Saturday, April 04, 2009
ang tunay na pag-asa
Lagpas sa optimismo, pesismismo at istowisismo ang kilos ng tunay na pag-asa. Tinatawag na optimista ang isang taong matibay ang paniniwala na maaayos din ang mga bagay-bagay. Tinatawag namang pesismista ang kabaliktaran nito kung saan nagmumula sa pagmamarunong ang paniniwalang hindi nakatakdang maayos ang mga bagay-bagay. Tinatawag namang istowiko ang taong sumusuko sa pagharap sa kalagayan ngunit inuubos ang lakas upang hindi maapektuhan kung para lamang mapanatili ang dignidad kahit sigurado ang pagkawasak ng sarili sa huli. Hindi alinman sa mga ito ang tunay na pag-asa, dahil tunay na pakikisangkot ang tugong ito. Hindi maaabot ang tunay na kaligayahan dahil hindi makalusot ni makaalpas ngunit dito lumilitaw ang tunay na pagkilos na nagmumula sa diwa ng tao, dumaraan sa katwiran at lumalagpas dito, at nakakawala sa pagkabihag ng mala-pag-asang atitud na optimismo, pesimismo at istowisismo kahit hindi naman tunay na pag-asa. Kaya nga makikita ang proseso na tinatahak ang landas mula sa “umaasa ako na” patungo sa “inaasahan kita” na humahantong sa “inaasahan kita alang-alang sa amin.” Sa unang antas, bawal ang “umaasa ako na” dahil may pagtatakdang nauuwi sa aba-ako. Sa turing na “inaasahan ko na,” itinataboy ang pag-asa dahil ginagawang magpasawalang-hanggan ang tinatakda sa sarili. Sa ikalawang antas naman, bawal ang “inaasahan kita” dahil may binibigay sa kapwa na kapangyarihang mangwasak o mambigo kung ituturing ang “wala na akong inaasahan sa iyo.” Subalit sa ikatlong antas, ang inaasahan kita alang-alang sa amin ay hindi maaaring magtakda ng kundisyon ng pag-asa. Sa turing na “iniibig kita,” pinaganap ang pagtataya sa isang tao na kinikilala ang kahalagahan niya na maaari ring asahan sa ibang tao. Sabihin mang mahina pa rin ang mga tao, dapat higit sa tao ang ipaganap upang matupad ang pag-asa. Sa bawat relasyon, kinikilala ang kalayaan na maaaring tumanggi o humindi. Ganito kasi ang pag-ibig: kusang ipinagkakaloob nang hindi humihingi ng pagsunod sa kondisyon. Anu't anuman, ang pag-asa sa tunay na konteksto ng relasyon ay ang ganap na anyo ng pag-asa na may pakikisangkot alang-alang sa kapwa-tao.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment