the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Thursday, April 16, 2009

banyagang pilipina: mga katangiang di-katutubo nina donya consolacion at victorina


Sa sulat ni Jose Rizal sa kababaihan ng Malolos, binanggit niya ang ilang katangian ng mga Filipina matapos papurihan ang sigasig na maisulong ang pantay na karapatang makapag-aral at simulating peminismo ng mga babae ng bayang iyon sa Bulacan. Ilan sa mga ito ay pagkamasunurin sa tama, karunungan, tibay ng loob, at iba pang katangian.
Ipinakita ni Rizal ang mga ito sa mga babaeng tauhang nilikha niya sa kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, mapabuti man o masama ang katangian. Ilan sa nagtaglay ng mga ‘di-kagandahang katangiang ito ay sina Sisa na martir bilang asawa at Maria Clara bilang mahina. Magkagayunman, kina Donya Victorina at Donya Consolacion makikita ang pinakamasasamang katangiang hindi dapat tularan ng mga Filipina, partikular na rito ang pag-astang animo ay hindi mga katutubong babae.
Mahalagang talakayin ang paksa ng pagkabanyaga sapagkat isa sa pinakamahalagang aspekto ng pagkatao ang pagkakakilanlan. Dahil sa identidad, nalalaman ng tao kung ano ang kanyang pinagmulan, na sanhi ng kanyang kasalukuyan at tulay sa kanyang kinabukasan. Sa paghulagpos sa pagkakakilanlan, matatawag ang tao na nawawala sa kanyang sarili. Mas masahol pa sa pagkabanyaga sa sariling bayan ang pagiging banyaga sa sarili. Sa pagpapakitang hindi mabuti ang ganitong kalagayan, ninanais iparating ng papel na ito na hindi dapat tularan ang masasamang halimbawa ng mga katutubong kung umasta ay tila ba hindi Filipino. Sa konteksto ng Pilipinas ngayon, masasabing maraming ganitong uri ng mga taong naapektuhan na ng kolonyal na pag-iisip at kontaminado na ng mga banyagang kultura. Kaya nga, mahalagang panggising ang paksa sa mga taong ni hindi mulat sa katotohanang banyaga sila sa kani-kanilang sarili.
Sa mga nobela ng pambansang bayani, dalawa sa mga kakaibang nilalang sina Donya Victorina at Donya Consolacion. Kakaiba si Donya Victorina sapagkat katutubo siya ngunit nagkukunwaring mestisang Kastila sa pamamagitan ng paglalagay ng makapal na kolorete sa mukha at mali-maling pagsasalita ng Kastila. Halimbawa ng pagpapanggap niya ang paglalagay ng dobleng “de” sa kanyang pangalan upang hindi makalagpas sa pandinig o paningin ng mga tao na apelyidong Kastila ang kanyang dinadala. Kahit husto na ang isang “de” para sa ordinaryong Kastila, ang pag-uulit nito sa pangalan niya ay patunay ng pagpupumilit niyang maging Kastila. Ang paglalapat naman ng kulay sa mukha ay paraan ng donya na takpan ang kayumanggi niyang balat. Sa paraang ito, sa pisikal na anyo ay magmumukha siyang mestisa. Ayaw niyang mapagkamalang katutubo kaya dinadaan niya sa kolorete ang pagtatakip ng kanyang kayumangging kulay. Sinesegundahan niya ang koloreteng pangmestisa ng damit Europeo na sa pagkamagarbo ay daig pa ang tunay na babaeng Kastila. Pinakamatindi sa pagpapanggap ni Donya Victorina ang paggamit ng wikang Kastila upang masabing hindi siya katutubo. Kahit mali-mali ang pangangastila niya, hindi niya alintana basta masabing makapagsalita ng wikang katutubo sa mga taga-Espanya.
