the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Monday, October 05, 2009

ang litisang bilog ng caucasus: isang pagbabalik-tanaw


Sa pagtatanghal ng Ang Litisang Bilog ng Caucasus ni Bertolt Brecht sa bersiyong katutubo, angkop ang paggamit ng sayaw na igal, isang masining at maindayog na galaw ng mga Sama ng baybaying Timog-Silangang Asya, halimbawa ay ang Sama Dilaut (o Sama ng Karagatan) at Sama Badjao ng mga isla ng Sitangkai at Sibutu sa Lalawigan ng Tawi-Tawi. Masasabi kong angkop ang paggamit ng sayaw na ito sa nasabing Kanluraning dula dahil mas nakakaugnay ang mga Filipino sa pagsasakatutubo ng alinmang bagay na dayuhan, dahil nakakapagpayaman ng dulaang Pilipino at pandaigdig ang paghahalo sa Kanluraning klasikong dula ng mga katutubong motif, at dahil nagbibigay-buhay sa teatro ang paghahabi-habi ng dula, musika at sayaw sa bawat eksena ng Litisan.
Dahil sa paggamit ng sayaw na igal sa pagtatanghal, mas nakakaugnay ang mga manonood dahil hindi na dayuhan ang pagtrato dito. Nakatulong ang indihenisasyon sa pamamagitan ng katutubong kumpas ng mga kamay at galaw ng mga paa para mas mapalapit sa katutubong sensibilidad ng manonood ang banyagang dula. Kahit sabihin pang orihinal na Kanluranin ang dula, nakikilala ng mga manonood ang Pilipinong elemento nito sa mga kilos na tangi sa sining pangkatawan ng kababayang mga Badjao.
Dahil pa rin sa paggamit ng sayaw na igal sa Litisan, napapayaman ang dulaang Pilipino at pandaigdig. Sa paglitaw ng mga katutubong motif sa Kanluraning dula sa anyo ng sayaw-Badjao, naipapakita ang unibersalidad ng dula at nabibihisan naman ito ng ibang kultura. Matalinong naipapakita ng igal na mayaman ang kultura ng bansa at mababahiran nito ng katutubong kulay kahit pa banyagang dula.
Panghuli, mas buhay na buhay ang pagtatanghal dahil bukod sa dramang naibubunyag sa bawat eksena, sinasabayan ito ng musika, kanta at ng sayaw ngang igal. Nakaeengganyong panoorin na habang nagsasalita o kumakanta ang mga tauhan o tagapagsalaysay, kumukumpas ang kanilang mga kamay at umiindak ang mga paa.
Ang mga nabanggit ang nagbibigay-kaangkupan ng sayaw na igal sa hinalaw na dula ni Brecht. Sa pamamagitan nito, nakita ang Pilipinisasyon sa Litisan.

No comments:

Post a Comment