the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Saturday, October 03, 2009

pag-uulit bilang pagbabalik at pagkilala sa tunay na sarili


Nang mahiwalay si Kierkegaard kay Regina dahil ayaw nitong mapakasal sa nobya, inakala niyang magiging sakuna lamang siya kapag sila ay napakasal. Ayaw niyang ipilit ang kanyang sarili dahil ito na ang sakunang tinutukoy niya: ang mawalan ng pagkabuo ang isa't isa kapag may iba nang maghahawak ng kanilang sarili maliban sa kanilang sarili sa bisa ng nagpapaisang kasal. Hindi akalain ni Kierkegaard na mas malaking sakuna pala ang mahiwalay kay Regina dahil nawasak siya. Samakatuwid, si Regina ang nagpapabuo sa kanya dahil natututunan niya ang pagka-siya dahil sa pagbibigayan nila at pagtupad sa obligasyon. Sa pagsubok na makabalik siya sa piling ni Regina, natagpuan niyang sa nobya siya nagkakaroon ng pagkabuo kaya sa pag-uulit na ito ng kanilang pag-iibigan, mababago at mananariwa ang kanyang pagkatao. Dahil mabubuo siya sa piling ng nobya, ang buhay niyang nawasak ay magiging buhay na buhay pa rin ngayon at ang potensyal niya dati ay potensyal pa rin niya ngayon dulot ng pagkakataong mabuo sa pag-uulit. Lamang, hindi na siya makaulit sa panahong kasama niya si Regina kaya nga nanatili siyang wasak at naiwang prinoprotektahan ang kanyang sarili. Inakala niyang makabubuti silang magsipag-isa sa buhay ngunit mas nangailangan ng pag-uulit na magkasama.
Gusto kong makita ang sarili kong ganito rin ang pagkabuo gaya ng gusto ni Kierkegaard: na para mabuo, kailangan ng pag-uulit na natigil dahil sa isang pagkawasak. Nang ang dati kong kasintahan at ako ay naghiwalay, naramdaman kong tila isang bahagi ng sarili ko ang namatay, partikular na rito ang damdaming makatao na maging masaya dahil sa pagmamahal. Dahil sa pagbibigayan namin kaya kami nagkaroon ng kabuuan. Ngunit sa paghihiwalay namin, tila nabawasan ang ganoong kabuuan: wala nang kasiyahan, bagkus ay lungkot na lamang. Dahil hindi naman namin maaaring ipilit sa isa't isa ang aming mga sari-sarili, nanatili kaming hindi buo, nangangapa sa kaligayahan, hindi buong tao dahil hindi hinahayaan ang pag-uulit.
Ngunit hindi lahat ng pag-uulit ay kinakailangang sa parehong tao, dahil kung ganoon, malaking sakuna ang ipilit ko ang sarili ko sa kanya o ipilit ng sinuman ang sarili niya sa iba pa. Sa nauunawaan ko, ang pag-uulit na ito ay kinakatawan ng pag-uulit na magmahal muli, dahil kung ito ang pag-uulit na maaaring makabuo ng sarili ko, bakit hindi? Walang taong gustong mawasak ang kanyang sarili, lalo na ako na mas nakadarama ng kahulugan ng buhay kung buo ako. Kaya nga umulit ako ng pag-ibig, upang mas makita kong wala palang pinagkaiba ang buhay ko noong nagmahal ako noon at nagmamahal ngayon, na ang potensyal ko noon sa nakaraang relasyon ay umiiral ngayon sa bago kong relasyon. Sa bago kong pag-ibig ngayon, sariwa ang pag-uulit na maging buo dahil sa pag-uulit na ito nadama kong bago akong tao.

No comments:

Post a Comment