Magkaiba ang istruktura ng pamilya sa Litisang Bilog ng Caucasus at ng sa Labaw Donggon.
Sa Labaw Donggon, machong-macho ang bayaning si Labaw Donggon dahil tatlo ang naging asawa niya mula sa lahat ng antas panlipunan, isang basehan ng pagkakakilanlan ng kapangyarihan. Napangasawa niya sina Gintibitinan na galing sa bunga ng ilog, Doronoon na mula sa ilalim ng lupa at Nagmalitong Yawa na galing sa langit. Samantala, sa umpisa’y biktima ng Madonna/whore binary si Grusha dahil naeeskandalo siya sa pagkakaroon ng “anak” na si Michael gayong wala naman siyang asawa. Tuloy, inaakalang disgrasyada siya. Kaya nga, upang makaiwas sa pag-aalipusta ng lipunan, nabiktima naman siya ng patriyarka nang mapilitan siyang magpakasal sa isang nagsasakit-sakitang lalaki para may maging padre de pamilya. Habang tatlo ang asawa ni Labaw Donggon, isa lang ang kay Grusha, dahil nadiborsiyo muna siya bago nagging karapat-dapat ipakasal sa sundalong kasintahang si Simon.
Bukod sa nabanggit, hinamon sa Labaw Donggon ang institusyon ng kasal upang makapagpakasal ang isang nakatataas sa antas panlipunan sa isang nakabababang antas. Nahirapang maghanap ng asawa sa langit si Labaw Donggon dahil sa kaibahan niya ng antas, ngunit nang mapangasawa si Nagmalitong Yawa na mayaman, hinamon niya ang sagabal sa pagpapakasal nito. Samantala, kasal-pangginhawa o marriage of convenience ang nangyari kay Grusha sa Litisan. Katulong lamang siya sa bahay ng gobernador at mahirap kaya walang pambuhay at pambahay kay Michael. Kinailangan niyang magpakasal sa isang nakatataas ng antas sa lipunan upang miasalba ang naging pamilya niyang anak ng kanyang amo.
Panghuli, nakasalalay sa pamilya ang pagiging bayani ni Labaw Donggon. Sa impluwensiya ng pamilyang sina Alunsina at bunsong anak, nakatulong na maipanalo ni Labaw Donggon ang pakikipaglaban niya sa lipunan. Samantala, likas na kabutihan ang pinanggagalingan ng kabayanihan ni Grusha. Sarili niya at hindi kinakailangang pamilya niyang si Michael ang nakatulong para mapatunayang siya ang ina nito. Dagdag pa, hindi niya inasahan ang alok ng pagkaama ni Simon para maipanalo ang asunto laban sa tunay na ina ni Michael. Sa taliwas na istrukturang ito ng pamilya ni Labaw Donggon at ng kay Grusha, mapapatunayan na magkaiba ang dalawa.
No comments:
Post a Comment