Samantala, kakaiba si Donya Consolacion sapagkat ang asawang ito ng alperes ay mapagpahirap ng kapwa Filipino sa pamamagitan ng kanyang magaspang na pananalita at pag-uugali kahit dati naman siyang hamak na labandera. Gaya ni Donya Victorina, nagpapanggap din siyang Europea. Pinili man niyang maging pipi upang huwag nang makapagsalita ng wikang Espanyol (hirap siya, halimbawa, na banggitin ang salitang “Filipinas”), dinaan naman niya ito sa pagdadamit Europeo nang higit pa sa tunay na babaeng Kastila. Ngunit pinakatinding pagkadayuhan sa donyang ito ang pagpapahirap sa kapwa niya katutubo gaya ng pagmamalupit sa mga guwardiya sibil na kasa-kasama niya sa kuwartel na pinamumunuan ng kanyang asawa. Maningning ding ipinakita ito sa kabanata kung saan pinakanta at pinasayaw niya ang baliw na si Sisa na nakuha sa pananakot na hahagupitin ng buntot-pagi. Sa halip na maging simpatetiko sa kalagayan ng kanyang kapwa katutubo, pinapahirapan pa sila ng donya.
Ipinakita sa mga nabanggit kung paano nakaimpluwensiya ang kolonyalismo sa kamalayan ng mga katutubo sa katauhan nina Donya Victorina at Donya Consolacion. Sa pag-uutak kolonyal, mas minahalaga nila ang hiram na kultura sa halip na mahalin ang dinudustang kulturang katutubo. Ginawa nila ito hindi lamang sa pisikal na paraan—pagdadamit Europea at pangongolorete ng kulay upang mapagtakpan ang kayumangging balat—kundi pati na rin sa kultural na paraan mula sa pagpupumilit na magsalita ng Kastila kahit mali-mali, ang kaugnay na pagkalimot sa pananalitang katutubo at ang mababang pagtingin sa kapwa katutubo. Sa tingin nila, mas may pribilehiyo ang maging Kastila sapagkat pangalawang mamamayan lamang ang mga katutubo sa kolonyang Pilipinas. Kaya nga upang hindi matulad sa mga karaniwang mamamayang pinahihirapan ng kanilang tadhanang maging kolonyal, minabuti nilang magpanggap na banyaga kahit litaw na litaw ang pagkukunwari nila.
Kahit magmukhang katawa-tawa o kagalit-galit ang mga pagkukunwaring ito, pinangatawanan ito ng dalawang donya sapagkat sa isang lipunang pinahihirapan ng marahas na karanasan ng kolonisasyon, mahirap ang kalagayan ng maging iba. Lamang, sa ginagawa nilang ito, lalo lamang silang nagiging kakaiba sapagkat anumang pagtatakip sa tunay na loob ng isang tao, lalabas at lalabas pa rin ang totoo. Hindi makukuha sa abut-abot na pangongolorete o pagdadamit o pagsasalita o pag-iisip ang pagpapalit ng kalooban dahil lumilitaw lamang lalo ang motibong pagpupumilit. Hindi mabubura nang ganun-ganoon lamang ang pagiging katutubo dahil ilang panahon ang nagdaan upang buuin ang nagpatung-patong na katutubong katangian. Maaaring magkaroon ng kontaminasyon lalo na sa karanasang kolonyal ngunit ang katotohanan, mahirap burahin ang tunay na kalooban. Habang lalong nagmamalabis sa pagsisikap na maging iba sa iba, lalo lamang nakikitang hindi ito tunay na iba ng iba kundi kawangis sa hitsura, sa isip, sa salita, at sa gawa.

Talasanggunian:
De Vera, Estrella, et al. Obra Maestra: El Filibusterismo. Manila: Rex, 2006.
Rizal, Jose. “Message to the Young Women of Malolos.” Nasa Jose Rizal, Political and Historical Writings. Manila: National Historical Institute, 1972.

7 comments:

  1. Anonymous3:45 AM

    i hate the background
    that's it!!!!
    my eyes are hurt...

    ReplyDelete
  2. Anonymous3:45 AM

    too small. so hard to read!

    ReplyDelete
  3. Anonymous4:44 AM

    wow my natutunan akou...
    tnx!!!

    ReplyDelete
  4. Anonymous3:03 AM

    indention

    ReplyDelete
  5. Anonymous7:09 PM

    arrgh nakakasakit sa mata ang mga kulay!!!

    ReplyDelete
  6. Well it's good. I won't judge the background, color, font or whatsoever because I don't have the right. I'm after the content. I appreciate your efforts. :)

    ReplyDelete