Sa pagdaraos ng Unang Pambansang Kongreso ng Komiks ng nagdaang buwan ng Pebrero 2007, ipinako ng midya ang atensyon ng publiko sa binubuhay na industriya ng komiks. Bukod sa balak na paglalalathala sa porma ng komiks ng sampung kuwentong bayan bawat bansa sa Timog Silangang Asya, balak din ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at Sining kaagapay ang batikang direktor at nobelistang si Carlo J. Caparas na magdaos ng patimpalak para sa mga nobelista at dibuhistang may interes sa genre ng komiks. Sumisigla na ang aandap-andap na liwanag ng komiks sa pamamayagpag ng binase ritong mga teleseryeng Bakekang (dati’y ng Darna at Captain Barbell) ng GMA-7 at ng seryeng Komiks (dati’y ng Panday) sa ABS-CBN, ng tagumpay sa iba-ibang midya ng grapikong nobelang Ang Mga Kagila-Gilalas na Pakikipagsapalaran ni Zsa Zsa Zaturnnah ni Carlo Vergara, at ng pagkakalathala ng mga grapikong antolohiyang gaya ng Siglo.
Sa pagkakasunud-sunod pa lamang ng mga aktibidades na nauugnay sa komiks, mahihinuha nang seryoso ang pagsisikap na buhayin ang industriya ng komiks. Masasabi ngang naghihingalo na ito dulot ng pag-usbong ng makabagong teknolohiya. Ang dating dinidibuho ng kamay, magagawa na sa pamamagitan ng kompyuter. Sa paglawak ng abot ng Internet, inagawan na nito ang komiks sa tungkuling magpalaganap ng kulturang popular. Dahil din sa pamumukadkad ng manga, anime, cartoons at comics sa ibang bansa, naaagaw ang mga magagaling sa Pilipinas dahil mas malaking magbayad para sa talento sa ibayong-dagat kaysa mga lokal na publikasyon, na nagsipagsara na ang karamihan dahil lipas na ang pamumulaklak ng komiks noong 1970’s hanggang 1980’s. Huminto na rin ang ibang mga manunulat sa paglikha ng prosang laan sa komiks dahil may mas malaking pagkakakitaan, sa telebisyon halimbawa.
Sa ganitong kalagayan ko napag-aralan ang grapikong nobelang “Aanhin Ko ang Lamig Kung Walang Init?” sa panulat ni Elena M. Patron sa at guhit ni Louie D. Celerio. Inilathala sa Liwayway nang humigit-kumulang isang taon mula Disyembre 2, 1985 hanggang Enero 19, 1987, nahahati ang nobela sa 60 yugtong nakasentro sa kakaibang drama sa buhay ng pamilya Reynoso. Tipikal kay Elena Patron ang makitungo sa mga melodramang nobela gaya ng mga akdang Kapatid Ko ang Aking Ina, Nagbabagang Luha, Oras-Oras, Araw-Araw, at Kislap sa Dilim. Isa ang “Aanhin…” sa mga nobelang dinibdib niyang sulatin noong maging staffer siya sa Liwayway, ang pinakamatandang lingguhang lathalain ngayon sa Pilipinas na pilit ginugupo ang mga suliraning panloob at pangkapaligiran upang makapagpatuloy sa pagtulay sa masa ng mga katutubong kaugalian at kultura. Umaabot sa 300 nobela ang inakda ni Patron kabilang na ang mga tapusang romansang nagpataob sa mga dayuhang romansang Ingles na tinangkilik noon ng masa. Ang nangungunang babaeng nagbigay-daan sa panitikang komiks sa bansa ayon sa American Journal, ginawaran si Patron ng Gantimpalang Quezon sa Panitikan noong 1993.
Pambungad sa kuwento ang paghahanda ni Mommy Becka Reynoso sa pagdating ng anak galing Amerika. Engrandeng Bienvenida party ang ipansasalubong kay Patti na isang dekada nang patay ngunit binuhay na mag-uli sa pamamagitan ng cryogenics, isang modernong siyensiyang pinagpailaliman sa bangkay ni Patti upang mapreserba sa lamig ang katawan hanggang sa takdang panahong subuking buhayin. Pinagtakhan ng mga inanyayahan ni Becka ang imbitasyon para makita ang pauwing dalagang namatay noong labing-anim na taon pa lamang dahil sa leukemia. Payak sanang prosang Tagalog ang nobela ni Patron ngunit ang henyo sa kanya ang humulagpos para pangunahan ng ilang taaon ang espekulatibong kuwento: sa kaso ng nobela, ang kaisipan hinggil sa cryonics (sa halip na ang naipagkakamaling cryogenics). Sa akda, unang pasyenteng nakinabang sa pagbubuhay ng patay si Patti, kaya nga hindi pa sigurado ang mga bunga ng pangmedikong eksperimentong ito. Ginamit ni Patron sa nobela ang ilang ipinapalagay ng mga sumusubaybay sa cryonics: ang pagkabura ng alaala ng pasyente dahil sa kawalan ng kakayanang ipreserba ang glandula ng utak.
Inaabangang mataman nina Becka at ina nitong si Guada ang paglapag ng pangalawang asawang si Ric at ni Patti mula sa eroplano. Ipinagtaka ng mag-ina ang pagkatakot humakbang. Umaayaw man, napilitang kargahin ng amain si Patti nang makitang mangiyak-ngiyak na ang dalaga. Sa kuwento ni Ric, hindi maiiwasan ang pag-aastang sanggol ni Patti dahil isang dekada rin itong nakalibing sa yelo at, samakatuwid, ang ikalawang buhay nito ay walang ipinagkaiba sa panibagong kapanganakan. Ayon sa cryonics, hindi maiiwasang masira ang mga tisyu at organo dahil katawan lamang naman ang hindi nabubulok dahil sa pagkakaimbak sa yelo. Nagdalawang-isip si Becka na ituloy ang pagprisinta kay Patti sa idinaraos na piging dahil nahinuha ng inang si Donya Guada ang ibubungang kahihiyan sa pamilya ng pag-aasal-sanggol ni Patti. Sinubok mang iiwas sa mata ng publiko sa pamamagitan ng pag-uutos ni Donya Guada sa tsuper ng sasakyan na ituloy sa bahay ng donya ang sasakyan, may bisitang lumapit sa kotseng kinalululanan ng pamilya na ikinagulat at ikinayakap ni Patti kay Ric. Walang nang pagpipilian sina Becka kundi ituloy sa bahay ang nahintakutang anak, samantalang duda naman ang bisita sa nakitang pagkakalapit nina Ric at Patti. Komentong panlipunan ni Patron ang bahaging ito: kahit ang mga marangyang uri ay may bahagi rin ng kanilang kahihiyan at minsan, ang maralitang uri pa ang magdidiin nito sa kanila, kung paanong sinabi ito ng tsuper nina Becka samantalang ni hindi siya kamag-anak kundi isang taong may pakialam sa mga usapan. Ang kani-kanina lang ay bukal ng tuwa at pagmamalaking si Patti, bagumbuhay nga pero kumikilos naman nang hindi akma at, samakatuwid, nang magdudulot ng kahihiyan.
Pagkadaan sa garahe, binihisan na ni Becka si Patti ng cocktail dress samantalang bihis na si Ric nang puntahan sina Becka para ayaing labasin na ang mga nasa piging. Ngumiti si Patti nang tila hinangaan ang kakisigan ni Ric sa suot nitong pormal. Nilambing ni Ric si Patti para ihanda ito sa pagharap sa publiko. Nakita sila ni Donya Guada kaya pinaalalahanan ni Donya Guada hindi nito nagugustuhan ang pagkakalapit nina Ric at anak-anakang si Patti. Dito na nagbabadya ang isyu ng Electra Complex sa nobela: pinapantasya ng anak ang ama (o padrasto sa kaso ng bata-bata pa at makisig na si Ric). Tila isang Lolita si Patti na walang muwang ngunit siya na mismo ang gustong magkaroon ng makamundong karanasan. Lilitaw din sa kuwento kung gaano katindi ang galit ng bidang Electra sa inang kaagaw niya ng pag-ibig sa ama.
Sa pamamagitan ng pasaring ni Donya Guada ay nahinuha ni Becka na nilalagyan ng malisya ng ina ang pag-aaruga ni Rick kay Patti. Sa una pa, hindi pinagkakatiwalaan ni Donya Guada si Ric dangan at mas bata ito kay Becka at sa hirap nagmula. Likas ang ganito sa Pilipinas kung saan masalimuot ang pag-aasawahan ng mga tao sa iba’t ibang antas panlipunan, kultura, at paniniwala. Inaakusahan ng mga elitista ang masa bilang hayok sa yaman, samantalang walang pagkakontento naman ang akusasyon ng masa sa mga elitista. Ang panggitnang uri, alinman ang mapangasawa sa dalawa, magiging isyu ang pagkaburgis. Sa paghahambing ni Donya Guada sa buhay bilang isang malaking tanghalan, naramdaman ni Becka na inaakala ng inang umaarte ng pagmamalasakit si Ric kina Becky at Patti. Napaiyak si Becka sa paratang ng ina smaantalang ikinasiya ng mga panauhin ang pagharap sa kanila ni Patti. Gumawa na lang ng dahilan si Ric para wala ni isa mang makalapit kay Patti.
Nag-aalaala naman si Orlando, kababata ni Patti, sa kalagayan ng dalaga. Bilang doktor at dahil na rin sa lihim na pagtangi sa dalaga, inialok nito ang libreng serbisyo para mabantayan si Patti. Pinalitan ni Becka ang asawa, na nakakahalata sa malisyang ibinibigay ng biyenan. Dito, makikita kung gaano kalakas ang impluwensiya ng lehitimong pamilya kesa napasabit lang. Mas matimbang nga ang dugo kaysa tubig, kahit pa ang bigat ng dugo ang nagpapahirap sa loob ng magkakadugo. Pinagtibay naman ni Ric na wagas ang pag-ibig nito kay Becka at tao siya, hindi ahas para magtaksil. Naisip naman ni Becka na kung tao, puwedeng magkasala. Paalis na si Orlan at iaabot na lamang ang mga rosas para kay Patti nang maabutang pinupupog ng halik ni Patti si Ric. Nagpatutsada si Donya Guada habang naghinanakit naman si Ric. Namagitan sa dalawa si Becka habang magkausap sina Orlan at Patti. Pinakuwento kay Ric ang mga naganap nang ilabas sa pagamutan si Patti na walang alam sa kanyang nakaraang buhay. Sa pagtugmang ito ng paglalarawan ni Patron sa mga katangian ng patay na binuhay sa pamamagitan ng cryonics, masasabing napangunahan niya ang kontemporanyong espikulatibong panitkan.
Sinimulang akitin ni Becka ang loob ni Patti ngunit pananakit lamang ang isinukli ng anak sa ina. Iniyakan ni Becka ang pagkalmot at pananabunot ni Patti. Kinalamay naman ni Ric ang loob ni Becka sa pagpapaliwanag at paghalik. Ito ang kalbaryo ng isang inang walang inintindi kundi ang kabutihan ng anak: ang gantihan siya nito ng kawalang-pagtanaw ng utang na loob. Sa halip na ibigay sa ina ang ibinibigay sa amain, kalmot at sabunot ang ibinibigay niya kay Becka. Mas nangingibabaw sa tauhan ni Patron ang pangangailangang sekswal sa ama (Electra Complex) kaysa pag-ibig ng ina.
Matapos magsimba, kumonsulta si Becka sa pari na nagsabing humihiwalay sa katawan ng tao ang kanyang kaluluwa kaya nga naitanong nito kung ano ang espiritung nasa katawan ngayon ni Patti? Nabagabag si Becka sa sinabing ito ng pari kaya ipinagtapat niya ang pakikipag-usap sa pari kina Ric at Donya Guada. Nakiusap na muli si Ric na bigyan ng pagkakataong mabuhay si Patti. Patunay ang bahaging ito ng impluwensiyang Kristiyano sa ating mga Filipino kahit sa mga aspetong teknikal: ang kaisipan ng pagiging galing sa Diyos ang espiritu at sa pagbabalik nito sa Kanya dahil sa kamatayan, anong puwersang hindi maka-Diyos ang ginigising ng mga taong mala-Diyos sa kanilang paglilikha (pagbabalik ng patay sa pagkabuhay)? Isyu rin dito ang pagpapatawad, dahil nasaktan man nang hindi lang sa pisikal na aspeto ang magulang, patawarin sana ang anak na hindi alam ang kanyang ginagawa.
Nang pigilan ni Donya Guada sa pagdede si Patti dahil malaki na umano ito at dapat nang kumain, kinalmot niya ito pati na ang nagtangkang umawat na si Becka. Kahit ang nars ni Patti, nahirapang awatin sa pananakit ang napakalakas na si Patti. Ang pagkakaroon ng kakaibang lakas ni Patti ay isang maka-Kristiyanong mungkahi na masama talaga ang pakialaman ang nilalang ng Diyos bilang pagsunod sa layaw ng kagustuhang magpaka-Diyos. Kung may ibang kaluluwa na nga sa katawan ni Patti, masama ang ibinunga ng cryonics sa kanya. Moral ang isyung ito kung ganoon: hayaan sa Diyos ang karapatang magbigay (at bumawi) ng buhay. Balik sa kuwento, kinailangan pa si Ric para maawat ang dalaga. Ayon kay Ric, dapat pagpasensyahan muna si Patti. Pinagpaliwanagan naman ni Ric si Patti na dapat mahalin nito ang kanyang ina. Tila gusto naman ni Patti na siya lang ang mahalin. Ngumiti at humalik si Patti kay Becka, na ikinatuwa ng huli.
