the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Monday, March 19, 2007

bata, bata, paano ka gagawa?: ang lagay ng sex education sa pilipinas


Itinigil ang pagpapakilala ng sex education sa pangkalahatang kurikulum ng mga pampublikong paaralan dahil sa maigting na pag-ayaw ng Kumperensiya ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas. Inaalmahan ng mga Obispong Filipino ang pagpapakilalang ito ng sex education na makagaganyak sa mga tin-edyer na sumubok makipagtalik bago ikasal kaysa manatiling dalisay, at iginiit na responsibilidad ng magulang ang sex education at hindi ng pamahalaan. Higit sa lahat, tinuturuan ng programang sex education ang paggamit ng artipisyal na kontraseptibo at kondom, na sumisira sa sagradong katuruan ng Simbahan sa pantaong seksuwalidad.
Samantalang totoo na bumabatay ang bansa sa istriktong batas moral, ipinapakita ng mga pananaliksik na ang ganitong gawi ay nagdudulot ng malalalang bunga. Isiniwalat ng mga datos mula sa The Young Adult Fertility and Sexuality Survey na isinagawa noong 1994 na 2.5 milyon (18%) ng mga kabataang may gulang 15-24 ang nakipagtalik sa labas ng kasal; mula sa 2.5 milyong ito, 74% o 1.8 milyon ang hindi gumamit ng anumang uri ng kontraseptibo. Ipinakita ng YAFS 3 na isinagawa noong 2002 ang bilang ng mga kabataang may gulang 15-27 na nakipagtalik sa labas ng matrimonyo ay lumaki ng 23%, o 4.9 milyon; sa bilang na ito, 70% o mga 3.43 milyon ang hindi gumamit ng anumang uri ng kontraseptibo (WHO 37-39). Dalawang bagay ang malinaw na isinasaad ng mga datos na ito: lumago ang bilang ng mga kabataang nakikipagtalik sa labas ng kasal nang maselang bahagdan, at mula 1994 hanggang 2002, marami ang hindi gumagamit ng anumang kontraseptibo sa kanilang karanasan sa pakikipagtalik.
Ikalawang aspetong bibigyang-pansin ang gawaing homoseksuwal ng mga kabataan. Ayon sa ulat ng WHO, ipinakita ng mga datos sa 1994 YAFS na 6.9% ng mga tumugon ang nakipagtalik sa kaparehong kasarian. Sa YAFS taong 2002, 11% (87% sa mga ito ang kalalakihan) ng mga kabataang aktibo sa pakikipagtalik ang may karanasan sa kaparehong kasarian (WHO 92). Isinasaad nito ang matinding pag-akyat ng bilang ng mga kabataang may karanasan sa gawaing homoseksuwal.
Panghuli, ikatlong aspetong pagmamasdan ang pagbabago sa pagkilos at pananaw seksuwal. Nagkasundo ang guro ng ARH sa Parañaque Science High School na si Rowena Reyes, at Rosalie Masilang ng Kagawaran ng Edukasyon na siguradong mas malaya ang kabataan ngayon kaysa dati. Binanggit ni Reyes na brutal ang pagpapakatotoo ng kabataan ngayon. Sa isang personal na panayam, nagkomento si Masilang sa bunga ng yumayabong na kuryusidad na naidulot sa kanila.
Hindi lamang naging napakalaya ng mga kabataan sa pangkalahatan kundi umani ng mas malaking kamulatan at pagpayag hinggil sa tumataas na bilang ng pakikipagtalik sa labas ng kasal at mga bunga nito (kasama na ang maagang pagbubuntis), pati na ang pagtanggap sa mga homoseksuwal. Bukod pa rito, isinaysay ng SPPR 02 ang tumitinding bahagdan ng pagpayag sa mga kababaihang maagang nakikipagtalik mula sa mga kabataan (POPCOM 22). Samantalang hindi naman kinakailangang likas na negatibo ang ganitong mga pagbabago, nagiging pangkaraniwang dahilan ang ganitong mga pagbabago sa gawi at pananaw para sa pagtaas ng pakikialam ng mga kabataan hindi lamang sa maagang pakikipagtalik, kundi sa mapanganib na gawaing pakikipagtalik na naghahatid sa pananalasa ng mga suliranin sa pakikipagtalik kaugnay ang mga kabataan.
