Hindi mapaghihiwalay ang pananampalataya, pag-asa at pag-ibig dahil pare-pareho silang umiiral sa konteksto ng relasyon. Sa pananampalataya, may paniniwala sa isang bagay, isang paniniwala ng isa sa isa pa. May malalim na pagmumuni ang pananampalataya dahil may pagkilos sa desisyong manatili sa paniniwala anuman ang mangyari. Samakatuwid, paniniwala ito sa isang misteryoso at nagbabagong reyalidad. Sa paglalagay ng pananampalataya sa reyalidad na ito, umaasa na mababago ng nagbabagong reyalidad na ito ang nananampalataya. Samantala, kaugnay ng pananampalataya ang pag-asa dahil sa pakikisangkot ng isa sa isa pa, ang gawain ng pagkilos mula sa diwa, paglagpas sa katwiran at pagdaan sa ugnayan ay ginaganap ang pag-asa nang may pananampalataya. Dahil walang metodo ang pag-asa, walang balangkas kung kaya panahon lang ang makapagsasabi (sa madaling sabi, misteryo) kung ano ang kahihinatnan ng pag-asa. Samakatuwid, nananampalataya lamang ang isa sa isa na tutuparin ang inaasahan alang-alang sa kanya. Hindi madali ang pagpasya kaya sa pagganap ng pag-asa, naglalaaan ng pananampalataya. Samantala, kaugnay ng dalawang nauna ang pag-ibig dahil may pinagmumulan at may pinatutungkulan ang pag-ibig. Tinutulay ng pag-ibig ang isa sa isa pa at nakasalalay din ang paglago ng pag-ibig sa pananampalataya at pag-asa. Sa nananampalatayang umiibig, nagdedesisyong manatili sa kondisyong maniwala sa pag-ibig mangyari man ang inaasahan o hindi. Misteryo ng nagbabagong reyalidad ng pag-ibig ang nagbibigay-pag-asa sa isa upang patuloy na maniwala na babaguhin ang buong sarili ng umiibig. Sa umaasang umiibig, nabibihag ng pakikisangkot ng isa sa isa upang ganapin ang pagpapahalaga na siyang kakiitaan ng pag-ibig. Dahil tinataya ang tao, kinikilala ang kanyang kahalagahan ngunit upang matupad ang pag-asa, hinihigitan ng umiibig ang pakikisangkot hindi lamang sa antas ng “umaasa ako” o “inaasahan kita “ kundi sa “inaasahan kita alang-alang sa amin.”
No comments:
Post a Comment