Nang makakita ng naghahalikan sa telebisyon si Patti, gusto nitong gayahin nila ni Ric ang napanood. Ilan ito sa mga erotikong sundot ni Patron sa kanyang kuwento. Seksuwal na triyanggulo na sina Becka, Ric at Patti. Paghuhunos sa konserbatibo ang kalakarang ito upang manatili sa dimensyong popular ang nobela. Sangkap naman talaga ng komiks ang senswal patunay na ang ang paggising sa kamuwangan ng mga tauhan, gaya ni Patti sa nobela. Binawalan ni Donya Guada na makipaglapit si Rick ay Patti. Nang sitahin si Becka ng kanyang ina, muling nagpaliwanag si Ric na dalisay ang pagmamalasakit niya sa kanilang mag-ina. Habang nagpapaliwanagan ang mag-asawa, sinimulang turuan ni Orlan si Patti, na tila ayaw paboran ni Ric dahil sa selos o malasakit kay Patti. Nang makipaglaro ng kabayu-kabayuhan si Patti kay Orlan, nagpakitang kusa si Ric kaya sumugod ang dalaga sa kanya. Nang manita si Donya Guada, sinenyasan ni Patti na demonya ito. Nagalit ang lola kaya nagsalita nang masakit si Donya Guada sa manugang hanggang sa pagbuwelta nito ng alis ay hinila ni Patti ang paa nito at nadapa.
Ayon kay Orlan, madaling maapektuhan si Patti ng damdamin ng mga taong malapit sa kanya. Nang tawagin sila ng nars, nakita nina Orlan at Ric na mabilis matutong bumigkas ng mga salita si Patti. Pumapasok na naman nito ang isa pang elemento ng kagila-gilalas na realismo: una’y ang pagkabuhay ng patay, ngayon naman ay ang taliwas sa lohikang bilis na pagkatuto sa pagbigkas ng isang asal-sanggol. Nagbilin si Orlan na bigyan ng solid food si Patti dahil sensitibong pag-aalaga ang kailangan nito. Sumusunod si Patti sa itinuturo ni Ric maliban sa salitang “I love you” na tila inilalaaan nito para kay Ric. Pinaalaala ni Orlan ang magandang tinginan nila ni Patti ngunit umiyak lang ang dalaga. Nakatulog si Patti makaraang umiyak hanggang lagnatin kaya nabahala si Becka. Dinala nila ito sa pagamutan kung saan matiyagang nagbantay si Orlan maging si Becka. Hindi pa rin nagbago ang pakikitungo ni Patti kay Becka. Nakipagkumperensiya sa mga doctor si Orlan tungkol sa kaso ni Patti at issa ang hatol nila: mas higit na milagro kaysa tagumapy sa siyensya ang pagkabuhsy n muli ni Patti. Umuusbong sa tagpong ito na pati mga doctor na dapat ay nagsasalita sa purong wiak ng medisina, sumusundot na ngayon sa elemento ng supernatural. Kunsabagay, dahil nga sa Pilipinas naman ang konteksto ng akda, kapani-paniwala pa ring may mga doktor na isinasalalay sa Diyos ang lahat nilang pantaong kakayanan at, sa oras ng matinding kagipitan, himala pa rin ng Diyos ang pinananaligan. Tugma ito sa mataas na insidente ng faith healing sa atin kung saan hindi na abot ng abilidad pangmedisina ng doktor ang iniinda ng pasyente kaya tumataya na lamang sa pananampalataya.
Pinagagalitan na si Orlan ng kayang ina dahil sa masugid na pagsubaybay kay Patti, dahilan para hindi maasikaso ang sariling klinika. Hindi mapigilan ang doktor at nagprisinta pang siya ang maglalabas kay Patti. Ang gusto naman ni Patti, si Ric ang maglabas sa kanya sa pagamutan. Sinabi na lamang ni Orlan na naghihintay na sa bahay si Ric para gustuhin na nitong umuwi. Nang hindi makita, umiyak si Patti. Inayawan nang lantaran ni Patti si Orlan kaya minabuti ng binatang asikasuhin na ang klinika, na ikinasiya ng ina niya. Sa puntong ito, sina Orlan, Patti at Ric naman ang triyanggulo.
