Ang mga sanaysay, kuwento, nobela, dula, at tula na nag-aalay ng mga paliwanag sa mga bagay na hindi natin maintindihan, ng pagbubunyag sa mga katotohanang nakakubli at ng pagpapaunawa sa kaibahan ng wasto sa kabuktutan at maging lahat ng uri ng katha na nagtataglay ng sari-sariling halaga sa buhay ng tao ay hinugot sa kaloob-looban ng mga manunulat matapos silang makipagniig sa imahinasyon, at ipaglihi, ipagbuntis at ipanganak ang mga bunga ng pakikipagtalik na ito. Ang mga bungang ito ay mga tekstong pawang mga sintomas ng iba’t ibang isyu sa konteksto ng lipunang ginagalawan ng mga manunulat.
Bawat isa sa kanila ay may sari-sariling paraan ng pagbagtas sa mga proseso ng pagsusulat na nabanggit sa itaas. Bawat isa ay may sari-sariling kahon ng pagsusulat, palakihan, paliitan, may kumplikado, may mas kumplikado, may simple, may pinakasimple, may makasarili at may makatarungan. Bawat akdang isisilang ay may bahagi sa pagkatao ng manunulat na maikakahon, may bahagi na maghihingalo kapalit ng pagsamba sa makinilyang altar.
Matapos ang masinsing paghimaymay sa nobela ni Luna Sicat-Cleto na Makinilyang Altar (University of the Philippines Press, 2002), lumabas ang tunay na damdamin ng mga manunulat sa kanilang propesyon at saloobin ng kanilang mga pamilya sa pagtanggap dito. Malinaw na isinalaysay ni Luna Sicat-Cleto ang sariling buhay sa katauhan ni Laya at ang buhay ng sariling ama bilang manunulat sa katauhan ni Deo Dimasupil at kung paano sila sumamba sa makinilyang altar. Hindi na siguro makakatkat pa sa ating kasaysayan ang pangalan ni Rogelio Sicat katulad ng kung paanong hindi na malilimot pa ang kanyang mga obra gaya ng Moises, Moises, Saan Papunta ang Paru-paro?, Tata Selo at Impeng Negro. Subalit ang hindi natin alam ay ang mga sakripisyo kapalit ng pagsilang ng kanyang mga akda kung kaya pinapaksa ng papel na ito ang tunggalian ng sarili at pamilya na naglalayong suriin kung makatarungan ba na sa pag-ibig ng manunulat sa kanyang propesyon ay maging makasarili siya laban sa kanyang pamilya. Sa kaligiran ng lipunan dito sa Pilipinas na isang bansang lubog sa kahirapan, nakapako ang kamalayan ng Filipinong atupagin muna ang ekonomiks ng tahanan upang huwag magutom ang pamilya bago aturgahin ang pag-ibig sa propesyong hindi makakagarantiya ng kabuhayan ng pamilya. Pumapasok din dito ang ideyolohiyang bilang lalaki/ama, marapat na maging tagapagtaguyod ng kabuhayan samantalang bilang babae/ina, tama na ang maging makapangyarihan sa loob ng tahanan. Samakatuwid, ang tunggaliang naranasan nina Deo at Laya ay magreresulta sa pag-ayon ng sosyedad ngunit pagsupil sa identidad, o pagturing bilang walang silbing magulang ngunit may kakintalan ng sarili.