Sa pag-aaral ng mga pagbabagong ito sa mga kabataan, isang interesanteng pagmamasid ang naisagawa. Kabilang ang paggamit ng kontraseptibo, gawaing homoseksuwal, at pagbabago sa pananaw at gawaing pakikipagtalik sa mga paksang tinatalakay sa edukasyong pampopulasyon (o sex education sa mas kilalang taguri sa buong daigdig). Kung maituturo ang mga paksang ito nang mabisa, mababantayan at magagabayan ang mga pana-panahong pagbabago sa mga kabataan. Mabibigyan ng pag-aaral ng kontraseptibo ang mga mag-aaral ng kaalaman na makapagliligtas sa kanila mula sa pagbaka ng mga suliraning gaya ng ‘di-pinaghandaang pagbubuntis, at maaaring bawasan ang panganib ng gawaing homoseksuwal, sakali mang gustuhin nilang gawin ito. Subalit, gaya ng nabanggit na, hindi itinuturo sa kasalukuyan sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang mga kontraseptibo. Samakatuwid, may isang malaking butas na sa kasalukuyang kalagayan ang edukasyong pampopulasyon. Isang malaking bahagi ng kaalaman ang naiiwanan sa pagpapatupad nito. Hindi mapatutunayang mabuti para sa mga kabataan ngayon ang kakulangan sa kaalamang ito sa nasabing bahagi. Sa katotohanan, maaaring masamang balita para sa mga kabataan kung hindi sila tinuturuan sa kontraseptibo. Tinatanggal nito ang pag-iral ng pagpili: hindi lahat sila ang makaaalam na may mga sukatang pampigil sa inaayawang bunga ng pakikipagtalik, kahit pa nagbabago ang panahon at umuusbong para isama ang mas mulat na kaisipan at buhay pakikipagtalik. Hindi kinakailangang negatibo ang mga ganitong panaka-nakang pagbabago sa kabataan. Ngunit maaaring ‘di-direktang sila ang sanhi ng maraming kabataang dumaranas ng suliranin sa pakikipagtalik sa ngayon.
Isang suliranin ang lumalalang bilang ng mga kabataang walang alam o mali ang pagkatuto hinggil sa STD, lalo na ang HIV/AIDS. Ayon sa datos ng SPPR 02 mula sa YAFS taong 1994 at 2002 YAFS, kahit na 95% ng mga tumugon ang nakarinig na sa AIDS, 12% sa taong 1994 ang naniniwalang may lunas ang AIDS. Nakaaalarma noong 2002 sapagkat dumoble ang bilang na ito sa 28% (POPCOM 28). Isinaad ng ulat ng WHO na 60% ng mga tumugon ang nag-iisip na walang pagkakataong mahawahan ng HIV/AIDS, at 12% sa kanila ang hindi makahula ni isa mang tamang paraan ng pagkahawa para sa HIV/AIDS. 65% lamang ang nakahula ng tumpak na STD—dahil marami sa mga kabataan ang aktibo sa pakikipagtalik, hindi mahalaga ang 65% (WHO 50).
May pagbaba sa katamtamang gulang ng unang pakikipagtalik. Ayon sa 2002 YAFS, 1.2% ng mga kabataang aktibo sa pakikipagtalik ang gumagawa nito bago sila naging 13. Lamang, pagsapit ng gulang 18, tumataas ang posibilidad na makikipagtalik ang mga lalaki ng 28% para sa mga lalaki, at 12% para sa mga babae (UPPI 2005).
Ipinakita nang mas maaga ang mga bilang hinggil sa pagtaas ng bahagdan ng mga kabataang maagang nakikipagtalik. Kailangan ding maipaalam na mula sa 4.9 na milyong maagang nakipagtalik, kagila-gilalas na bilang (94%) ang nagsabing hindi ito isang bagay na ginusto nilang mangyari sa ngayon at hindi sila handa sa mga ibubunga. Subalit iniulat ng SPPR 02 na minsang gawin ang maagang pakikipagtalik, maaaring mangyari itong muli sa parehong kasiping o sa iba.
