Bumibigkas ang tao ng meron upang ipakitang buhay siya na siyang pagpapagalaw niya ng kanyang katauhan. Sa pagbigkas ng meron, maaaring gumamit ng salita upang ipaliwanag ang material na mundong ginagalawan niya, ngunit may pagmemeron na sa kilos ibinabatay ang pagbibigkas, at ito ang mas nagbibigay ng katauhan dahil galaw itong mas may lapit sa meron. Lamang, dapat maging maingat na huwag makihalubilo sa konsepto lamang dahil ang mga ito ang mga bagay na naiisip lamang, may hangganan, kung gayon ay nagiging kulungan at sagabal sa pagmamatayog ng ating pag-abot sa meron. Sa pakikihalubilo sa konsepto, nakikipagtalaban lamang sa isip samantalang hindi lahat ng bagay ay masasakop o makukulong ng isip. Oo nga, makapagbibigay-liwanag ang konsepto para makadaan patungo sa meron, magagamit bilang alaala ng mga bagay na binibigyang-pangalan, makabubuo ng tanong tungo sa mas malalim na pagtingin sa mga bagay na maaaring paguhuin ang hangganan at makakatalab ng buong isip. Ngunit hindi meron ang konsepto kaya lagi na itong nasasakop ng hangganan. Hindi umaangat sa mas mataas na taas tungo sa meron ang konsepto dahil nakakapit sa mundong inilalarawan n gating mga pandama.
Kaya nga sa meron tayo dapat makihalubilo dahil daigdig itong labas sa hangganang pumipigil sa isip na tumalab nang higit pa sa pandama. Sa meron, napaguguho ang mga hangganan, ang kulungang sagabal sa paglapit sa meron nang pinakamalapit na lapit. Samakatuwid, nakasusubok na maabot ang maganda, totoo at mabuti habang lumalagpas sa hangganan ng isip tungo sa daigdig ng meron. Hindi na mahalaga rito ang konsepto dahil higit pa sa madarama ang magpapaliwanag sa isip kundi ang liwanag ng meron. Higit pa sa maiisip ng konsepto ang kayamanan ng kahulugan ng meron dahil hindi na madaragdagan pa ang katotohanan ng meron. Sa pakikihalubilo sa meron, hindi tayo nakakahon sa mga hangganan. May matatakbo pa ang isip nang higit pa sa maiisip natin at ito ay ang meron.
Gusto kong makita ang aking sarili na hindi bilanggo ng konsepto kundi nakahalubilo sa meron, dahil gusto kong makaalam, maliwanagan at maging buong tao sa pamamagitan ng pagbibigkas ng meron. Gusto kong malagpasan ang pagtingin sa kulay pula bilang isang kulay na nakikita ko. Gusto kong lagpasan ang maiisip ko rito bilang kulay ng dugo, ng bolpeng pantsek ng papel, ng bilog sa gitna ng watawat ng Hapon. Gusto kong maiugnay ito sa kulay ng galit, o di kaya ng pag-ibig. Ngunit ayoko ring ikahon ang aking sarili sa pag-iisip na ganito lang ang maaaring itakbo ng kulay pula sa aking isip. Gusto kong makarating sa mundong hindi materyal na bagay ang pula kundi isang pulang meron sa daigdig ng meron nang higit pa sa maaaring isipin ko hinggil sa kulay na iyon. Gusto kong magkaroon ito ng laman at kahulugan ayon sa pagbigkas ko ng pagkameron ng kulay na pula.
Sa pagitan ng daigdig ng isip at lagpas sa isip, hindi ko maipagpapalit ang sistema ng meron na walang hanggan sa paglarawan at pagpapaliwanag sa mga bagay na binibigyang-pangalan sa dagidig ng isip ayon lamang sa kung ano ang maikakahon ng pandama rito. Sa sistema ng meron, makakahalubilo ko na ang mga bagay na may tunay na ganda, katotohanan at kabutihan higit pa sa maaaring bigyang-hangganan dito ng konsepto ng isipan.
No comments:
Post a Comment