Wednesday, April 29, 2009
inaasahan ng diyos
Posibleng inaasahan din tayo ng Diyos kung tunay tayong nauugnay sa Kanya dahil hindi man natin maaarok ang misteryo ng Diyos o mauunawaan ang mga dahilan ng mga pagkilos Niya, umaasa Siyang may pakikisangkot tayo sa pag-ibig Niya. Pag-ibig ang dahilan ng Diyos para likhain Niya tayo at inaasahan Niyang mananampalataya tayo sa Kanya dahil Siya ang lumikha sa atin at pagtataksil o pagtalikod o hindi katapatan ang hindi natin pagbabalik ng pag-ibig na ito. Sa pagbibigay Niya ng kalayaan sa ating pumili, inaasahan Niya tayong pipiliin natin Siya alang-alang sa Kanya bilang Diyos. Pinili man nating talikuran Siya ngunit patuloy pa rin ang pagkakaloob ng walang kondisyong pag-ibig Niya. Kung ang pag-ibig ng tao sa tao ay maaaring magpausbong at magpaunlad, bakit hindi ang sa Diyos? Kaya nating tayain ang kapwa tao ngunit kung marupok ang tinataya, mabibigo dito. Matataya rin ang sarili kung makasasakit dahil mahina rin bilang tao. Ngunit iba ang kaso sa Diyos: alam Niyang tao lamang tayo ngunit kaya nga Siya naging Diyos na pinagsasampalatayanan ay upang subuking umunlad sa pagganap ng pagiging likha Niya. Magiging posible lamang ito kung tutuparin natin ang pakikisangkot sa Diyos na makikita sa ugnayan ng pag-asa alang-alang sa Kanya. Sa paglikha sa atin, kinikilala ng Diyos na mahalaga tayo kaya nga sa pagkilala naman natin ng kahalagahan Niya, kumikilos tayo sa pag-asa Niya sa atin. Ibig sabihin ng inaasahan tayo ng Diyos ay binibihag Niya tayo para maniwala sa Kanya anuman ang mangyari, na kikilos tayo higit sa itatakda ng diwa at katwiran, na kung tunay tayong nauugnay sa Diyos, may inaasahan Siya sa ating pagganap nang higit sa ating pagkatao upang matupad ang pag-asa Niya gaya ng mga sakripisyo, pagtalikod sa kasalanan, pagsunod sa mga utos Niya, pananampalataya sa Kanya at pag-ibig. Malaya man tayo sa relasyon sa Diyos dangan at bawat relasyon ay may kalayaan, mas malaki ang pag-asa Niya na hindi natin maaatim na tumanggi o humindi dahil sisikapin nating ganapin ang pakikisangkot sa kaugnayan sa Diyos.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment