Maasikaso, may utang na loob, nakikisama, magalang at makapamilya ay ilang mga katangian na makapag-aangat ng antas ng kultura sa Pilipinas. Kabilang ang mga ito sa mga litaw na kaugaliang Pilipino na madaling mapansin ng mga banyaga. Mahalaga ang mga kaugaliang ito sapagkat mas matanda pa sa panahon ng pananakop ang pag-iral ng ganitong mga katangian. Dahil sa katandaan ng mga kaugaliang ito, malalim na ang ugat ng mga ito sa sensibilidad ng mga Pilipino kaya hindi basta-basta maaaring bunutin kahit pa man mahaba ang panahon ng pagkakasakop sa bansa ng mga dayuhan. Buhay na buhay pa ang ganitong mga kaugalian dahil nga malalim ang ugat ng kinalaglagyan ng mga katangiang ito sa katauhan ng mga Pilipino. Samakatuwid, mahihinuhang naisasagawa pa rin ng mga mamamayan ang mga kaugaliang ito sapagkat hindi ito madaling burahin ng impluwensiya ng pananakop.
Nagsimula ang pagkamaasikaso noon pa mang Panahong Prekolonyal. Dahil sa pakikipagbarter ng mga katutubong Pilipino sa mga karatig-bansa gaya ng Tsina, India at Malaya, naipakita ng mga katutubo ang pagiging maasikaso. Isinasabuhay nila ito noon sa pamamagitan ng pagsalubong sa mga kapalitan ng kalakal, palakaibigang pakikitungo sa kanila, magiliw na pakikipagtalastasan at pag-aasikaso sa mga bagong dating. Noong papadaong ang mga Kastila sa isa sa mga islang kalaunan ay bubuo sa kapuluan ng Pilipinas, kagila-gilalas na sinalubong sila ng mga katutubo hindi ng pagkasindak sa mapuputing dayuhan kundi ng mga ngiti at pag-aturga. Dahil gutom na gutom ang mga dayuhan, inasikaso sila, pinakain at pinatuloy sa kanilang pamayanan. Sa pag-aasikaso sa mga bisita, makikitang nakangiti sila, magiliw sa pakikipag-usap, palakaibigan, masayahin, at mapag-alok ng anumang pag-aari nila. Naipagkamali pa ng ito ng mga mananakop bilang kahinaan at pagkaalipin. Mahalaga ang ganitong kaugalian sapagkat mas pinahahalagahan ng mga katutubo noon ang kapayapaan at pakikipagkaibigan kaysa pakikipagdigmaan. Sanhi lamang ng gulo at kamatayan ang digmaan samantalang nagpaparami ng kaibigan ang pagiging maasikaso. Samakatuwid, mapagmahal sa kapayapaan at kapwa-tao ang mga taong kabilang sa lipunan noong Panahong Prekolonyal.
Panahong Prekolonyal din ang pinaghuhugutan ng katangiang may utang na loob. Dahil noon pa mang Matandang Panahon ay may umiiral nang sistemang panlipunan sa kapuluan, naipapakita na rin ang katangiang ito. Sa mga pagkakataong may naililigtas ang buhay, nabibigyan ng trabaho o nakapag-aral, nagkakaroon ng ugnayan ang natulungan at nagbigay ng tulong. Mistulang regalo ng tumulong ang ibinigay niya sa natulungan, na nakadarama naman ng pangangailangang ibalik ang tulong dahil utang na loob niya ito. Maaaring tumakbo ng maraming henerasyon ang pagbabayad-utang na ito at maaring humingi pa ng ibang porma ng bayad-utang ang nagbigay ng tulong. Makikita rito na hindi lubusang matutumbasan ang naiabot na tulong dahil sa pambihirang pagkakataong nangailangan ng tulong ang isang tao, ang nagbigay ng tulong ang tutuusing nagdugtong ng buhay ng nangailangan.
Mula pa rin sa sistemang panlipunan ng Matandang Panahon ang katangiang nakikisama. Dahil sa maliliit na pamayanan ng panahong iyon, magkakakilala ang lahat, kung hindi man magkakamag-anak. Sa lapit ng ugnayan ng mga tao sa bawat isa, hindi na sila nagkakahiyaang magbigayan ng tulong. Nakaugnay dito ang bayanihan, batares, at iba pang porma ng pagtutulungan. Mula sa magkakabahay hanggang sa magkakapitbahay, nagpapakisamahan ang bawat isa upang maisaayos at maisulong ang kanilang komunidad.
Mula pa rin sa panahon bago masakop ng mga dayuhan ang pagiging magalang ng mga Pilipino. Samantalang produkto na lamang ng pananakop ang respetong maiuugnay sa relihiyong Katoliko, likas naman ang paggamit ng “po” at “opo” sa pakikipag-usap ng mga batang Pilipino sa matatanda. Bukod sa “po” at “opo,” gumagamit pa ng mga magagalang na pantawag gaya ng “kuya,” “ate,” “manong,” “manang,” “lola,” “lolo” at iba pa.
Dahil nga sa mumunting pamayanan ng Panahong Prekolonyal, magkakalapit ang bawat tao. Karamihan sa kanila ang magkakamag-anak na may maganda at malapit na ugnayan. Pangunahin ang kanilang katapatan sa pamilya higit sa anupaman. Kung nasaan ang isa, naroon ang lahat. Inaalaagaan nila ang isa’t isa.
Makabago man ang kabataan at lipunan ngayon at madalas man kaysa hindi na may malaking impluwensiya ang pagkakasakop at pagdating ng modernismo mula sa dominanteng mga bansa ng Kanluran, may ilang bagay na konserbatibo ang mga Pilipino at ilan na rito ang mga naturang katangian na may natatanging katutubong istilo. Makikitang buhay na buhay pa rin ang mga katangiang ito ng mga Pilipino kaya nga malaki ang pag-asang maiangat ng mga ito ang antas ng kultura ng Pilipinas.