May konsepto ang mga manunulat na kailangan nilang lumikha ng sariling mundo kapag sila ay nagsusulat. Isang saglit kung saan makakapaglakbay ng tuloy-tuloy ang kanilang imahinasyon, isang saglit kung saan makakapasok ang kaluluwa ng mga diwa upang magkaroon ng hininga ang mga hinabing salita. Katahimikan upang makasalok ng mga kaisipan sa balon ng imahinasyon, dahil para sa ilan, sumpa ang kaingayan sa panahon ng pagsusulat, dahil “mahigpit na pangangailangan ng isang manunulat ang paggalang…sa kanyang pag-iisa (p.18).” Isa rin ito sa mga inhustisya ng pagbibigay ng marka sa mga taong may propesyon, at sa kaso nga nina Deo at Laya, sila ay mga eksentrikong artistang may sariling mundo, sukat-sabihin ay mga baliw sa sarili nilang pamamaraan. “Sinabi, at totoo naman, na impraktikal ang manunulat (p.32).” Hindi maikakaila na naging mabuting ama si Deo kung sukatan ang prinsipyo at pinansyal na pagtataguyod—isang pagsunod sa patriyarkal na kaisipang magiting ang lalaking nakakapaghanapbuhay—subalit may mga panahon na pwedeng panghihinayangan niya para sana mas maging mabuting ama sa kanyang mga anak. Ito ay ang panahon na nasupil ang paglalaro, pag-iingay at pangungulit sa panahon ng kamusmusan nina Bituin, Amor at Laya, mga anak ni Deo, upang pagbigyan ang kaniyang pagsusulat, na hindi na maibabalik pa matapos silang mamaalam sa bahaging ito ng kanilang buhay. Magiging mabuti ba siyang ama o mabuting taong kilala ang kanyang sarili? Sa pagtanda ng magkakapatid at sa muling pagbalik sa alaala ng kanilang kabataan, kaylungkot isipin na hindi sila makakalikha ng mga kwento tungkol sa tawanan at pakikipaglaro sa sariling ama. Sa mura nilang edad, natutunan na ng magkakapatid na tanggapin na may oras ang kanilang ama na hindi nila maaangkin kahit ito ay katumbas pa ng mga oras na ninakaw sa kanila ng ama dahil sa propesyon nito, hindi man nito sinasadya. Kaya nga kahit nagngingitngit ang mga murang kalooban, pinili na lang nilang manahimik sa sa isang sulok, pinili na lang magsiksikan sa isang silid sa pagtulog para lang maibigay ang hinihinging espasyo ni Deo. “Natuto ang kanyang pamilya na igalang ang kanyang katahimikan (p.61)” Isipan pang sa isang pamilya, dapat manatili ang patriyarka kung saan ang mga anak at asawang babae ay tagasunod nang walang oposisyon sa amang bukal ng kapangyarihan sa tahanan. Marahil kung hindi siya naging manunulat at naging ordinaryong guro lamang, mas normal siguro ang takbo ng buhay ng kaniyang mga anak dahil mas marami siyang oras na magugugol sa paghubog sa kanilang pagkatao at mas magiging normal dahil mas magiging ordinaryo at makatotohanan ang kanyang pagiging ama sa kumbensiyonal na konseptong inihahatag na lipunan. Kung pwede nga lang sigurong ibalik ang panahon para hindi na muling lumipad pa ang kanyang isip sa paghahagilap ng bagong susulatin at mawala sa loob na kailangan na niyang sunduin ang kaniyang mga anak mula sa pag-aaral upang hindi sila maiwanan ng shuttle papasok sa kanilang subdibisyon. Kung mas may matinding pokus sana siya sa kaniyang mga anak ay hindi mararanasan ng mga bata na gabihin at sumabit sa trak ng bato pauwi sa kanilang tahanan dahil sa wala ng masakyan bunga ng kaniyang pagiging abala sa kung anu-anong isipin. Hindi man makatarungan na ibintang sa kanya ang pagkakaroon ng kakaibang mundo ni Bituin at ang hindi maipaliwanag na obsesyon nito sa payong o ang di normal na pagkimkim ni Amor ng mga sariling alalalahanin sa halip na humingi ng saklolo sa sariling pamilya ay maaaring responsible nga siya dahil sa mas madalas niyang pakikipag-usap sa kaniyang kuwaderno kaysa sa kaniyang mga anak. Inaasahan ng lipunan na bilang isang ama, si Deo ay dapat maging magiting na lalaking makakabuo ng pamilyang katanggap-tanggap sa mga matang nakapaligid. “Ano nga kaya ang hatol sa kanya ng kasaysayan? (p.28).” Ngunit sa kanyang sarili, ito ang umuukilkil, na namutawi sa pagmumuni ng kanyang anak: “Hindi ko maintindihan kung bakit…inuusig ako ng aking panulat at papel (p.2).” Umiigting ang tunggalian.
