Ang pagbigkas sa meron ay binibigyang-daan ng paggamit ng isip, na bumubuo naman ng konsepto. Higit pa sa maaabot ng isip ang meron, ngunit sinusubok na lapitan ang merong ito sa pamamagitan ng konsepto. May kakulangan man ang konsepto sa paglarawan, pagpapakahulugan at pagpapaliwanag ng totoong meron, mabuti nang may maiiwang mapagsisimulan pa ng ibang magmemeron kung tapos na sa pagbigkas ang iba. Kaya nga hindi malayo sa representasyon ng labi ang konsepto, dahil ito na lamang ang naiiwan sa isip bilang alaala at hindi ang tunay na nakapagpaliwanag sa nagmeron. Sa ganitong kalagayan, maaaring maging sagabal pa sa pagbibigkas ang labing ito ng konsepto dahil baka mapagkamalang ito na ang totoong meron. Bukod pa rito, ang mga labing ito ay may hangganan kaya nga hindi makalalagpas sa isip hanggang subuking makihalubilo sa labas ng kahon ng madarama tungo sa daigdig ng meron. Sa pagpapakitang ito ng pagkakaiba ng konsepto at meron, makikitang mas sinauna ang meron dahil ito ang sinisikap talabin ng isip. Ang meron ang binibigyang-pangalan ng konsepto kaya nauna muna ang pagkameron bago ang pagbibinyag ng pangalan bilang konsepto. At gaya nga ng katuruan ni Tsuang Tzu, higit pa sa labi ang maaaring mahita mula sa meron kaya balewala ang konsepto kung mas mahalaga ang maipapaliwanag ng meron. Salita nga nang salita kung kulang naman sa gawa, hindi rin tunay na makahulugan. Lahat tayo, upang matawag na tunay na dakila, dapat magsumikap na gumawa ng gulong at hindi lang basta bumasa nang bumasa kung paano makagagawa ng gulong.
Sa pag-aaral ko ng pilosopiya, nasisimulan ng konsepto ang pagbibigkas ko ngunit dapat kong tandaan na makasasagabal ito kung papag-isahin ko ang tingin sa konsepto at meron. Dapat kong malaman na labi na lamang ng mga pinagmeronan ang lahat ng inaaral ko sa pilosopiya at hindi ang tunay na meron. Wala itong pinagkaiba sa pinagbalatan ng kendi: hindi ito ang tunay na matamis at nakaaangat ng damdamin kundi ang merong binabalot nito. Maaari ko namang gamitin ang konsepto para makapagmeron dahil sa isip naman magsisimula ang pagbibigkas. Kaya nga lamang, tatandaan kong mas una ang meron dito; pangalawa na lamang ang konsepto dito na nagbigay-kaisipan (at nagbigay din ng hangganan) sa meron. Gusto kong gayahin sa Tsuang Tzu na hindi minahalaga ang pinagkataman ng umano’y dakilang taong hindi dakila para sa kanya. Totoo namang dapat isagawa kung ano ang alam dahil ang mga gulong ay walang pinagkaiba sa natututunan sa pilosopiya: hindi magiging makahulugan kung sa salita lamang at hindi sa pagsasagawa. Gusto kong ilapat ang natutunan ko sa pilosopiya sa gawa nang hindi nakakahon sa salita lamang. Anumang pagbibigkas ko ng meron ng pilosopiya, higit dapat sa hangganan ng salita upang sa kaliwanagan ko ay mabuo ang aking pagkatao.
No comments:
Post a Comment