Nagkulong si Patti sa kanyang kuwarto kaya nangamba si Becka kung ano ang dahilan ng pananahimik ni Patti sa loob. Pinauwi nila si Ric para ito ang umamo kay Patti. Pagkatok pa lang sa pinto ni Ric, niyapos na nito ay hinagkan ang padrasto. Pasunod na ang mga sangkap ng kulturang popular sa Pilipinas kung saan mala-karnabal ang pagtatagni-tagni ng genre ng drama, komedya, sex, action, atbp. Nakulong sila sa kuwarto at muntik nang matukso si Ric sa anak-anakan kung hindi nabuksan ng susi ang nakasarang pinto. Nagtago sa banyo si Ric ngunit napilitang lumabas nang tawagin ni Becka. Nagulantang siya nang makitang halos walang saplot si Ric kaya nasampal niya ito. Nasabunutan ni Becka si Patti sa sobrang galit. Mas malakas pa rin si Patti kaysa sa ina at lola ngunit biglang nahimatay. Inasikaso ni Orlan si Patti samantalang nalaman ni Donya Guada na lumisan si Ric nang walang dalang bagahe at nagbitiw pa ito sa kompanya ni Becka. Nayanig ang lola sa posibilidad na isama ni Ric si Patti sa Amerika para pakasalan. Tuluyang nawalan ng tiwala si Donya Guada kay Ric. Balak namang ipasuri ni Becka ang kabirhenan ni Patti para patiyak na dalaga pa siya at hindi sila nagniig ni Ric. Galit pa rin ang mag-ina kay Pati kaya si Orlan na ang nagdala sa kanya sa pagamutan, kung saan interesado ang mga doktor sa kaso ng binuhay na bangkay. Sumugod din sa pagamutan si Ric at nagbilin kay Orlan na lalayo na ito at ipaliwanag kina Becka at Donya Guada na wala siyang kasalanan. Sa dulo ng nobela, may mga rebelasyon pang puno ng kagila-gilalas, biglang pagkalas sa kuwento, at iba pang elementong makapagpapanabik lalo na sa masugid na tagasubaybay ng komiks.
Matalino ang “Aanhin…” sa paggamit ng lamig at init sa maraming antas sa akda. Sa lamig napreserba ang bangkay ni Patti, at kailangan ni Becka ang lamig na ito upang buhayin ang anak, na lumitaw namang malamig ang pakikitungo sa kanya. Balewala ang ginastusan ng milyong perang lamig dahil hindi maibalik ang mainit na pagmamahal ng anak sa ina. Ang matindi pa, kaagaw pa niya ito sa taong muling nagbigay-init sa buhay niya: si Ric.
Isang talon sa pananampalataya ang ilang pag-iwas sa kumbensyon ni Patron para makapagbigay ng kakaibang putahe ng panitikan: ang paggamit sa kontrobersyal na cryonics upang mailarawan sa lipunan ang mga posibilidad ng pagbabago sa ating pagtingin sa siyensya, relihiyon, etika at moralidad kung magiging talamak sa hinaharap ang pag-iimbak ng mga bangkay sa yelo upang buhayin pagdating ng panahon. Nandoon ang pormula ng kulturang popular sa komiks: ang eskapismo, ang kagila-gilalas, ang nagbabagu-bagong genre ngunit higit pa dahil espekulatibo ang genre ng akda ni Patron. Sumugal ang Liwayway sa talino ni Patron at gaya ng mga tauhang sina Kenkoy, Kulafu atbp, memorable ang pampamilyang drama ng bangkay na muling nabuhay.
Bilang tugon sa panukalang buhayin ang industriya ng komiks, maimumungkahi kong basahin ang akdang ito ni Patron pati na rin ng iba pa niyang nobela o ng ibang pang serye sa Liwayway na buhay na buhay pa ang sirkulasyon. Sa mainit na pagtanggap kina Zsa Zsa Zaturnnah, Bakekang, Pedro Penduko at iba pa sa labas ng midyang komiks, hindi malayong matanggap ng publiko ang pangunahing midyum na tumulong nagpakalat sa masa ng ating pambansang wika. Sa muling pagbuklat natin ng komiks, isang yamang pambayan ang ating binubuhay dahil init ng ating pagtangkilik ang kailangan ng popular na talaan ng ating tradisyon, kultura at pagkakakilanlan.
It's going to be finish of mine day, except before end I am reading this great post to increase my know-how.
ReplyDeleteLook at my web page; ballancer
I am now not sure where you're getting your info, however great topic. I needs to spend a while learning more or working out more. Thank you for magnificent information I was in search of this information for my mission.
ReplyDeletemy website :: cavern