Natagpuan ni Deo si Gloria sa kainitan ng kaniyang pagsusulat at pagpapalaya sa subersibong kaisipan. Sa kabila ng magkaibang likaw ng kaisipan, isang laman ng rally at demonstrasyon at alipin ng lapis at papel at isang accountant na nakikipagniig sa mga numero at teknikalidad ay nagkaintindihan ang kanilang mga puso. Pinanindigan ni Gloria ang kaniyang sumpa nang sila ay ikasal ni Deo na mag-iibigan sa hirap at ginhawa maging sa kamatayan kung kaya’t sinikap niyang sakyan ang kakaibang takbo ng kaisipan ng kaniyang kabiyak. Inirespeto niya ang hinihinging espasyo ni Deo para sa pagsusulat, kinalimutan niya ang pagdaramdam sa mga oras na nakakaligtaan siya ng kaniyang asawa. Ito naman ang pagsunod ni Gloria sa ideyolohiya ng lipunan: ang maging babaeng mapagpailalim sa asawa, ang magkaroon ng identidad bilang asawa at ina lamang. Kahit pa nga mas madalas ang pakikipagniig ng lalaki sa kanyang kuwaderno sa pagsusulat ng nangyari sa buong maghapon. Nilunok ni Gloria ang paninibugho na tila may mga panahong mas mahal pa ni Deo ang mga karakter sa kanyang mga kwento at dula kaysa sa sariling asawa. Pinilit niyang pagkasyahin ang paa sa sapatos na ibig ipasuot ng kaniyang sinisintang kabiyak upang at dahil dapat siya ay maging tagasunod at tanging tagasunod lamang sa patriyarka. “Matamis ang [kanyang] ngiti, ngunit…may itinatago iyong pait (p.25).”
Auditor si Gloria ng isang kinikilang kumpanya, hinahangaan ang kaniyang husay sa pag-aanalisa ng mga numero at graphs, matalas ang kanyang kakayahan sa pagsususri ng magiging kapalaran ng isang negosyo. Nasukol lamang siya sa disorganisasyon sapagkat bumibilis ang tiyempo ng paghahagis-pagsasalo ng tungkulin bilang ina, asawa at executive kaya napilitan siyang magbitiw sa trabaho sapagkat mas mahal niya ang kanyang pamilya kaysa sa kaniyang pangarap. Ngunit “iniisip niya kung naging makatarungan ba noong pinapili niya ito kahit hindi niya binigkas ni minsan na mamili nga ito (p.69).” Kung kumikita lang sana ng higit sa sapat-sapat si Deo, marahil ay hindi niya panghihinayangan ang pagbibitiw sa trabaho, sayang din naman ang perang kinikita niya sa kompanya para sa ibang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Sa panahong iyon, hindi kayang pakainin ng pagsusulat ang mga bibig na umaasa, hindi kayang pag-aralin ang mga isip na nangangarap buti na nga lamang at guro si Deo sa isang unibersidad kung kaya’y natutustusan ang kanilang pangangailangan. Kung pwede nga lang sana niyang maasahan ang lalaki sa pag-aalaga ng kanilang mga anak sa panahong libre ito para hindi na niya kailanganin pang magbitiw sa trabaho, ngunit kailan nga ba ito malilibre kung walang oras ang pagkatok ng pagnanasang magsulat, sumisingit ang pagkahumaling sa paghahardin? Sana nga lamang ay nabibiyayaan sila ng isang mapagkakatiwalaang yaya subalit wala sa kabila ng kaniyang kabutihan. Ipinagpalit niya ang kanyang karera sa pag-ibig kay Deo at sa kanyang pamilya. Dahil sigurado siyang hindi siya ang pipiliin ni Deo kung sakaling hilingin niyang magbitiw ito sa pagsusulat kaya siya na lamang ang nagsakripisyo kaysa pag-ibig ang magdusa. Sinikap niyang irespeto ang sinasambang altar ng kanyang asawa. “Nauunawaan nito ang kanyang pag-ibig (p.61).” Sa isang malakihang pagtanaw, ang palsong kamalayan ng pagdomina ng mga lalaki ay opresibo para kay Gloria sampu ng kapwa niya babae dahil ibinabatay ang kanilang pagkatao base sa relasyon nila sa mga lalaki: ang kanilang pagiging tagasunod lang, ang pagsasakripisyo sa ngalan ng pananagumpay ng kanilang lalaki (asawa man o anak), ang hindi paghahanap ng identidad maliban sa pagiging ina at asawa lamang.
Sabi ni Oca, kaibigang manunulat ni Deo, minsan sa kanilang inuman na ang asawa, kapag nakakasagabal na sa pagsusulat, sa “gusto [niyang] gawin, kaya [niya itong] iwanan (p.64)”—isang sobenistikong pagtaya sa babae bilang katumbas lang ng pagsusulat na sa iba ay simpleng libangan. Tila yata nakalimutan nito na ang nakasagabal ay ang nakakairitang inuman katulad ng mga gabing hindi makatulog ang kanyang mga anak dahil sa ingay ng halakhakan at kwentuhan ng mga lasenggong manunulat at higit sa lahat, mas sagabal ang pambababae niya. Ang problema kasi ay nakukulong ang marami sa konsepto na ang manunulat ay mahirap intindihin dahil sinasabi nilang sagrado ang kanilang propesyon at kaiba sila sa mga pangkariwang empleyado kung kaya’t binibigyan nila ng sariling katuwiran ang mga maling konsepto sa kabila ng katotohanan na nagiging makasarili sila dahil sarado ang ilan sa mga posibilidad na pwedeng ibagay ang pagsusulat sa hinihingi ng sitwasyon. Ang pagsusulat ay nakabase sa sariling motibasyon, nakabase ito sa uri ng pagkatao ng manunulat at makitid ang kaisipang nagsasabing baliw na may sariling mundo ang manunulat.
Hindi ibig manlahat ng papel na ito subalit marami sa mga manunulat ay lumilikha ng ideyolohiyang kustomado sa mga gusto at pag-ibig nila. Lumalampas sila sa hangganan ng katotohanan at pagbibigay-katwiran. Parang kahit mali ay nagiging tama dahil nagagawa nilang ipaliwanag at bigyang-katarungan ang pagliko. Nagiging abuso sila sa paglaktaw sa kumbensyonal na pananaw. Dahil dito, naiiwan ang mga mga taong nakapaligid sa kanila na hindi makasakay sa kanilang pagharurot, silang mga naiiwan, silang mga kumakain ng alikabok. Malungkot. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nagiging makasarili ang isang manunulat nang hindi nila nararamdaman. Ninanakawan nila ng katwiran at karapatan ang mga pangkaraniwang tao. Ayos lang ba ang pambababae ni Oka dahil hindi naman niya pinababayaaan ang kaniyang pamilya, o sobenistiko lang talaga siya? Ang madalas na lasingan nilang mga manunulat dahil nakakahugot naman sila ng mga kwento sa mga kwentuhan kahit nakakaabala na at naghihintay ang kanilang asawa’t mga anak sa kanilang mga tahanan, pakitang macho lang ba? Ipinambili na lang sana ng gatas ni bunso ang ipinambili ng serbesa. Ang talim ng mga panulat para tuligsain ang kabulukan ng gobyerno, oo nga at isa itong paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa bayan kung dalisay sana ang hangarin at hindi nasasakop ng pansariling paagnanais ng mga ilang huwad at kung malinis sana ang pagkatao ng isang nagsasalita. Kaya nga malaon ay pinagtawanan na ni Deo ang mga rally, demonstrasyon at ang mga nagsipag-underground. “Oo, pinag-uusapan [ng mga aktibista] ang rebolusyon—ngunit ang rebolusyong ito ay saan nila ibinatay? Sa libro? (p.51)” Ang pagdalaw ng dati niyang kasama na si Ernani ay nagpaalala ng kanyang pagsasayang ng panahon sa sinasabi nilang pakikibaka, dahil hindi naman pala ganoon kalinaw ang makabayang motibo. At hindi niya ibig magamit ang kanyang pagiging manunulat, kahit pa sabihing moda naman ng produksiyon ang panitik na sinusulat niya. May kayakap sana ang isang asawang nilalamig sa halip ang yakap niya ay malamig na baril sa malamok na bundok kung hindi sana na-brainwash ng maling pulitikal na ideyolohiya. Ang nararapat sana ay sila ang magmulat sa mga tao sa katotohanan at hindi ang lumikha ng sariling katotohanan na lilikha ng kalituhan. Gustong ulitin ng papel na ito na hindi lahat ng manunulat ay makasarili; isa ito sa mga ipinaunawa ng nobela na may mga makatarungan pa ring manunulat. Kabilang doon si Deo at si Laya na kaniyang anak.
Ang pagiging manunulat ni Deo ay naghatid sa kanya sa tagumpay: naging dekano siya ng unibersidad, kinilala at iginalang ang kanyang mga akda at dahil dito, maaari siyang ipagmalaki ng kanyang mga anak—samakatuwid, isang magiting na lalaki ng lipunan. Taas-noong masasabi ni Gloria sa lahat ng tao na “si Deo Masupil ang aking asawa”—at may identidad din siya sa bisa ng identidad ng kanyang asawa. Hindi bale na ang mga panahong napabayaan sila ng asawa, na may mga parte ng buhay nila na naisakripisyo kapalit ng pag-ibig sa paropesyon. Pero may mga piping pagsisisi na hindi na nakawala, na kung binalanse lamang niya ang propesyon at ang pamilya at natuto siya para sa ilang kompromiso, siguro ay mas naging maligaya siya sa piling ng mga minamahal, gayundin ang mga nagmamahal sa piling niya. Masyado siyang naging matigas sa mga sarili niyang pananaw, ng pagnanais na “awitin ang elehiya ng makinilyang altar (p.19).” Gusto man niyang iwasto at bumawi sa pamilya, kapos na ang kaniyang hininga.