Isa pang suliranin sa pakikipagtalik na kaugnay sa kabataan ang umaakyat na bilang ng mga kabataang gumagawa ng mapanganib na pakikipagtalik. Sa SPPR 02, binibigyang kahulugan ang mapanganib na pakikipagtalik kung saan isa o parehong magkasiping ang hindi pisikal at sikolohikal na may katandaan at hindi handa para sa mga posible ibubunga. Habang mas maaga ang pakikipagtalik., mas nagiging mapanganib ito (POPCOM 28, 29). Ayon sa papel pananaliksik ng mga may kinalaman sa sarbey ng UPPI, tumaas ang mapanganib na pakikipagtalik sa mga kabataang Filipino mula 23% noong 1994 patungong 27.1% noong 2002. Nasa 34% ang mga kabataang aktibo sa pakikipagtalik ang may higit sa isang kasiping, na patunay ng mapanganib na gawain. Dagdag pa rito, 60% ng 78% kabataang lalaking aktibo sa pakikipagtalik na umaming hindi gumamit ng kondom ang nag-ulat na komersyal ang kanilang pakikipagtalik (WHO 43). Gayundin, iniulat ng YAFS 2002 na ang mga kabataang lalaking ito na nag-ulat ng pakikipagtalik sa kapwa lalaki “ang tila kumakapit sa pag-aakalang walang kaugnayan sa kaso nila ang pag-ugali ng ‘di-mapanganib na pakikipagtalik” (UPPI 2002). Sa ganitong tindi ng mapanganib na pag-uugali, mas nanganganib ngayon ang mga kabataan ngayon sa STD at iba pang bunga.
Hindi humihinto rito ang suliranin sa pakikipagtalik kaugnay sa mga kabataan. Ipinapakita rin ng mga pag-aaral na mali ang kaalaman ng mga kabataan hinggil sa kontrasepsyon. Mula sa mga datos noong 1994 YAFS na iniulat ng WHO, “27% ng kabataang Filipino ang naniniwalang umiinom ng pildoras bago o pagkatapos ng pakikipagtalik at 17% ang naniniwalang ipinapasok ang tubule ligation sa babae bago makipagtalik.” Gayundin, 4% lamang sa mga tumugon ang kinukunsiderang marunong sa pagpaplano ng pamilya (WHO 48, 47).
Isa sa mga malalaking balakid sa Edukasyong Pampopulasyon ang protesta ng CBCP. Ayon sa isa sa mga tagapagsalita, si Dr. Angelita Aguirre, inirereklamo nila ang mga sumusunod na matatagpuan sa Gabay sa Leksiyon sa ARH: ang kakulangan ng pagbibigay-importansya sa kasal bago ang anumang pakikipagtalik, ang paglalagay ng POPED sa iba pang asignatura maliban sa biyolohiya, ang pagsususog ng hindi-ipinapasok na akto ng pakikipagtalik gaya ng oral na pakikipagtalik, at ang partikular na kasabihang “normal na bahagi ng paglaki ng kabataan ang pag-eeksperimento” (Department of Education 56). Isa pang tagapagsalita ng CBCP, si Atty. Jo Simbong, ang nagprotesta laban sa isang talata na nagsasaad na bukal ng kaligayahan ang pakikipagtalik bukod sa pagpaparami. Dahil sa kontrobersyang nilikha ng modyul na ito, iniatras ito noong Hunyo 19, 2006 at nakabimbin ang pagbabalik ng pagpapatupad nito sa kasalukuyan.
