang elemento ng dula ang pagiging moro-moro nito gaya noong sinauna kung saan naglalaban ang mga Kristiyano at mga Muslim. Nananalo sa mga ganoong labanan ang mga Kristiyano dahil pinapatnubayan sila ng Diyos samantalang pinapakitang masasama/hindi binyagan ang mga Muslim kaya matatalo sila. Sa dula, Kristiyano sina Anshari pati na ang nakalabang taksil na si Heneral Tulume, sapagkat kung si Tulume ay naging Muslim sa dula, magiging kontrobersyal ito sa mga umaayaw sa diskriminasyong pampananampalataya.
Isa pang elemento ang pagsasagawa ng entablado sa labas ng pormal na tanghalan dahil sa unang pagkakataon, itinanghal ang dula sa Cervini field, Pamantasang Ateneo. Mula tatlo gabi hanggang isang linggo isinasadula ang romansa; gayundin naman ang Sandaang Panaginip, na umabot ng higit isang linggo ngunit limitado ang pagpunta ng publiko dahil sa loob ito ng kampus bukod sa may kamahalan ang ticket. Nakalabas din ang mga upuan, ngunit hindi na kinailangan pang mga manonood ang magdala niyon.
Ang pagmartsa papunta at pababa ng entablado ay isang elemento rin ng dula noong sinaunang panahon. May koreograpo pang ginawa ang mga tagapagtanghal. Pati na labanan nila gamit ang arnis, angkop din sa komedya. May elemento ng kagila-gilalas sa pagtulong ng makapangyarihang diwata para mapagwagian ang laban ng mabubuti kontra sa masasama.
Ang mga kumbensyong ito ng komedya ay ginamit ngunit nilapatan ni Villanueva ng Filipinong anggulo upang huwag masabing hinango lahat sa mananakop ng bansa bagkus ay upang ipakitang ang dulang inangkat ay maaaring hiramin at ikustumbre sa konteksto ng ating bansa. Layunin ni Villanueva na maangkin natin nang tuluyan ang komedya bilang anyo ng pagtatanghal.
Maiuugnay ang mga kaisipang postkolonyalismo sa dula sapagkat lumitaw ang mga halimbawa nito sa maraming pagkakataon. May ipinakitang hybridity sa kahariang may anyong Oryental samantalang may anyong Griyego ang hardin. May ipinakita ring imperyalismo sapagkat tila isang imperyalista ang kahariang Parachibum na nagdidikta ng taning sa Tralala kung kelan dapat bayaran ang inutang na walong milyong bara ng ginto. Ang bricolage ng mga makasaysayan at makabayang clips na ipinapakita sa video wall habang may nagtatanghal sa entablado ay pakitang postkolonyal din. Sa isang banda, hindi Kanluraning kontaminasyon ang nakita ko sa Filipinong dulang ito kundi mga elementong inari natin bilang isang manipestasyon ng ating sariling pagkakakilanlan.
You've made some really good points there. I checked on the internet for more information about the issue and found most people will go along with your views on this web site.
ReplyDeleteHere is my web blog :: bristow