Sa isang bansang gaya ng Pilipinas kung saan malaking katanungan pa kung tunay ngang malaya na ito mula sa pananakop o kung nakarating na nga ba rito ang mga galamay ng modernismo mula sa Kanluran, nakasisiyang isipin na may nga likhang-sining na nagbibigay-sintomas ng postkolonyalismo at postmodernismo. Samakatuwid, maaga sa tamang panahon ang pagpulot ng pulitika ng mga likhang-sining na ito. Isa sa mga ito ang Sandaang Panaginip ni Prof. Rene Villanueva. Maraming elemento ng dula ang makapagpapatunay na tumatakbo ito sa moda ng postmoderno at postkolonyal.
May postmoderno sa Sandaang Panaginip at pangunahin na rito ang pagwasak nito sa mga kumbensyon ng mga dulang tradisyunal. Pagbabalik sa nakagawian ang layunin ng huling pagsasadula, na makikita naman sa pagsusumikap nito na mag-umpisa at magtapos sa martsa, na gumamit ng bukas na lugar—ang Cervini Field ng Ateneo—imbes na pormal na tanghalan, na manatili sa kaharian ng mga abenturerong dugong bughaw, na magpakita ng pagtutunggalian ng mabubuti laban sa masasama, at marami pang iba. Gayunpaman, postmoderno naman ang pagtatagni-tagni ng luma at bagong pamamaraan ng pagtatanghal (halimbawa, kasuotang makaluma habang sa gilid, may videowall) o bricolage at pastiche: Postmoderno pa rin ang biglang pagputol sa naratibo upang bigyang-daan ang kantahan nina Reyna Leona o Prinsesa Yasmin o sayawan ng mga dama o ng moro-moro mismo (kahit pa hindi naman Muslim talaga ang nakalaban sa arnis nina Prinsipe Anshari habang naglalakbay).
May postkolonyal din sa komedya sa bisa ng pagtatalik ng Oryental at Oksidental na mga elemento. Sa tagpuan, Silanganin ang hitsura ng kaharian ng Tralala ngunit may hardin at mga haligi na inspirado ng kulturang Griyego. Ang naratibong inangkat mula sa Europa, nagtataglay ng mga dayalogo sa katutubong wika at ng mga tauhang may Kanluraning pangalan ngunit Oryental na hitsura. Imbes na gumamit ng Europeong engkantada o nympha, katutubong lambana at diwata ang ilang mga tauhan. Postkolonyal ang modang tinahak ng dulang ito sapagkat nilapatan ng katutubong anyo ang dapat sanang dominanteng Kanluraning likhang-sining. Sa bisa nito, nabigyan ng Pilipinong pagkakakilanlan ang dula ng mga taga-Kanluran kaya nabaliktad ang kalagayan: ang dating mga mananakop, sila na ngayon ang nasakop natin.
No comments:
Post a Comment