Sensitibong isyu ang pagresolba sa ganitong balakid dahil malaking bahagdan ng mga Filipino ang Katoliko at maaaring pumanig sa CBCP pagdating sa ganitong mga bagay. Samantala, kailangang ikunsidera na ang mabisang pagpapatupad ng POPED, gaya ng natalakay na kanina, ay siguradong mangangailangan ng edukasyong kontraseptibo. Hindi kumpleto and POPED kung wala ito dahil mahalagang salik ito sa pagpigil ng hindi ginustong pagbubuntis at STD. Samantalang ideyal ang kasal bago anumang akto ng pakikipagtalik, ipinapakita ng mga katotohanan at bilang mula sa 2002 YAFS na hindi ito makatotohanan. Hindi mawawala ang suliranin kahit hindi man ito banggitin sa mga gabay aralin. Gayundin, mapipigilan ng hindi pagsasama ng kaisipang POPED sa kurikulum sa pagtingin dito sa isang klinikal na pananaw kung isasama lamang ito sa Biyolohiya. Dagdag pa rito, palso ang pagsasabing abnormal ang eksperimentasyon bilang bahagi ng paglaki ng kabataan, sapagkat katotohanan na pangkaraniwan sa mga lumalaking kabataan ang eksperimentasyong seksuwal. Sa isang biyolohikal na persperktibo, maraming tin-edyer ang maaari nang maging reproduktibo, kung kaya hindi tago ang eksperimentasyong seksuwal habang nagdadalaga o nagbibinata. Panghuli, hindi makatotohanan ang kalabanin ang katotohanang hindi bukal ng kaligayahan ang pakikipagtalik. Hindi dapat turuan ang mga mag-aaral na hindi nakaliligaya ang pakikipagtalik; dapat silang turuan na maging responsable sa paghawak sa kaligayahang ito. Hindi mahahadlangan ng pagpigil sa kaalaman ng mga mag-aaral ang kuryusidad at pagbigla-bigla—ngunit ang pinakamalahagang aspeto niyan ay matutunan nila ito sa isang kapaligirang walang malisya. Samantalang ayaw ng CBCP ang kasalukuyang implementasyon ng edukasyong pampopulasyon, sinusuportahan naman ng ibang organisasyong Katoliko, partikular ang Catholic Educational Association of the Philippines, ang POPED. Hindi layunin ng POPED ang hayaan ang paggamit ng kontraseptibo, ngunit gamitin ang kaalamang ito para maikalat sa mga mag-aaral at makagawa sila ng matalino at responsableng hatol. Samantalang ayaw ng Simbahan sa kontrasepsyon, dapat na maikalat ang kaalaman dahil may karapatan ang mga mag-aaral sa impormasyon at wala nang legal na kapangyarihan ang Simbahan sa atas ng pamahalaan.
Pangalawang hadlang ang kakulangan ng suporta mula sa maimpluwensiyang sektor na nakaaapekto sa mga mag-aaral. Isang halimbawa ang matigas na protesta ni Mayor Lito Atienza ng Maynila hinggil sa pagtuturo ng POPED, na nagsasabing gagawin niya ang lahat ng makakaya upang pigilin ito sapagkat hindi katanggap-tanggap ang kurikulum at idinagdag na sa bahay ito dapat ituro at hindi sa paaralan. Gayundin, ayon sa ulat ng WHO, “hindi ipinapaalam na umiiral ang suliranin” ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, at tumatanggi ang ilang mga magulang sa pakikilahok ng kanilang mga anak sa mga aktibidad kaugnay ang edukasyong pampopulasyon. Binaggit din na sentro sa mga proyekto ng Sangguniang Kabataan ang pag-unlad pampalakasan at hindi ARH (WHO 98).
Pangatlong hadlang ang suliranin sa badyet. Nasambit ni Rosalie Masilang ng Kagawaran ng Edukasyon na samantalang mabuting proyekto ng pamahalaan ang POPED, pinapahina ang diskarte nito ng kakulangan sa pondo at pag-asa sa panlabas na pondo gaya ng United Nations Population Fund. Pinakamainam na paraang magreresolba ng suliranin ito ang pagbigay-pansin sa mga suliranin ng POPED na kinakaharap ng bansa, at ang pagkilala sa bigat ng mga suliraning ito upang magtamo ng kaukulang pondo na magagamit sa mga proyekto ng edukasyong pampopulasyon.
Binubuo ng pang-apat na hadlang ang tatlong pinakamalakas na argumento laban sa edukasyong pampopulasyon. Una ang argumentong ang kasalukyang pamamaraan ng POPED ang pagsuporta sa leksiyon sa ligtas na pakikipagtalik, at hindi bumabatay sa mga prinsipyo ng pag-iwas. Muli na namang makikita na habang ideyal na prinsipyo ang pag-iwas, hindi matatawaran ang katotohanan at bilang na maraming kabataang Filipino ang maagang nakikipagtalik; ituon dapat ang mga kautusan na lulutas sa suliranin sa halip na magkunwaring gustong umiwas makipagtalik ang lahat ng kabataan. Ipakita dapat sa mga kabataan ang pag-iwas sa harap ng edukayong kontraseptibo. Dalawang magkaibang pagpili ang pag-iwas sa pakikipagtalik at pagpatol sa ligtas na pakikipagtalik, na parehong dapat ipaliwanag at ipaalam sa mga mag-aaral.
