the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Friday, March 23, 2007

ang postkolonyal sa "basilia ng malolos"


Halaw mula sa nalathala noong 2004 na “The Women of Malolos” ng batikang kritiko, manunulat, guro at iskolar na si Nick Tiongson ang kontemporanyong zarzuelang “Basilia ng Malolos” na siya rin ang sumulat ng libretto, at idinirehe naman ni Jose Estrella sa musika ni Joy Marfil. Malapit sa puso ni Prof. Tiongson ang paksa ng kanyang likhang binigyang-buhay ng Dulaang UP ng Pamantasan ng Pilipinas sapagkat siya ay tubong Malolos, Bulacan at ninuno niya ang ilan sa sirkulo ng magkakabarkadang babaeng itinuturing na unang gumawa ng pemenistang pagkilos sa Pilipinas. Dalawampung dalaga sa pangunguna ni Basilia ang gumawa ng petisyon sa kolonyal na pamahalaan na magbukas ng isang paggabing paaralan kung saan sila makapag-aaral ng wikang Kastila. Hindi madali ang proposisyon ng magkakaibigan sapagkat sa pangkasaysayang tagpuan nila, matindi ang pag-ayaw ng mga prayleng Kastila na matuto ng wika ng inang mananakop ang mga katutubo dahil nga naman ang pagkatuto ng mga nasasakupan ay magpapantay sa kalagayan nila sa kalagayan ng mga mananakop—isang paghihimala sa kalagayang kolonyalismo. Bukod pa rito, hindi rin kaibig-ibig sa mga prayle ang mungkahing ito sapagkat ang pagkatuto ng mga katutubo ng Kastila ang maglalapit sa huli ng mga liberal na kaisipang nasusulat sa Espanyol, isang agwat na lamang ang layo sa pagpapalaya sa sariling bayan sa pamamagitan ng paghamon sa pamamalakad ng Espanya. Sa likas na kasigasigan ng mga dalaga, sukdulang makompromiso ang kahinhinan upang masuway ang mga prayle at malapitan ang makapangyarihang si Gobernador Heneral Valeriano Weyler, pinayagan silang magbukas ng panggabing paaralan para sa wikang Kastila. Mismong ang Pambansang Bayaning si Jose Rizal ang nagpugay sa tagumpay na ito ng mga dalaga sa pamamagitan ng pagsulat sa kanila mula sa Espanyang pinag-aaralan. Hindi man nagtagal ang paaralan dahil sa kagagawan ng umaayaw na mga Kastila, hindi nawalan ng loob si Basilia at gumawa ng mga hakbang mula pagsali sa Katipunan hanggang pag-aktong mediko noong Digmaang Pilipino-Amerikano upang maisulong ang pambabaeng pag-aalsa para sa kalayaan.
Ang huling salita ng nagdaang talata ang magsasaad na maiuugnay sa postkolonyalismo ang halaw-sa-kasaysayang dula. Bawat bayang napasasailalim sa kolonyalismo, nagiging biktima ng marahas na pagtutulak para tanggapin ang mga institusyon ng mga mananakop hanggang dumating sa puntong wala nang sariling pagkakakilanlan ang kolonya. Tungkulin ng mga katutubong ipagtanggol ang kanilang inang bayan sa pamamagitan ng pagpreserba ng pagkakakilanlan at sa pagpalis ng kontaminasyon ng mga banyaga. Hindi man maaaring isulat pang muli ang kasaysayan upang maituwid ang mga pagkakamali lalo na ang pagkakamali ng pagkapailalim ng bayan sa kolonyalismo, maaari pa rin namang magpatuloy ang bayan sa pagbuo ng kanyang nadurog na identidad sapamamagitan ng pagsulong ng kung ano ang meron siya pagkaraan ng pananakop.
Ganito ang masasalamin sa dula ng pakikibaka ni Basilia: ang pagtangging manatiling alipin ng ibang bayan at magsikap na makahulagpos sa tanikala ng pananakop. Sa paghiling na magkaroon sila ng paaralang mapag-aaralan ang wikang Kastila, gusto ni Basilia sampu ng kanyang mga kapwa babae na huwag silang igapos sa gawaing pambahay lamang taliwas sa itinakda ng lipunang pananatili ng babae sa loob ng tahanan upang magluto, maglaba, at iba pa nang walang pakundangan sa karapatang pantaong makapag-aral at magkaroon naman ng karerang dating eksklusibo sa mga kalalakihan. Pinalaya nina Basilia ang mga sarili sa pamamagitan ng pagsuway sa itinakdang mga kaasalang pambabae gaya ng pagtungo, paninikluhod at pagyakap sa bulag na pagsunod sa batas ng kalikasang lalaki ang mamumuno sa babae. Patunay ang pagsugod nila sa tinutuluyan ng Gobernador-Heneral kahit na nakabantay pa ang kontrabidang mga prayle. Gamit ang kanilang nakaaangat na ilustradong uri, gusto nilang makilala sa larangang hindi lamang itinakda ng lipunan para sa kanila, kaya nga kahit Katipunan at paglahok sa Digmaan ay pinasok ni Basilia at ng kanyang mga kaibigan. Kailangang masira ang pambabaeng konstruksyon ni Basilia upang maipagpatuloy niya ang pagpapalaya sa mga babae, gayundin sa inang bayan. Kahit na noong hindi matuloy ang kanyang kasal, hindi naging balakid ang pagiging matandang dalaga ni Basilia upang magbangon ng samahang Asociacion Feminista Filipina, Club de Mujeres de Malolos at iba pa bilang pagkilala sa pangangailangan ng Katipunang mapalaya ang inang bayan sa pananakop ng Espanya at Estados Unidos. Sa mga pakikibakang ito, binubuo ni Basilia at ng kababaihan ng Malolos ang pagkakakilanlan nilang nasira ng makalalaking batas ng kalikasan at kinakalakal ng pananakop pati na ng mga literatura ng kanilang panahon.
Postkolonyal ang dula dahil ang inangkat na zarzuela ay binigyan ng kalayaang ipakita ang pulitikal na kaisipan ng panahon kasabay ng tradisyunal na tugtugin at paglalaro sa tema. Pati mga Kanluraning awitin, nilapatan ng katutubong titik upang mamalas ang pagkampeon sa katutubo. Ang materyal mismo ay tila sibuyas na binabalatan unti-unti upang ipakita ang sapin-saping pagpapalaya sa mga babae mula sa makalalaking lipunan, kolonyalismo at kawalang-kaalaman at -katarungan.

No comments:

Post a Comment