Sa masikip, mainit, madilim at hubad na kwarto nagbukas ang kwento habang magkayakap na natutulog ang mag-asawang Lino (Piolo Pascual) at Mary Grace (Iza Calzado). Siguro nga’y hindi sapat ang pinagsasaluhan nilang init ng pagmamahal para mabuhay nang maayos at makalimutan ng babae ang hangaring makarating ng ibang bansa. Siguro nga ay nakakairita na ang alinsangan ng kakapusan sa materyal na bagay kaya hindi na napunan ng pag-ibig ang panlalamig ng sikmura. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit marami sa mga Pilipino ang nasa kabilang panig ng karagatan at tinitiis ang panginginig sa lamig ng yelo.
Isang eksena ng paghahahanda sa pista, maluhong hapag para sa isang magarbong pagdiriwang. Kung maiisip lamang sana ng pamilya ni Mary Grace na may katumbas na pawis ang bawat butil ng pagkain at patak ng inumin ay marahil ipagpikit-mata na lamang nila ang pistahan. Idagdag pa ang pagpapakasasa sa imported na mga gamit sa kabila nang isang lalaki ang nagdurusa sa paglisan ng kabiyak na ngayon ay itinatago pa ng pamilya sa kanya matapos niyang matagpuan ang mga sulat ni Mary Grace sa sariling pamilya.
Dinaanan ng kamera ang tila walang wakas na linya ng prusisyon at ang hindi mapatid-patid na kasiyahan ng kanayunan na lalong nagpatingkad sa lungkot ni Nilo dahil sa miserableng kinasapitan ng relasyon nilang mag-asawa. Habang nakangiti ang lahat, ngumingiti naman ang luha sa gilid ng mga mata ni Lino.
Puno ng kaba ang dibdib nilang mga tinaguriang TNT habang binabagtas ang madilim na gubat. Halos hindi maaninaw ang kanilang nilalarakaran na isang malinaw na imahen ng maaaring kasapitan nila sa pangingibang bansa: ang mga lubak, mga tinik at mga hayop sa loob ng gubat ay siya ring mga sagabal sa pinili nilang buhay-dayuhan. Kasabay ng mga litanya nila tungkol sa sayad na pamumuhay sa Pilipinas ay ang pag-asa nilang makaahon sa karalitaan.
Kayod kalabaw ang mga migranteng obrero; lahat ng pwedeng pagkakitaan ay pinapatulan. Dito sa Italy walang puwang ang pride kung gusto mong mabuhay. Si Attorney ay abogado sa Pilipinas, teacher si Vangie, mechanical engineer si Lino pero dito sa Milan lahat ay katulong. Ipagkikibit balikat lang nila ng balikat ang pagiging alila tutal pag-uwi nila ng Pilipinas ay mas mataas na ang ihi nila kahit pa sa isang empleyado sa bangko. Pantay-pantay lang sila sa Milan, TNT, domestic helper, bakit kailangan pa bang pagandahin, pwede namang katulong! Ang kanilang mga amo ay mas may pagpapahalaga pa sa kanilang mga alagang aso kaysa sa manggagawa.
Ang bago dito ay kung paano natagpuan ng mga OFW’s ang mga sarili nila sa ibang bansa, kung paano nila makita ang ganda ng buhay sa kabila ng miserableng paninirahan sa lupang puno ng diskriminasyon, kung paano nila makahanap ng puwang para sa kanilang mga sarili at matutunang tanggapin kahit malungkot ang katotohanan na binubuhay nila ang tao para sa kanilang mga buhay. Ipinakita ito kung paano ayawan dati ni Jenny ang mga kalapati dahil para daw itong mga tao na lumalapit lamang kapag may kailangan hanggang malaunan ay magustuhan na rin niya dahil wala na rin naman siyang magagawa tungkol dito. At sa kabila ng lahat, nakita pa rin nila kung gaano kaganda ang buhay dahil lahat ng ito ay may mabuting dahilan.
No comments:
Post a Comment