Ikalawang argumento ang pagtutulak umano ng edukasyong pampopulasyon sa mga nagaganyak na kabataang magpakalango sa pakikipagtalik. Sa katotohanan, maraming pag-aaral ang nagpapakita na mabisa ang POPED kung maipatupad nang maayos. Nasambit ng guro sa pampublikong paaralan na si Rowena Reyes na makaraan ang inaasahang pagkamahiyain sa simula ng mga leksiyon sa edukasyong pampopulasyon, hahangarin ng mga mag-aaral na matuto kapag iprinisinta sa kanila ang aralin nanag walang malisya. Susi rito ang pagpapatupad nang wasto sa POPED—diretsahan, walang pasaring o ligalig—upang positibong matuto ang mga mag-aaral mula sa leksiyon sa halip na gamitin ang kanilang kaalaman upang palawakin pa ang kanilang karanasan sa pakikipagtalik.
Ikatlong argumento ang pagsasabing dapat sa bahay ituro ang POPED, kasama ang mga magulang. Lamang, makikita sa mga datos ng 2002 YAFS ang ulat na hindi matiwasay ang pakiramdam ng mga kabataan sa pagtalakay ng pakikipagtalik kasama ang mga magulang at mas magaan ang pakiramdam kapag sa mga kaibigan (UPPI 2002). Gayundin, dapat asahang hindi lahat ng mga magulang ay maalam sa mga wastong kaalaman na ililipat sa mga anak. Malaking papel ang ginagampanan ng mga magulang sa pagtuturo sa mga anak. Subalit hindi gaya ng mga magulang, may natatanggap na pagsasanay ang mga guro sa programang POPED mula sa Kagawaran ng Edukasyon. Mas malamang na mas wasto at pare-pareho ang kaalaman maituturo ng mga guro. Kung gayon, samantalang mahirap siguruhin na matuturuan ng mga magulang ang mga anak sa tamang paraan, mas madaling siguruhin ang itinuturo ng mga guro sa paaralan. Dapat na naroon ang paaralan upang punan ang kaalamang pinagkulangan ng mga magulang at iwasto ang anumang maling kaalaman na itinuro sa mag-aaral habang nasa tahanan.
Samantalang lumalaki ang bilang ng mga kabataang pumapatol sa mapanganib na pag-uugali, patuloy na bumababa naman ang kalidad ng edukasyong pampopulasyon. May pangangailangang iwasto sa edukasyong pampopulasyon—marami rito ang mali, kulang, o hindi sapat na naikalat, at hindi lamang ang payak na tanong hinggil sa pagpapatupad nito. Pinapatibay ng nakatatakot na estadistika ang katotohanang hindi kayang alisin ng pamahalaan ang edukasyong pampopulasyon. Sa dulo nito, maliwanag na higit pa sa dapat asahan ang tulong ng sex education sa mga kabataan. Pinapaalaman sila. Inihahanda sila. Tinutulungan sila. Kung susundin ang kahilingan ng Simbahan Katoliko at magbabadya ito ng libu-libong kabataang Filipino na matatagpuan ang kani-kanilang sarili sa mga kalagayang gaya ng maagang pagbubuntis, pag-uugaling homoseksuwal, o pagdurusa sa STD dahil sa kakulangan sa wastong edukasyon, kung gayon ay dapat nang ipagpatuloy ng pamahalaan na tanggalin ang sex education sa kurikulum ng paaralan. Lamang, inihahatag ng papel na ito ang malinaw na hatol. Magturo, samakatuwid. Walang duda. Magturo.

1 comment:

  1. Anonymous4:52 PM

    I am regular visitor, how are you everybody? This
    piece of writing posted at this website is truly fastidious.


    Feel free to visit my web-site - longpreston

    ReplyDelete