the gapanese invasion is nigh!

"pinakamaganda ka nga sa buong kapuluan, pero latina na naman ang magwawagi ng korona at sash sa miss world! racism ba ito? lupasay!"

Friday, January 30, 2009

bakit masama ang masama?


Noong bata pa ako, maraming bagay ang ipinagbabawal na gawain ng mga nag-aalaga sa akin. Bawal ang abutin ng gabi sa paglalaro sa kalsada, bawal ang magmura, bawal ang makipag-away, bawal ang matulog nang busog. Sa mura kong isip, naitatanong ko kung bakit hindi ako puwedeng makipagpatintero o makipaghabulan kung maliwanag naman ang buwan, kung bakit hindi ko puwedeng ibulalas ang nararamdaman ko sa porma ng bulaklak ng dila, kung bakit hindi ko puwedeng sugurin ng tadyak at hambalos ang mga nang-iinis na kapwa-bata, kuing bakit hindi puwedeng iidlip ko ang masarap na pakiramdam ng katamaran pagkatapos kumain. Bilang makulit na bata, asahan nang lalabas sa bibig ang mga tanong na ito ngunit dalawa lang ang masasabi ng tagapag-alaga: bawal, masama. Gusto ko sanang maipaliwanag sa akin nang mabuti kung ano ang ibig sabihin ng bawal, masama pero hindi pa naman ako sanay sa diskurso noon, kaya patay-malisya na lang ang ginawa ko kahit ni dedma ay hindi ko pa naman alam ang kahulugan.
Ano nga ba ang kasamaan? Bakit ang mga pamahiin ng matatanda, masamang gawin pero may mga naaabutan naman akong nagtsa-chinese garter kahit lagpas-dapithapon na, may mga nagmumurahan sa isa’t isa na parang wala nang bukas, may mga nasasabunutan at nagsasapakan habang umaastang cheerleaders ang iba, at may namamatay sa bangungot. At hindi limitado sa mga bata ang ganito, dahil hindi kakaunti sa mga sumusuway ay matatanda. Kung nasusunod sana ang istriktong pagsunod sa hindi dapat gawin dahil bawal, malamang sandamakmak ang populasyon ng mga santo at santa. Kung bawal dahil masama, bakit may sumusuway pa rin?
Sa palagay ko, may kasamaan dahil may kalayaan ang tao na piliing ipreserba ang ipinagbabawal o suwayin ito dahil sa tukso ng pagkakataon. Dahil buhay ang tao bunga ng kanyang natural na hangarin, mayroon at mayroong hadlang na sumasalunga sa pagpili o pagkilos bilang pag-abot sa hangaring ito. Kung may kalayaan, sasalungain nito ang hadlang para maabot ang hinahangad. Kung may kalayaan, mapipili ng tao na maging mabuti o maging masama sa pamamagitan ng pasgyakap alinman dito.
Ngunit papasok na rito ang konsepto ng kung gaano kahalaga ang hangarin para sa tao para sa kanyang sariling kapakinabangan o para sa kapakinabangan ng iba. Matapos ang murahan, ano na? Matapos ang pakikipag-away, ano pa ang kasunod? Hindi ba ang nararamdamang ligaya ay panandalian lang dahil naabot nga ang hangaring magmura o makipagsuntukan, ngunit sa proseso ay may nasaktang kapwa at hindi masasabing kapakinabangan nila ito? Kasamaan ito hindi lang dahil hindi produktibong gawain sa kaso niya o ng kapwa kundi dahil ginamit ang kalayaan nang hindi isinaalang-alang ang moral na responsibilidad. Anumang hangaring itinutulak ang tao para kumilos, may kalayaang mag-isip at humusga kung anong nag-aangat sa hangarin upang piliting maabot ito. Nasa kapangyarihan ng tao na piliin kung magdadala ng masama o mabuti ang hangaring ito sa puntong ang desisyon ang magsasabi kung naging mabuti o masama ang isang tao bilang bunga ng paghatol na sundin o hadlangan ang pag-abot sa hangarin. Kasamaan ito kung nabulay-bulay nang may masasagasaang iba, maaaring kapwa-tao o ang Diyos, ngunit initsa-puwera ang moral na responsibilidad at inabot pa rin ang hangarin.
Ang kasamaan ay ipinagbabawal ng Diyos dahil may inihatid siyang mga batas moral na bubuo ng dignidad-pantao habang sinusunod. Ipinapaalaala ito ng konsensya ng tao, na nagdidikta na piilin ito bilang basikong opsyon. Sa pagsunod ng tao sa mga batas moral na ito, ginagamit ng tao ang kalayaang bigay mismo ng Diyos upang iangkop sa mga batayang moral Niya. Kaya nga ang kasamaan ay pagpili sa bawal, isang pagpiling may angkop na kaparusahan.

3 comments: