the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Friday, March 09, 2007

sandaang panaginip: isang muling pagsulyap


Madalas kong mapanood ang mga dula sa loob ng pormal na tanghalan, na ginagawa ng mga tao sa likod ng produksyon sa mga litaw na dahilan: nasa loob ng tanghalan ang mga basikong kailangan gaya ng mga ilaw, sound system, mga upuan, telon, bubong na panangga sa masamang panahon at iba pa. Sa pagkakataong ito na napanood ko ang Sandaang Panaginip ni Rene O. Villanueva, napansin kong iba ang produksyong ito sa karamihan ng mga palabas. Sa pangkalahatan, nalaman ko na hinulma ang dulang ito sa paraan ng pagpapalabas ng mga sinaunang komedya: itinatanghal sa labas ng gusaling tanghalan at malimit na sa lansangan o mga parang, dinarayo ng mga taumbayan dahil walang bayad ang panonood, at kailangang magdala ng upuan ang mga manonood para komportable silang masdan ang palabas. Komedya sa kontemporanyong panahon ang dula: ginanap sa bukas na Cervini field ng Pamantasang Ateneo, dinayo naman dahil rasonable ang presyo ng tiket, at nakahilera sa labas ang mga upuan. Samakatuwid, ang palabas na ito ay sinubok na balikan ang orihinal na kaisipan ng komedya sa panahon ng pananakop ng mga Kastila.
Sa panonood ng dula, maraming kaisipan at damdamin ang sumaakin. Halimbawa na rito ang alegorya ng dula sa kalagayan ng aking bansa sa ngayon. Ayon sa mga napag-alaman ko, simbolo ang dula noong Batas Militar sa Pilipinas. Wala namang akong nakitang malayong pagkakaiba sa dula at sa nangyayari ngayong paghihirap ng kahariang Pilipinas dahil sa kaaksayahan ng maraming Leonang nagsasabing pinuno natin sila ngunit hindi naman sa gawa dahil sariling mga ambisyon ang binibigyang katuparan at hindi ang sandaang libong panaginip ng taumbayan. Samantala, naramdaman ko rin naman na habang may ganoong mga walang-kuwentang pinuno ang kaharian ng Pilipinas, hindi matatahimik ang mga mamamayan sa pag-iingay para maiparinig ang kanilang mga hinaing. Pinapanood ko pa lang kung paanong magwaldas sa magagarang kasuotan si Reyna Leona pati na ang dalawa niyang anak habang nag-aalburoto sa kakarampot na sahod ang mga manghahabi ng Timog at nagugutom ang mga nasalanta ng kalamidad, naramdaman ko ang galit dahil tila walang pakialam ang mga taong iniluklok sa posisyon para mismo paunlarin ang buhay ng taumbayan. Nakasangkot ako sa dula dahil pinuno ko rin ang mga abusadong pinuno ng Tralala at isa rin akong mamamayang naghihinagpis dahil ayaw tulungan ng kaharian.
Ilan sa mga mayoryang suliranin sa kasaysayang Pilipino na sinuri ng dula ang diktaturyang gobyerno, abusadong mga pinuno at pagpapabaya sa bayan. Ang kaharian ng Tralala ay pinamamahalaan ng isang monarkang batas ang bawat sabihing salita kahit hindi na nararapat sa pagsulong ng kapakanan ng bayan. Noong panahon ni Marcos, diktador siya at lahat ng sabihin niya ay batas na dapat sundin kahit pa hindi naisasaalang-alang ang interes ng bayan. Gayundin naman, problema rin ang mga abusadong pinuno sa Tralala dahil naghihirap na ang mga mamamayan, nakukuha pang gastahin ang kaban ng bayan sa mga mamahaling damit at iba pa. May mga ganyan ding pinuno sa pamahalaan; nagpapasasa sila sa nakaw na pondo ng bayan samantalang dapat nilang gamitin ito para paunlarin ang kanilang nasasakupan. Panghuli, pinababayaan lamang ni Reyna Leona ang bayan sa halip na pagaanin ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng paglilingkod dito. Krimen din sa bayan ang pagpapabaya ng ilang pinuno rito dahil hindi sila tumutupad sa kanilang sinumpaang tungkulin na isulong ang kapakanan ng bayan sa halip na ang sa sarili. Samantala, dahil hindi naging malinaw kung naresolba ang mga suliranin ng mga tao matapos parusahan ang buktot na mga pinunong sina Reyna Leona, maaaring sinasabi nito na ang mga tunggalian sa lipunan ngayon ay paulit-ulit na lumilitaw at hindi matapus-tapos dahil matapos gawin ang inisyal na hakbang para sa pagbabago, walang kasunod na aksyon. Madaling nauubos ang tiyaga kaya balewala na ang nasimulan dahil hindi tuluy-tuloy ang aksyon tungo sa pagbabago at kaunlaran. Halimbawa, hindi matinag-tinag ang tunggalian sa pagitan ng mga elite at mababang uri dahil matapos ang makasaysayang People Power kung saan maaari sanang matulungang umunlad ang buhay ng mga mahihirap sa ilalim ng bagong gobyerno, may mga buwitre sa loob ng gobyerno na kinukuha para sa kanilang sarili ang nakalaang proyektong pangkaunlaran para sa mga mahihirap. Bunga nito, mas matindi ang pagkakahati-hati sa pagitan ng mga uring panlipunan.
Inangkat sa Europa ang dula o komedya o moro-moro nang masakop ng Espanya ang Pilipinas. Tangi ang komedya sa iba pang uri ng pagtatanghal sa dahilang nagtatagumpay ang protagonista sa pakikipagsapalaran laban sa mga patibong ng antagonista. Gaya ng nasabi na sa itaas, sa labas ng pormal na mga tanghalan isinasadula ang komedya, kalimitan sa mga daan o parang at pinapanood ng masa sapagkat libre ang pagpapalabas nito. Nagdadala ng sariling upuan ang mga manonood total at libre naman silang makakapanood. Ilan pa sa mga katangian nito ang martsa sa umpisa at dulo ng pagtatanghal, ang kinoreograpong labanan ng arnis sa pagitan ng mga Kristiyano at Moro (o ‘di binyagan), makukulay na damit ng mga Muslim kumpara sa mapusyaw na damit ng mga Kristiyano, banghay na kinauugnayan ng mga dugong maharlika. Sinubok ihalaw sa orihinal na komedya ang Sandaang Panaginip at nagtagumpay na maipakita ang marami sa mga katangiang ito: ang romansa o pakikiapgsapalaran, ang pagtatanghal sa isang bukirin na may nakapaligid na mga puno at kawayan, may mga upuan na hindi naman kinailangang
dalhin dahil nirentahan naman namin. May kinoreograpong labanan ng arnis sa pagitan ng batalyon ni Prinsipe Anshari at ni Heneral Tulume. Nagsimula at nagtapos din ang palabas sa isang martsa papunta at paalis sa entablado. Labanan ng mabuti at masama ang namagitan kina Anshari at Tulume dahil magkakakontrobersya kung ipriprisinta ang mga Muslim bilang masasama.
Maraming panitikan, palabas at media ang isinangkap sa dula at sa pagtatanghal nito at ilan dito ay ang alusyon sa dating Unang Ginang Imelda Marcos bilang waldas na reyna si Leona, ang motif ng wicked stepmother at evil stepsisters sa katauhan nina Leona at mga anak, ang motif ng maysakit na hari (kahit wala namang sakit talaga kundi gawa-gawa lang ng reyna), ang motif ng unica hijang ehemplo ng ganda at kabutihang loob, ang motif ng banyagang prinsipeng tagapagligtas ng prinsesa, A Midsummer Night’s Dream ni Shakespeare sa yugto ng mga nagsasayaw na lambana, clip shows sa video wall kung saan pinakita ang maraming yugto sa kasaysayan ng Pilipinas, ang motif ng fairy godmother, ang yugto ng hatinggabing sayaw sa pagitan ng prinsipe at prinsesa, tableau ng Katipunan, kundiman, aria, kulturang popular. Naging epektibo naman ang pagsasalu-salo ng lahat ng ito sa iisang dula dahil ang bricolage na kinalabasan ng lahat ay manipestasyon ng postmodernismo kung saan sabay-sabay na lumilitaw ang iba’t ibang uri ng mga pagkilos mula sa kung saan-saang genre o ginagawang nonlinear ang naratibo sa pamamagitan ng mga paningit na kantahan.
Parodiya ang ginamit na pagsasalaysay at pagtatanghal sa dula at madalas naming mapatunayan na mabisa ang nakatatawa ngunit pauyam na pagbatikos sa mga suliraning panlipunan. Kung pangkaraniwang pangyayari, manggagalaiti na tayo sa galit kung makitang isang pinuno ang nangungurakot ng kaban ng bayan pero kung nakakatawa ang paglalarawan sa kanya, sa pagtawa pa lang natin ay nakakabawi na rin tayo sa mga kabalahuraang ginagawa niya at ang sentro ng tawanang iyon ay siya mismo. Ginagawa siyang katawa-tawa sa parodiya dahil binibigyang-diin dito ang mga katangahan ng pinuno o ng mga maling desisyon niyang nagsasabing hindi naman pala siya singgaling ng akala natin o hindi talaga siya magaling sa kahit anuman. Si Reyna Leona, halimbawa, ay ipinakitang kahit anong katusuan ang gawin niya, masisiwalat din na marami siyang anomalyang ginagawa habang dapat na namumuno ng kaharian. Sa arte ng artistang gumaganap sa kanyang katauhan at sa takbo ng dula mismo, pinalitaw na katawa-tawa ang karakter niya bilang reynang tila may schizophrenia dahil paiba-iba ng emosyon depende kung anong ersonalidad ang ibig niyang ipakita. Ang pinunong tulad niya ay dapat na iginagalang ngunit sa kilos niya, hindi siya karapat-dapat irespeto bagkus ay dapat lang na tawanan at hindi seryosohin.
Napapanahon ang pagpapalabas ng ganitong uri ng mga dula sa unibersidad dahil ang panganay na proyektong ito ay isang postkolonyal na pakilos para bawiin ang pagkakakilanlan natin bilang mga Filipino. Ang pagsasaatin ng mga bagay na hiniram lamang sa mga banyaga at paglalapat ng katutubong kaisipan sa mga ito ay paraan ng pagbuo natin ng ating mga sarili matapos mabasag ng panamakop. Hindi naman na maibabalik ang panahon para maisulat sana muli sa kasaysayan na hindi na napadpad ditto ang mga Kanluranin pero sa pamamagitan ng mga postkolonyal na mga proyekto gaya ng Sandaang Panaginip, napapaunlad ang ating kultura at ang dating ginigipit na identidad ay humuhulagpos na ngayon upang pagtagni-tagniin ang kanyang sarili.

1 comment:

  1. Anonymous6:01 PM

    Keep this going please, great job!

    Feel free to surf to my web page; gondwana

    ReplyDelete