Ang ama ni Deo ang unang sumamba sa makinilyang altar, subalit hindi na niya naituloy ang sukdulan ng kaniyang pagsusulat sapagkat wala naman siyang nararamdamang igting upang ipagpatuloy ito. Hindi man lubusang tinukoy sa kwento na nakipagbuno ang lolo ni Laya sa pagitan ng pagsusulat at kaniyang pamilya ay nag-iwan ito ng malinaw na impresyong mas mabigat ang tawag ng pangangailangan, na nakapaloob sa pagsunod sa dikta ng palsong kamalayan. “Mas mahalagang may maiuwing ulam sa mesa, para makakain ang mga supling (p.111).” Masasabi kayang kasalanan nito ang pagtigil sa pagsusulat sa kabila ng makakahabi nga siya ng maririkit na tula subalit ano ang silbi ng mga salitang iyon sa pagdaraos ng tutukain sa araw-araw?
Mula sa pag-akda ng mga katangi-tanging panitikan gamit ang pluma ay nakalaktaw na ang tao hanggang sa makinilya at ngayon ay kompyuter. Mas gumaan at bumilis ang proseso. Kung may pag-unlad sa teknolohiya ng pagsususulat sa mekanikal na aspeto, maaari ring paunlarin ng mga manunulat ang paraan ng kanilang paglikha ng mga akda upang maging madali ito sa mga taong nakapaligid sa kanila at hindi nila kailangang isakripisyo ang pag-ibig sa pamilya para lamang mairaos ang kanilang propesyon. Nararapat nilang hanapan ng tamang lugar at panahon ang kanilang trabaho ng walang ibang taong nahihirapan. Maraming lugar na tahimik at naaayon na maaaring puntahan sa oras na mangulit ang tawag ng panulat nang hindi kailangang supilin ang hagikgikan ng mga musmos at manimbang ang asawang minamahal.
Hindi nararapat na ipilit ang isang kumplikadong kaisipan kung iyon talaga ang taglay ng isang manunulat sa mga taong nakapaligid sa kanya. Karapatan nilang magkaroon ng sariling pag-iisip at pagkatao. Kung hindi nila kayang ibagay ang sarili sa iba, mas mabuting magsarili na lang kaysa ang iba ang piliting makibagay sa takbo ng kanilang kaisipan. Ang asawa ay asawa, ang pamilya ay pamilya, ang propesyon ay propesyon at ang isipang kailangang mamili sa panahon na hindi na kayang timbangin ang dalawang ito ay hindi parang pagpili ng palabas sa sinehan na maaring iwanan kung mairita sa pelikulang sobrang daldal. Kung sakaling sagabal man ang isang kabiyak sa pagsusulat dapat maging bukas ang isipan na maaaring nagiging sagabal din ang propesyon sa pagsasama kaya hindi na maunawaan pa. Ito ang punto na kailangang timbangin ang dalawang bagay: ang tunggalian ng sarili at pamilya. Maraming matatagumpay na mga manunulat ang may matagumpay na pamilya; sila ang mga taong may respeto hindi lamang sa makinilyang altar kundi maging sa altar ng kanilang mga minamahal. At ang isang responsableng manunulat ay nagtataglay ng malawak at hindi nakakahong kaisipan. “[Ang artista] ay tinatarakan, siya’y nagdurugo, ngunit kailangan niyang bumangon (p.52).” Walang duda na mahirap ang pinagdadaanan ng mga manunulat, una walang malaking pera sa pagsusulat, hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon na maging mabili ang mga akda. “Sa mga manunulat na nahumaling sa altar na ito, inakala nilang tiwalag sila sa mga nangyayari, inakala nilang mababakuran nila ang kanilang mga sarili, nabubulag sila sa ilusyong ang panahon ay maaangkin (p.112).” Subalit ang paghubog ng pagkakakilanlan ay ang ultimo ng paghubog ng pagkatao ninuman, at “hindi…niya kailangang magpaumanhin kung ito ang pinili niyang landas (p.147).” Ideyolohiya lang ang nagsasabing nagiging makasarili ang isang nagmamahal sa kanyang propesyon nang tila higit pa sa pag-ibig sa pamilya. “Hindi sila nagpalamon sa pagkukunwari (p.51).” Sa punto de bista ng isang manunulat, sabihin mang palaimbento siya ng mundong tinitignan niya sa tangi niyang perspektibo, may katarungan siya sa pag-asikaso sa pamilya habang pinakikintal niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang propesyon.